Iginiit ng abogadong si Larry Gadon na ang Philippine Red Cross (PRC) ay tumatanggap ng malaking pondo mula sa gobyerno. Ito ay nakaliligaw.
Maaaring i-audit ang PRC dahil kumukuha ito ng pondo mula sa gobyerno, aniya. Ito ay kulang sa konteksto.
PAHAYAG
Noong Set. 4, ibinahagi ni Gadon ang isang video ng kanyang sarili na na-upload sa Facebook (FB) page ng Sonshine Media Network AM radio station na DZAR 1026. Apat na minutong monologue ito, kung saan hinikayat niya si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang appointment ng pangulo sa anim na mga nominado sa Board of Governors ng PRC dahil sa hindi pagsumite ng taunang ulat sa chief executive.
Ganito ang takbo ng bahagi ng pahayag ni Gadon:
“Akala yata nila ay sila ay talagang independent nga at pinapalagay pa nila na hindi sila pwedeng i-audit. ‘Yan ay mali, sapagkat ang Philippine National Red Cross ay tumatanggap ng napakalaki, milyon-milyon, daang milyon na pondo galing sa gobyerno … May karapatan ang gobyerno na i-audit ang kanilang paggastos diyan sa pondo na binibigay ng gobyerno, at ‘yan ay nasa batas ‘yan.”
Pinagmulan: DZAR 1026 official Facebook page, Sen. dapat nang tanggalin bilang chairman ng Phil. Red Cross, Set. 4, 2021
Ipinagpatuloy niya:
“Ang lottery, ang kinikita ng isang lottery, isang araw na lottery, ay napupunta sa Philippine National Red Cross para sa kanilang general fund. At ang isa pang araw uli ng lottery, ang kinikita nito, ay inilalaan naman sa kanilang blood bank.”
Pinagmulan: DZAR 1026 official Facebook page, Sen. dapat nang tanggalin bilang chairman ng Phil. Red Cross, Set. 4, 2021
Ang post ni Gadon ay nakakuha ng 4,200 interactions sa FB, habang ang kanyang video sa FB page ng DZAR 1026 ay nakakuha ng 295,000 views at 20,899 interactions hanggang Set. 15, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle. Ang modified version ng video na ipinost sa FB page na Kapeng Barako noong Set. 6 ay mayroong 27,000 reactions, 4,500 comments, at 724,000 views sa parehong petsa.
ANG KATOTOHANAN
Habang ang PRC — isang independent, autonomous, non-governmental organization — ay tumatanggap ng mga nalikom mula sa lottery draws ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), wala itong alokasyon sa taunang General Appropriations Act o national government budget na inaprubahan ng Kongreso.
Ang PCSO, isang government-owned and -controlled corporation sa ilalim ng Office of the President, ay may mandato na mag-raise at magbigay ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at serbisyo, at mga kawanggawa sa pamamagitan ng mga sweepstakes, lottery, at iba pang aktibidad sa pangangalap ng pondo.
Ang Section 5(d) ng Republic Act (RA) No. 10072, ang Philippine Red Cross charter, ay nagtatakda na ang PCSO ay dapat maglaan para sa PRC ng “kahit isang lottery draw taun-taon para sa suporta sa mga disaster relief operations nito bilang karagdagan sa kasalukuyang lottery draws para sa Blood Program.”
Ang Section 6(b) ng RA 1169, o ang 1954 charter ng PCSO, ay nagtatakda na ang PCSO ay dapat maglaan ng 30% ng mga natanggap nito mula sa pagbebenta ng mga sweepstakes ticket sa isang charity fund, kung saan ang mga kontribusyon ay dapat ibayad sa mga programang pangkalusugan at kawanggawa tulad ng PRC.
Isang cursory search ay nagpapakita na ang PRC ay nakatanggap ng dalawang tseke na nagkakahalaga ng P889,451 noong Mayo at isa pa na nagkakahalaga ng P767,110 noong Hulyo ng taong ito.
Sa isang sagot noong Set. 9 sa tanong ng mga mamamahayag na nagko-cover sa Department of Justice, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring i-audit ng gobyerno ang PRC.
Ang PRC ay hindi napapailalim sa regular na pag-audit ng Commission on Audit (CoA). Gayunpaman, ang Article IX-D, Section 2 (1) ng 1987 Constitution ay nagsasaad na ang CoA ay maaaring magsagawa ng post-audit ng isang non-government organization, tulad ng PRC, na tumatanggap ng direkta o hindi direktang subsidy/equity mula sa gobyerno.
Anumang organisasyon ng gobyerno ay maaaring humiling sa CoA para sa isang espesyal na pag-audit ng isang NGO tulad ng PRC sa isang case-by-case basis, gaya ng itinatadhana sa Article 4.8 at 6.2 ng CoA Circular No. 96-003.
Ang parehong mga probisyon sa Konstitusyon at CoA circular ay binanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press briefing noong Set. 7 upang bigyang-katwiran ang hurisdiksyon ng CoA na i-audit ang PRC.
Ang CoA ay inaatasan na magsagawa ng taunang, regular na pag-audit ng mga kita at paggasta ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health, at mga GOCC na may orihinal na mga charter, at mga post-audit na constitutional bodies at mga tanggapan na pinagkalooban ng awtonomiya sa pananalapi, mga autonomous na kolehiyo at unibersidad ng estado, iba pang mga GOCC at kanilang mga subsidiary, at iba pang non-government entities na tumatanggap ng subsidy o equity mula sa gobyerno.
Ang COA ay maaaring magsagawa ng pansamantala o espesyal na pre-audit upang itama ang mga kakulangan sa mga ahensya kung saan ang “internal control system” ay “hindi sapat.”
Ang PRC ay dati nang na-audit ng Swiss-based na international auditing firm na KPMG International at ng Philippine management firm na affiliate nito na R.G. Manabat & Co.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
DZAR 1026 official Facebook page, Sen. dapat nang tanggalin bilang chairman ng Phil. Red Cross (Archived), Sept. 4, 2021
Official Gazette, Republic Act No. 10072, accessed Sept. 9, 2021
Governance Commission for GOCCs, Republic Act No. 1169, accessed Sept. 14, 2021
Philippine Charity Sweepstakes Office official Facebook page, PCSO Office of the General Manager…, May 25, 2021
Philippine Red Cross official Facebook page, Pinagkaloob sa Philippine Red Cross (PRC) ng PCSO…, July 8, 2021
Philippine News Agency, COA has power to open PRC’s books: Guevarra, Sept. 9, 2021
The Manila Bulletin, COA can audit PRC on subsidies given by gov’t entities like PCSO, Sept. 9, 2021
News5 official Facebook page, May kakayahan ang Commission on Audit na suriin ang Philippine Red Cross…, Sept. 9, 2021
Official Gazette, Article IX, 1987 Constitution, accessed Sept. 13, 2021
Government Procurement Policy Board, Commission on Audit Circular No. 96-003, accessed Sept. 13, 2021
Presidential Communications Operations Office, Press Briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque | September 7, 2021, accessed Sept. 13, 2021
KPMG International, Independent Auditor’s Report on the IFRC’s Financial Statements for the Philippines – Typhoon Mangkhut Emergency Appeal (MDRPH029)…, accessed Sept. 14, 2021
International Federal Red Cross [Federation-wide Databank and Reporting System], Philippine Red Cross 2015 (Our Audited Financial Statements), accessed Sept. 9, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)