Ang average retail na presyo ng baboy ay lumobo ng halos 100% mula nang makumpirma ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa noong Agosto 2019.
Ang umiiral na presyo ng kasim o pork loin ay tumaas ng 85%, mula P200 bawat kilo (kg) noong Agosto 2019 hanggang P370/kg noong Enero 2021. Ang liempo o pork belly ay tumaas ng 81.82%, mula sa P220/kg noong Agosto 2019 hanggang sa P400/kg noong Enero.
Ang ASF ang “pinakamalaking dagok” sa P260-bilyong industriya ng baboy sa Pilipinas “sa mga taon kamakailan,” na nalugi ng hindi bababa sa P43 bilyon mula Agosto 2019 hanggang Disyembre 2020, ayon kay Agriculture Undersecretary William Medrano.
Ano nga ba ang ASF at paano ito nakaapekto sa supply at presyo ng baboy sa bansa? Ano ang ginagawa ng gobyerno para matugunan ang problema?
Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman:
Ano ang ASF?
Ang ASF ay isang “lubos na nakamamatay” at “lubos na nakakahawa” na viral na sakit na nakakaapekto sa mga domestic at wild pigs, anuman ang edad at kasarian, ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations.
Karaniwang nakakaranas ang mga nahawaang baboy ng mataas na lagnat, pagkawala ng gana sa pagkain, at internal bleeding ng organs at balat. Ang mga rate ng pagkamatay ay maaaring “kasing taas ng 100%” at ang mga baboy ay “karaniwang” namamatay sa loob ng dalawa hanggang 10 araw pagkatapos na magkasakit, ayon sa World Organization for Animal Health o OIE.
Ang ASF virus ay nananatiling infective nang hindi bababa sa 15 linggo sa chilled meat products, at tatlo hanggang anim na buwan sa mga processed hams at sausage na hindi pa naluluto o pinausukan sa mataas na temperatura, ayon sa isang ASF manual ng FAO.
Binanggit ng OIE, na nagtala ng mga outbreak ng sakit sa mga bansa sa Africa, Asia, at Europe mula 2016 hanggang 2020, sa isang 2020 global situation report na ang ASF ay naroroon sa 30%, o 60 sa 201, na mga nag-uulat na bansa, kabilang ang Pilipinas.
Una natukoy sa East Africa noong unang bahagi ng 1900, ang ASF virus ay pinaniniwalaang naihatid ng mga warthog at soft ticks na karaniwang nakatira sa kanilang mga lungga.
Noong Set. 9, 2019, kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang pagkakaroon ng ASF sa Pilipinas matapos mapatunayan sa pamamagitan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) test na ASF-positive ang mga sampol na nakolekta mula sa maliliit na mga backyard farm sa lalawigan ng Rizal.
Paano ito nakakaapekto sa supply ng karne sa Pilipinas?
Sa loob lamang ng isang taon matapos matukoy ang sakit sa bansa, ang kabuuang imbentaryo ng baboy ay bumaba ng 13.4%, mula 13.01 milyong mga baboy noong Oktubre 2019 hanggang 11.27 milyong mga ulo na pinagsamang bilang mula sa likod-bahay at mga komersyal na mga farm noong Oktubre ng nakaraang taon, ayon sa isang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Nobyembre 2020.
Sa 11.27 milyong ulo, ang mga Region IV-A (CALABARZON), VI (Western Visayas), at VII (Central Visayas) ay may 33.91%, o humigit-kumulang 3.82 milyong ulo ng homegrown supply ng bansa noong 2020.
Sa 2020 year-end report, sinabi ng DA na ang sakit ay nakaapekto sa 25 sa 81 probinsya ng bansa, na ang mga rehiyon ng Visayas, Mindanao, at MIMAROPA (IV-B) ay “ASF-free pa rin.” Gayunman, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar sa isang press briefing noong Enero 18, 2021 na 2,130 na mga barangay sa 37 mga lalawigan ang nakikipagbuno sa outbreak.
