(Editor’s Note: Unang inilathala ang fact-check na ito sa Ingles noong Nov. 29.)
May chain message na kumakalat sa Facebook at mga private messenging app na nagbababalang patayin ang cell phone sa gabi para makaiwas sa nakamamatay na radiation. Hindi totoo ang chain message na ito na kumakalat na sa Pilipinas noon pang 2011.
Noong November, may mga netizen na nagshare ng text na nagbababalang dapat pinapatay ang cell phone mula 10:30 p.m. hanggang 3:30 a.m. para makaiwas sa nakamamatay na radiation. Para magmukhang totoo ang chain message, sinasabing galing ang abiso kay Kuya Kim Atienza at sa BBC News:
“Turn off daw mamaya ang mga cp 10:30 PM hanggang 3:30 AM kase malakas ang radiation dhil sa cosmic rays, nucli atomic. Ibinalita ni Kuya Kim at sa BBC news sa cable. Delikado’t bka nakkamatay daw. Wag itabi sa pagtulog ang cp, and please pakiforward din sa iba for their information. – (Forwarded) Kung outside Phil,imssge nyo relatives nyo.”
Hindi totoo ito. Walang iniulat na ganito si Kuya Kim o ang BBC.
Kumalat din ang chain message na ito sa ibang bansa. Noong 2010, iniulat ng BBC ang kagayang chain message sa Ghana na nagbababala laban sa “cosmic rays” na tatama sa mundo, kaya inakala ng mga tao na magkakalindol.
Iba’t ibang version ng chain message laban sa radiation ang kumalat sa Pilipinas noong 2011, 2012, 2020 at 2022, na pinasinungalingan naman ng iba’t ibang media at fact checker. Ini-report din ng mga fact checker sa Thailand at India ang mga kagayang chain message.
Noong 2020 at 2022, nilinaw ni Kuya Kim mismo na “lumang fake news” ang mga chain message. Sa post niya noong 2022, idiniin niyang kumakalat ulit ang mga chain message na ganito kapag may mga sakuna, gaya ng pagsabog ng Bulkang Taal noong 2020 at pagsalanta ng Bagyong Paeng noong 2022.
Ayon sa International Atomic Energy Agency, ang mga cosmic ray ay mga napakamagalaw na sub-atomic particle sa kalawakan. Ang mga cosmic ray, na puwedeng mula sa pagsabog ng bituin o mga charged particle ng Araw, ay inililihis ng magnetosphere ng Mundo. Inaabot tayo minsan ng mga cosmic ray pero hindi nakapipinsala, gaya rin ng iba pang mahihinang radiation na lagi naman tayong nakabilad.
Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention, ang pagkabilad sa cosmic ray ay parang pagkabilad lang sa medical X-ray. Mahinang radiation ito at malabong makasama sa kalusugan.
Kumalat ulit ang chain message pagtapos kumalat sa mga Filipino netizen ang mga walang-basehang ulat tungkol sa solar superstorm na magpapawala raw ng internet sa buong mundo sa loob ng ilang buwan.
Ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle, bukod sa mga private post, may higit 114 public posts sa Facebook pages at groups ang nagpakalat ng chain message sa nakaraang 30 araw.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)