Categories
Ano Raw Fact Check Filipino

FACT CHECK: “iPhone, kinukuhanan ng picture ang may-ari nito kapag nasa dilim” KULANG SA KONTEKSTO

Kinukuhanan ng picture ng iPhone ang may-ari nito kada limang segundo kapag nasa dilim

Facebook page Couple Power Aguasss 2024-05-14 Kulang sa Konteksto

Ang ipinakikita sa video ay feature ng TrueDepth camera, kung saan nagpapailaw ng infrared ang iPhone para malaman kung may taong gumagamit.

May Facebook video na nagsasabing ang iPhone ay kinukuhanan ng picture ang may-ari nito kada limang segundo kapag nasa dilim. Kailangan nito ng konteksto.

Ang ipinakikita sa video ay feature ng TrueDepth camera, kung saan nagpapailaw ng infrared ang iPhone para malaman kung may taong gumagamit.

Ini-upload noong May 11, ang video ay may caption na:

“NIRERECORD KA NG IPHONE! Nakita namin sa isang post na nagte-take ng photos of YOU ang iphones (dpa namin natry sa android). Kaya sinubukan namin… Totoo nga!!! Makikita sa infrared na may flashes ang phone.”

VERA FILES FACT CHECK: ANG TOTOO. Tinitignan ng infrared flashes ng iPhone ang kilos ng tao, at hindi palihim na kumukuha ng “invisible” na litrato. Bahagi ito ng TrueDepth camera technology ng Apple, na sinusuri kung may gumagamit ba ng iPhone.

Ipinakikita sa video ang taong nasa dilim at may hawak na iPhone. Umiilaw ang infrared kada limang segundo kapag nakatapat ang iPhone sa mukha ng tao.

Ayon sa Apple, ang TrueDepth camera ng iPhone ay may mga attention aware feature. Kapag nakabukas ang mga feature na ito, automatic na naa-adjust ang brightness, humihina ang volume o namamatay ang screen depende sa paggamit.

Para tanggalin ang mga feature na ito:

  • Buksan ang Settings.
  • Pindutin ang Face ID & Passcode.
  • I-disable ang Attention Aware Features.

Maraming netizen ang pinagsabihan ang nag-upload ng video dahil sa pagkakalat niya ng nakaliligaw na impormasyon. Sabi ng isang netizen, “Muntik nko mag overthink malala buti nagbasa ako ng comments.” Ang video ay may higit 1,250 reactions, 200 comments, 300 shares at 927,000 views.

Pinasinungalingan din ng USA Today ang kagayang mga video noong 2021.


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)