May Facebook post na nagsasabing ipapanukala ni Senador Tito Sotto na ibaba sa 39 anyos ang pagreretiro. Hindi ito totoo.
Ini-upload noong June 22 ang picture ni Tito Sotto na may pamagat na:
“Sotto itutulak early retirement bill sa mga 39-anyos!”
At may caption na:
“Isasampa niya sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo ang panukala para makapag-retiro na ang mga empleyado kahit 39-anyos pa lamang.”
Ginamit ng post ang balita ng Abante, na mali rin sa pagsasabing “Sotto itutulak early retirement bill sa mga 39-anyos,” na ayon naman daw sa interview ng DWIZ noong June 21.
Sinabi rin daw ni Tito Sotto na sa pag-aaral nila, 30% ng mga nagtatrabahong Pinoy ay pabor sa pagbababa ng edad ng pagreretiro.
Walang talaan ang nasabing interview kay Sotto and wala rin pag-aaral tungkol sa pagreretiro na binanggit ng Abante.
Ang edad ng pagreretiro ay 60 hanggang 65, ayon sa Retirement Pay Law at Government Service Insurance Act ng 1997. At noong 2024, pinanukala ng House Bill 206 na ibaba sa 56 anyos ang pagreretiro. Pero umabot lang ang panukala sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives noong 19th Congress.
May katulad na pahayag na lumabas noon ding June 22 sa fan page naman ni Senador Bato Dela Rosa. Ang naturang post ay may lagpas 8,860 reactions, 3,530 comments, at 4,583 shares.
Ang post na ini-upload ng page na Jigger EVE TV (ginawa noong Jan. 4, 2019 bilang jigger) ay may lagpas 810 reactions, 670 comments, at 80 shares. Ang page ay may lagpas 76,000 likes at 363,000 followers.