Ang multi-bilyong pisong industriya ay umaasa sa maliliit na backyard raisers sa halos dalawang-katlo o 65% ng supply nito, ayon sa mga ulat ng DA. Ang mga komersyal na farm ang nagpupuno sa natitirang 35%.
Sa isang Nob. 10, 2020 online media forum, sinabi ni Reildrin Morales, executive director ng National Meat Inspection Service (NMIS) ng DA, na:
“So (Kaya) kung naapektuhan po ang backyard [farm] sa isang area, may naapektuhan — madali po kasi sa backyard eh, ‘no? Kung may isa, dalawa, tatlong baboy ka at nagkaroon ng outbreak doon sa area ninyo, madali kang maghinto ng inyong production. Pag naibenta mo, mag-aantay baka na lang kung kailan safe (ligtas). So (Kaya) dahil po diyan marami ang nag-control at hindi nag-alaga ng baboy. At kaya po ang naging resulta nito ay numipis po ang ating supply.”
Pinagmulan: PCOO Global Media Affairs, DA: REDUCED SWINE PRODUCTION IN Q3 DUE TO ASF, Nob. 10, 2020, panoorin mula 0:59 hanggang 1:28
Paano nakakaapekto ang sakit sa presyo ng baboy sa merkado?
Ang nakamamatay na sakit ay nagresulta sa pagbaba ng supply ng baboy sa Luzon at pagtaas ng presyo sa merkado ng mga produktong gawa mula baboy. Ang mga presyo ay nagsimulang tumaas noong Abril 2020, isang buwan nang umiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, batay sa price monitoring database ng DA.
Mula sa pagbagu-bago presyo sa pagitan ng P200/kg at P220/kg sa mga buwan bago matukoy ang unang kaso ng ASF sa bansa, ang kasim ay nagkakahalaga na ngayon ng P370/kg hanggang Enero 29, batay sa datos ng DA. Ang liempo, na mula P220/kg hanggang P240/kg bago ang ASF, ay halos dumoble sa P400/kg.
Sinabi ni Ricky Delgado, 51, isang third-generation na tindero ng baboy sa Tondo, sa VERA Files sa isang panayam sa telepono noong Enero 20 na nasa alanganin ang lokal na industriya ng karne, na nagbabanta ng panganib sa halos 60-taong negosyo ng pamilya sa Quinta Market sa Quiapo, Maynila.
“Siyempre bumaba nang bumaba ‘yung kita ko,” sabi ni Delgado, na binabanggit na nang maghigpit sa pagkilos ng publiko sa kasagsagan ng ECQ, bumaba ang benta at ang paghahatid ng mga produktong karne sa kanyang mga parokyano ay naging sadyang mahirap.
Idinagdag pa ni Delgado na ang pagtaas ng presyo ng mga kinatay na baboy na binili sa mga lokal na supplier ay isang pasanin ng mga nagtitinda ng karne na hindi basta maipapasa sa kanilang mga customer.
Sa ilalim ng Republic Act 7581, o ang Price Act of1992, maaaring magpataw ang DA ng mga suggested retail price (SRP), kung kinakailangan. Inaatasan ng Section 7 ng batas ang pangulo, sa rekomendasyon ng DA, na magpataw ng mga price ceiling lalo na sa mga kaso ng:
- pamiminto, pagkakaroon, o mga epekto ng isang kalamidad;
- banta, pagkakaroon, o mga epekto ng isang emergency;
- pangingibabaw o paglaganap ng iligal na pagmamanipula ng presyo;
- pamiminto, pagkakaroon, o epekto ng anumang kaganapan na sanhi ng artipisyal at hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng pangunahing pangangailangan o pangunahing kalakal; at,
- tuwing ang umiiral na presyo ng anumang pangunahing pangangailangan o pangunahing kalakal ay tumaas ng “hindi makatuwirang antas.”
Noong Nob. 26, 2020 itinakda ng agriculture department ang SRP ng pork loin at belly sa P260 at P290, ayon sa pagkakabanggit. Ang SRP ng pork ham ay nasa P190 siyam na buwan ang nakaraan.
