Ilang mga social media account ang mali sa pagtukoy sa isang video ng malakas na hangin na dala ng isang bagyo na tumama sa Pilipinas noong 2020 bilang footage ng Bagyong Odette (internasyonal na pangalan: Rai), na ngayon ay dumadaan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga nag-post ng clip na may maling konteksto ay ang ilang Facebook (FB) pages ng Bombo Radyo.
PAHAYAG
Sa pag-landfall ni Odette sa Southern Leyte noong Dis. 16, nag-upload ang Bombo Radyo Iloilo at Bombo Radyo Gensan ng clip na nagpapakita ng magkahalong malakas na ulan at bugso ng hangin na naging sanhi ng malakas na pag-ugoy ng isang gate at pagyuko ng mga puno patungo sa isang direksyon. Naglagay ito ng caption:
“WATCH (PANOORIN) | MAASIN SOUTHERN LEYTE, GINPAIDALOM SA SIGNAL 4”
Pinagmulan: Bombo Radyo Iloilo Facebook page at Bombo Radyo Gensan, Dis. 16, 2021
Parehong ibinigay ang kredito ng video sa isang grupo na tinatawag ang kanilang sarili na “United Emergency Responders.” Ang post ng Bombo Radyo Iloilo ay nakakuha ng mahigit 51,000 views mula nang mailathala, habang ang isa sa General Santos City bureau nito ay nakakuha ng mahigit 43,000.
Isang pribadong FB user din ang nag-post ng video sa kanyang page noong araw ding iyon, na may katulad na pahayag na ipinakita nito ang kasalukuyang sitwasyon sa Maasin City, Southern Leyte. Ang post na ito ay natingnan nang mahigit 2,300 beses.
ANG KATOTOHANAN
Ang clip ay hindi nagpapakita ng pinsalang dulot ni Odette, ngunit ng Super Typhoon Rolly (international name: Goni), ang pinakamalakas na bagyo ng 2020.
Ang kopya ng orihinal na video, na nakunan ng isang netizen, ay na-upload ng Philstar.com sa FB noong Nob. 1, 2020, nang mag-landfall ang Rolly sa rehiyon ng Bicol. Ang caption na ibinigay ng media organization ay nagsabing ang footage ay nasa munisipyo ng Buhi sa Camarines Sur.
Itinampok din sa FB pages ng pahayagang The Manila Standard at lokal na istasyon ng radyo na Brigada News FM 92.7 Pampanga ang video sa mga ulat na inilabas nito tungkol kay Rolly noong Nob. 1, 2020.
Mabilis na itinuro ng mga netizens sa mga comment section ng mga kumakalat na post na mali ang impormasyon na binibigay nito sa publiko at ang aktwal na video ay nagpapakita ng mga epekto ng 2020 supertyphoon.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Philstar.com, “Rolly in Buhi, Camarines Sur,” Nov. 1, 2020
Manila Standard, “WATCH | Typhoon Rolly barrels through Bicol region.,” Nov. 1, 2020
Brigada News FM 92.7 Pampanga, “PANOORIN ang lakas ng hagupit ni bagyong #RollyPH,” Nov. 1, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)