Skip to content
post thumbnail

‘Tama na po! May test pa ako bukas!’

Anong klaseng tao itong mga pulis na walang habag na pinagbabaril ang 17-taong gulang na si Kian de los Santos habang nagmamakaawa, “Tama na po! May test pa ako bukas!”

By Ellen T. Tordesillas

Aug 19, 2017

-minute read

Share This Article

:

Screengrab of CCTV image of the arrest by armed policement of 17-year old Kian de los Santos. From ABS-CBN.

Anong klaseng tao itong mga pulis na walang habag na pinagbabaril ang 17-taong gulang na si Kian de los Santos habang nagmamakaawa, “Tama na po! May test pa ako bukas!”

Ito ba talaga ang sinasabing kailangan maka-quota and mga pulis kaya kahit sino na lang bibitbitin nila at pagpapatayin at sabihing drug pusher?

Gustong kung magmura ng “Putang Ina mo Duterte” ngunit hindi ko gagawin yun dahil ayaw kung maging katulad niya na wala nang lumalabas sa bunganga niya kungdi mura. Ibig sabihin noon ganun din lang ang laman ng utak niya at puro lason ang nasa puso niya.

Ayaw ko rin na idamay pa ang nanay niya sa kahindik-hindik na pinag-gagawa niya sa bansa. Hindi naman tama yun.

Ngunit talagang nakakagalit ang nangyari kay Kian na pinagbabaril ng mga pulis noong Miyerkules nang sila nagkaroon ng operasyun laban sa iligal na droga sa Caloocan City.

Sinungaling pa ang mga pulis. Sabi nila pinagputukan daw sila ni Kian kaya daw nila binaril.

Sabi ng tatay ni Kian, hindi nagdu-droga at walang baril ang anak. Paano magkaroon ng baril yan ay naka-boxer shorts. Saan niya isukbit ang kanyang baril?

Sabi ng mga nakakita nang nangyari at ito ay suportado ng CCTV, nang dumating ang mga pulis, kung sino ang makursunadahan damputin sa kalsada, dinampot. Nakursunadahan si Kian.

Binugbug daw si Kian ng mga hindi naka-uniporme na mga lalaki na may baril dahil wala silang nakuhang droga sa kanya. Nagmakaawa ang bata, “Tama na po! Tama na po! May test pa ako bukas!”

School ID of Kian. From Interaksyon.

Pinahawakan daw kay Kian ang baril. Sabi daw ng bata, “Anong gagawin ko dito?”

Sabi daw ng walang pusong pulis, ‘Ito ang baril. Iputok mo tapos tumakbo ka.” Natakot daw si Kian, hindi kinuha ang baril at tumakbo. Kaya binaril.

May mga anak ba itong mga pulis? Ano na ang nangyayari? Sa halip na protektor ng bayan, naging halimaw at salot sila.

Sinasabi ng marami dati na yang gawain ng mga pulis ngunit lalo itong tumindi dahil sa polisiya ni Duterte na patay, patay. Sa isip ni Duterte ang solusyun sa problema ng bayan ay magpatay. Akala niya ang problema ng droga ay malutas kapag pinatay ang mga drug addict at pusher. Sobra limang libo na ang napatay ngunit siya mismo ay umamin na hindi niya malulutas ang problema ng ilegal na droga sa loob ng anim na taon niyang termino. Dahil hindi nga pagpatay ang solusyun.

A father’s anguish. Saldy de los Santos, Kian’s father. Screengrab from ABS-CBN.

Isang araw bago nangyari ang pagpatay kay Kian, tuwang-tuwang si Duterte at pinagyabang pa sa isang okasyun sa Malacanang,“Iyong namatay daw kanina sa Bulacan, 32, in a massive raid. Maganda iyon. Makapatay lang tayo ng another 32 everyday, then maybe we can reduce the…what ails this country.”

Parang manok lang ang pinag-usapan. Tawa naman ng tawa ang nakikinig na mga miyembro at kaibigan ng Volunteers against Crime and Corruption. Anong klaseng anti-crime crusaders kayo?

Sige pumatay pa kayo ng mga inosente para lang mapuno ang quota nyo.

May kasabihan tayong kapag napuno ang salop, kailangan kalusin.Darating din tayo sa araw na yun.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.