“Hindi mo naman kaagad pwedeng ipasa sa mga consumer mo‘ yan … kaya lahat kami nasa mahirap na yugto kami ngayon. ‘Yung tubo namin, sobrang baba … kaya’t lahat tayo [mga nagtitinda ng karne] ay nahihirapan ngayon. Ang aming tubo ay talagang mababa,” sabi ni Delgado.
Ano ang ginagawa ng gobyerno para sugpuin ang sakit?
Bahagi ng naunang contingency plan ng gobyerno para sa ASF ay ipagbawal ang pag-angkat ng karne mula sa mga bansa na apektado ng ASF at ipagbawal ang paggamit ng food wastes o mga paging tira mula sa domestic at international airports at seaports, na tinawag na swills, bilang feeds sa mga lokal na babuyan.
Tinalakay din ng plano ang pagbabawal sa pagbihaye ng “mga live na hayop, mga produktong hayop, at mga by-product.” Kasabay ito ng mas mahigpit na mga sanitation method sa mga entry point ng bansa.
Noong Peb. 1, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang price ceiling sa mga piling produkto ng karne ng baboy, na ang pork loin ngayon ay P270/kg at pork belly sa P300/kg, na epektibo sa loob ng 60 araw mula nang pirmahan, o hanggang Abril 2. Ang price ceiling ay maaaring palawigin sa rekomendasyon ng DA.
Ang pambansang pamahalaan ay ginagawa din ang repopulation, mga prevention measure, at pag-angkat, bilang “huling priyoridad” nito, upang tugunan ang mga epekto ng ASF sa bansa.
Para patatagin ang presyo ng baboy sa merkado, inaprubahan din ni Duterte ang panukala ng DA na pansamantalang taasan ang minimum access volume (MAV) ng inangkat na baboy.
Sa isang press briefing noong Enero, sinabi ni Dar na pinaplano ng gobyerno na gawing triple ang dami ng angkat na baboy na pinapayagan sa bansa mula sa 54,000 metric tons bawat taon hanggang 162,000 metric tons, upang idagdag sa supply ng baboy sa bansa.
Ito ay katumbas ng 31.83% ng kabuuang 508,906 metric tons ng baboy mula sa bansa hanggang Oktubre noong nakaraang taon.
Ngunit ibang diskarte sa problema ang itinuturo ng mga lokal na nagtitinda ng karne at hog raisers, na siyang pumapasan sa pahirap ng sakit na ito.
“Alamin nila ‘yung ugat ng problema,” sabi ni Delgado. “Dapat hanapin nila, ng gobyerno, talaga kung saan nanggagaling ‘yung presyong pinapatong nila sa mga kalakal ng mga karne, ‘di ba?” idinagdag niya.
Katulad na mga katanungan ang naging hirit ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa pagdinig ng Senado noong Peb. 1 tungkol sa nakaka-alarmang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, habang sina senador Cynthia Villar at Imee Marcos ay tinukoy ang dagdag na pag-angkat ng baboy bilang nakakasama sa lokal na industriya ng baboy.
Sa isang press release noong Enero 31, sinabi ni Marcos, ang chair ng Senate committee on economic affairs, na ang DA ay maaaring “overcompensating” sa resolusyon nito na taasan ang dami ng imported na baboy para ibaba ang presyo para sa mga mamimili.
Binanggit din ni Villar, ang chair ng Senate committee on agriculture and food, na mas maraming pagsisikap at resources mula sa Bayanihan 2, ang batas na nagpapalawak sa pagkakaroon ng COVID-19 budget ng bansa para sa mga bagong programa at proyekto, ang maaaring ilipat sa pagdaragdag ng populasyon ng mga livestock sa lokal na sektor ng baboy.
Sa pagdinig noong Pebrero 1, iminungkahi ni Villar ang pagsasabatas ng isang hakbang upang matulungan ang livestock sector, kasama ng industriya ng poultry, na sinabi niya, na nag-ambag ng halos 33% sa produksyon ng agrikultura ng bansa.
Sinabi ni Morales na nakikita rin niya na kailangang dagdagan ang produksyon ng mga lokal na baboy, lalo na’t 360,000 na mga baboy na ang nawala sa mga backyard farm dahil sa ASF.
