Sa pagpapaliwanag ng mga benepisyo ng glutathione, sinabi ng doktor na si Alvin Francisco, na mayroong mahigit 885,000 followers sa TikTok, na nakatutulong ang pag-inom ng oral glutathione sa pag reverse ng fatty liver. Ito ay hindi pa napapatunayan.
PAHAYAG
Sa isang tatlong minutong video, sinagot ni Francisco ang mga tanong ng kanyang mga tagasunod tungkol sa paggamit ng oral glutathione. Hindi bababa sa dalawa ang nagtanong kung ang glutathione, partikular na binabanggit ang isang tatak na Nekothione, ay nakasisira ng atay ng tao.
Sinagot ni Francisco, na kasalukuyang kumukuha ng kanyang residency sa radiology sa National Kidney and Transplant Institute:
“Hindi po nakakasira, sa totoo lang baliktad. Hindi siya nakakasira, nakakatulong pa siya sa sakit na kung tawagin ay NAFLD or non-alcoholic fatty liver disease.”
Pinagmulan: Alvin Francisco Official Tiktok Account (@docalvinfrancisco), Tiktok Gluta capsules: Safe ba sa liver?… (archived), Marso 25, 2023, panoorin mula 0:22 hanggang 0:30
Idinagdag niya:
“Since ang glutathione ay very potent antioxidant, nakakatulong siya sa pagre-reverse ng fatty liver.”
(“Dahil ang glutathione ay napakamabisang antioxidant, nakakatulong siya sa pagre-reverse ng fatty liver.”)
Pinagmulan: panoorin mula 0:46 hanggang 0:51
Upang suportahan ang kanyang pahayag, binanggit ng doktor ang isang pag-aaral noong 2017 na nagsuri sa “potensyal na mga therapeutic effect” ng oral glutathione sa 34 pasyenteng Hapon na na-diagnose na may NAFLD. Ito ay isang kondisyon kung saan namumuo ang labis na taba sa atay ng isang tao, hindi dahil sa labis na pag-inom ng alak. Karaniwang nakakaapekto ito sa mga taong overweight o may insulin resistance gaya ng mga pasyenteng may diabetes.
Sa bandang huli sa video, idinagdag ni Francisco na ang pag inom ng oral glutathione ay dapat na sinamahan ng pagbabago ng lifestyle at ehersisyo.
ANG KATOTOHANAN
Ang pag-inom ng oral glutathione ay hindi kasama sa mga alituntunin para ma reverse ang NAFLD, sinabi ng hepatologist na si Arlinking Ong-Go sa VERA Files Fact Check. “Lahat ng pasyente na may non-alcoholic fatty liver disease ay dapat magkaroon ng pagbabago sa diet [at] lifestyle, at ehersisyo bilang [isang] paraan ng therapy,” paliwanag ng manggagamot, na nakaupo bilang treasurer ng Philippine Society of Gastroenterology, isang organisasyon ng mga doktor na nagpo-promote ng pinakamataas na kalidad ng digestive healthcare.
Idinagdag ni Ong-Go na hanggang ngayon, walang pildoras na ganap na inirerekomenda ng mga alituntunin upang ma reverse ang fatty liver, kahit na para sa mga pasyente na may tissue scarring at paninigas ng atay.
Ang oral glutathione ay hindi rin nakalista bilang bahagi ng Asian-Pacific Association for the Study of the Liver clinical practice guidelines para sa pamamahala at paggamot ng NAFLD. Nakasaad sa pag-aaral na ang mga pasyente na hindi nanganganib na magkaroon ng tissue scarring at paninigas ng atay ay dapat “mag counseling para sa isang malusog na diyeta at pisikal na aktibidad” at hindi nangangailangan ng gamot.
Ipinapakita rin nito na ang mga doktor ay gumagamit ng iba’t ibang mga diskarte sa pagtugon sa NAFLD, mula sa pagbabago ng lifestyle at ehersisyo hanggang sa mga operasyon at transplant para sa malalang kaso.
“Ang ibig sabihin ng diet ay [ang] food option mo, dapat ‘yung tama, hindi ‘yung diet na wala kang kakainin kasi hindi mo masu-sustain na gano’n katagal ‘yung isang food option. Ang reversal no’n ay meron tayong activity, meron kang exercises, meron ka ding tamang food option na pinipili,” paliwanag ni Ong-Go.
Ang pag-aaral na binanggit ni Francisco bilang suporta sa kanyang pahayag ay nagsabi na ang malakihang mga klinikal na pagsubok ay kailangan pa rin upang alamin ang bisa ng oral glutathione sa mga pasyente ng NAFLD.
Ang Nekothione ay inirehistro ng Philippine Food and Drug Administration bilang food supplement na walang aprubadong therapeutic claims.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Alvin Francisco Official Tiktok Account (@docalvinfrancisco), Tiktok Gluta capsules: Safe ba sa liver?… (Archived), March 25, 2023
National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases, Definition & Facts of NAFLD & NASH, April 2021
National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases, Symptoms & Causes of NAFLD & NASH, April 2021
National Library of Medicine (BMC Gastroenterology), Efficacy of glutathione for the treatment of nonalcoholic fatty liver disease: an open-label, single-arm, multicenter, pilot study, Aug. 8, 2017
Dr. Arlinking Ong-Go, Personal communication (interview), April 13, 2023
Philippine Society of Gastroenterology, Mission and Vision, Accessed April 13, 2023
Philippine Food and Drug Administration, Nekothione, Nov. 3, 2022
Asian Pacific Association for the Study of the Liver, About, Accessed April 17, 2023
Springer (Hepatology International), The Asian Pacific Association for the Study of the Liver clinical practice guidelines for the diagnosis and management of metabolic associated fatty liver disease, Oct. 1, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)