“Dapat talaga tayong mag repopulate. Mayroon tayong napaka-limitadong supply na at ang demand ay patuloy ang pagtaas,” sinabi ng NMIS direktor, na binanggit na ang naitala na 10% pagkawala sa pork production sa 2020 ay “konserbatibo” na pagtatantya.
Ang DA sa “simula” ay naglaan ng P80 milyon noong Enero 2021 upang “mag mass produce” at magpamahagi sa mga local government unit (LGUs) ng mga test kit na gawang Filipino para sa pag-detect ng ASF.
Iminungkahi rin ni Morales na ayusin ang mga backyard farm na maging mga cluster, para sa biosecurity ng naturang mga set-up.
Sa isang webinar noong Dis. 11 tungkol sa pagpapalakas ng mga hakbang sa paglaban at kontrol sa ASF, sinabi ni Morales na ang mga pagbabago ay mangangailangan ng mga backyard farm na:
- may pader o nabakuran na mga farm,
- limitadong paggalaw ng mga tao,
- malinis na mapagkukunan ng tubig at feed,
- regular na paglilinis at pagdidisimpekta, at
- pest-proofing mechanisms.
Ang DA ay naglaan ng paunang P400 milyon upang madagdagan ang populasyon ng mga baboy sa mga backyard farm na, sa ilalim ng direktiba ni Dar, ay muling aayusin sa mga cluster tulad ng iminungkahi ni Morales noong nakaraang taon. Nag-budget din ang pambansang pamahalaan ng P15 bilyon upang ipahiram sa mga commercial hog raisers.
“Maaari mong tanungin kung bakit [nakatuon sa repopulating] sa backyard [farms]? Dahil lamang sa 65% ng 12 milyong mga baboy, o halos 8 milyong mga baboy, na ipinamamahagi sa buong bansa ay nagkakaloob ng kabuhayan sa milyun-milyong mga Pilipino at pinasisigla ang ekonomiya sa mga kanayunan. Ito (implikasyon sa lipunan) ay sobra kung sasabihin nating lahat na aalisin natin ang backyard farming,” sabi ni Morales sa Ingles.
Noong Nobyembre 2019, tinantya ng DA na ang gastos para makontrol ang sakit ay aabot ng P5,000 bawat baboy.
Sa halos 360,000 na mga ulo na nawala sa backyard farm supply ng bansa hanggang Disyembre 2020, aabutin ng halos P1.8 bilyon pa ang kailangan mula sa bulsa ng bansa para makabawi.
Mga Pinagmulan
Department of Agriculture, Press Conference on Hog Disease, Sept. 10, 2019
World Animal Health Information Database, Event summary: African swine fever, Philippines, Accessed Jan. 21, 2021
Department of Agriculture Price Monitoring Database, Daily Price Monitoring Report: Aug. 31, 2019, Aug. 31, 2019
Department of Agriculture Price Monitoring Database, Preliminary Report as of Friday, 29 January 2021, Jan. 29, 2021
National Livestock Program Official Facebook Page, Webinar on Strengthening Measures in ASF Prevention and Control December 10-11, 2020, Dec. 10, 2020
Department of Agriculture, DA-CMTF Bulletin No. 5: On vigorously enforcing “1-7-10 Protocol” to manage, contain, and control suspected swine disease; result of confirmatory test, Sept. 9, 2019
What is ASF?
- Food and Agriculture Organization, ASF Virology, Accessed Jan. 21, 2021
- Food and Agriculture Organization, African Swine Fever: Detection and Diagnosis, Accessed Jan. 18, 2021
- World Organization for Animal Health, African Swine Fever: General Disease Information Sheet, Accessed Jan. 20, 2021
- Food and Agriculture Organization, Manual on the Preparation of African Swine Fever Contingency, Accessed Jan. 20, 2021
- The Center for Food Security and Public Health, African Swine Fever, June 2019
- World Organization for Animal Health, Global Situation of African Swine Fever, Accessed Jan. 20, 2021
- National Institute of Health, Veterinary Journal – African swine fever: A re-emerging viral disease threatening the global pig industry, March 2018
How does it affect meat supply?
- Philippine Statistics Authority, Swine Situation Report: July to September 2020, Nov. 20, 2020
- Philippine Statistics Authority, Swine Situation Report: January – December 2019, March 2020
- Department of Agriculture, Department of Agriculture: The Year in Review, Accessed Jan. 21, 2021
- Presidential Communications Operations Office, Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo, Jan. 18, 2021
- PCOO Global Media Affairs, DA: REDUCED SWINE PRODUCTION IN Q3 DUE TO ASF, Nov. 10, 2020
- National Livestock Program Official Facebook Page, Day 2 | Webinar on Strengthening Measures in ASF Prevention and Control December 10-11, 2020, Dec. 11, 2020
How does this disease affect the market price?
- ScienceDirect, African Swine Fever Virus, Accessed Jan. 21, 2021
- Department of Agriculture, Price Monitoring, Accessed Jan.18, 2021
- Ricky Delgado, Phone Interview with VERA Files, Jan. 20, 2021
- Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 7581, May 27, 1992
- Philippine Food and Drug Administration, RA 7581 – Price Act, Accessed Jan. 21, 2021
- Department of Agriculture, Administrative Circular No. 17, Series of 2020, Accessed Jan. 21, 2021
- Department of Agriculture, DA sets SRP for pork, chicken, fish, sugar, garlic, onions, Feb. 21, 2020
What is the government doing?
- Department of Agriculture, African Swine Fever: Contingency Plan, Accessed Jan. 15, 2021
- Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 124, Feb. 1, 2021
- ABS-CBN News, Duterte green lights more pork imports to raise supply, curb rising prices, Feb. 4, 2021
- Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (February 1, 2021), Feb. 1, 2021
- PTV Philippines Official Youtube Channel, WATCH: Press briefing with Cabinet Secretary Karlo Nograles, Feb. 4, 2021
- Inquirer.net, Gov’t allows more pork imports, Jan. 19, 2021
- ABS-CBN News, DTI to run after SRP violators, greenlights pork imports in Feb amid shortage, Jan. 19, 2021
- Metro Cebu News, DA Approves Increase in Pork Importation, Jan. 21, 2021
- PTV Philippines Official Youtube Channel, PANOORIN: Public Briefing #LagingHandaPH | January 18, 2021, Jan. 18, 2021
- Department of Agriculture, Agri chief reiterates directive to DA officials to help stabilize food supply and prices, Jan. 18, 2021
- Senate of the Philippines, IMEE: IMPORTATION MAY KILL LOCAL PORK INDUSTRY FASTER THAN AFRICAN SWINE FEVER, Jan. 31, 2021
- Senate of the Philippines, 18th Congress Committee Chairmanship (as of September 11, 2019), Accessed Feb. 4, 2021
- Senate of the Philippines, Senator Cynthia A. Villar, Accessed Feb. 4, 2021
- Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 11519, Dec. 29, 2020
- Philippine Statistics Authority, 2016 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) – Agriculture, Forestry and Fishing Sector with Total Employment of 20 and Over : Preliminary Results, Nov. 21, 2018
- Department of Agriculture, DA invests P80M to mass-produce ASF test kits, Jan. 23, 2021
- Department of Agriculture, DA-PCIC urges raisers to insure hogs so they can bounce back, Jan. 21, 2021
- Philippine News Agency, DA to allot P400-M for hog repopulation in ASF-cleared areas, Jan. 15, 2021
- Department of Agriculture, Agri chief reiterates directive to DA officials to help stabilize food supply and prices, Jan. 18, 2021
- ABS-CBN News, Agri dept mulls tripling pork imports to raise supply, Jan. 19, 2021
- Department of Agriculture, DA allots P400M to cluster ASF-affected hog farms, July 2, 2020
- PTV Philippines Official Youtube Channel, WATCH: Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque | February 4, 2021, Feb. 4, 2021
- Food and Agricultural Organization, Country Report on African Swine Fever – Philippines, Nov. 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)