Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Code Red Alert sa COVID-19

Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code Red alert sa COVID-19 sa bansa ngayong linggo kasunod ng kumpirmasyon ng mas maraming mga kaso ng novel coronavirus. Noong Marso 10, hindi bababa sa 33 ang kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 sa bansa, habang ipinatutupad ng DOH at mga ospital ang mga hakbang para sa mahigpit na pagsubaybay.

By VERA Files

Mar 10, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code Red alert sa COVID-19 sa bansa ngayong linggo kasunod ng kumpirmasyon ng mas maraming mga kaso ng novel coronavirus. Noong Marso 10, hindi bababa sa 33 ang kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 sa bansa, habang ipinatutupad ng DOH at mga ospital ang mga hakbang para sa mahigpit na pagsubaybay.

Ang mabilis na pagtaas sa bilang ng mga nakumpirmang kaso ay nagtulak sa Office of the President, sa pamamagitan ng Proclamation No. 922 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, upang ideklara ang isang state of public health emergency sa buong bansa simula Marso 8, isang panukala na inirekomenda ng DOH noon pang Peb. 21.

Habang ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay patuloy na tumataas, narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa iba’t ibang stage ng alert tungkol sa sakit:

1. Ano ang Code Red alert at paano ito naiiba sa isang state of public health emergency?

Itinaas ng DOH ang Code Red sub-level 1 noong Marso 7 matapos makumpirma ang unang kaso ng local transmission ng COVID-19, nang ang pasyente — isang 62-taong-gulang na lalaki — na walang rekord ng paglalakbay kamakailan ay nakakuha ng sakit. Ang asawa ng pasyente, na 59-taong-gulang, ay naging positibo rin sa sakit.

Sinabi ng kagawaran na ito ay isang “preemptive na panawagan upang matiyak na ang pambansa at lokal na pamahalaan at pampubliko at pribadong health providers ay maaaring maghanda para sa posibleng pagtaas ng mga hinihinala at kumpirmadong mga kaso.”

Ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa Alert Level 4 Code Red sub-level 1 dahil sa nakumpirmang local transmission, na maaaring itataas sa sub-level 2 kapag ang bilang ng mga nakumpirmang kaso ay patuloy na tumataas at kumakalat sa mga komunidad at lumagpas sa antas ng kahandaan ng gobyerno.

Ang unang kaso ng local transmission ay ang batayan din ng pamahalaan para sa pagdeklara ng state of public health emergency. Ang proklamasyon ay ginawa upang mapadali ang pagpapatupad ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, na kilala bilang Republic Act No. 11332.

Ang pagdeklara ng isang state of public health emergency ay “magbibigay ng kakayahan sa mga ahensya ng gobyerno at [mga lokal na yunit ng gobyerno] para kumilos kaagad upang maiwasan ang kamatayan, gumamit ng naaangkop na pangangailangan upang maipatupad ang madalian at kritikal na mga hakbang upang pagilian o maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, pagaanin ang mga epekto at buong bisa nito sa komunidad, at maiwasan ang malubhang pagkagambala sa paggana ng pamahalaan at komunidad.”

2. Ano ang mga epekto ng Code Red alert at state of public health emergency?

Sa isang media briefing sa Malacanang nitong Lunes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na ang Code Red alert sub-level 1 ay nangangahulugang ang DOH ay palalakasin ang mga pagsisikap sa contact tracing, surveillance, at testing. Mahigpit ding ipatutupad ng gobyerno at health workers ang mga hakbang sa home quarantine.

It is our surveillance team who will reach out to close contacts (Ang aming surveillance team ang lalapit sa mga close contact),” sabi ni Duque nang tanungin tungkol sa contact tracing. Tinukoy niya ang close contacts bilang mga direktang nag alada sa mga pasyente ng COVID-19 na walang wastong kagamitan na pang proteksyon, ang mga nananatili sa parehong saradong kapaligiran na may isang pasyente, at iyong mga naglalakbay na kasama ang isang pasyente sa loob ng huling 14 araw mula nang magsimula ang mga sintomas ng pasyente.

Sa pangangalaga sa ospital, sinabi ng DOH na tanging mga malubhang at kritikal na mga kaso ng COVID-19 lamang ang dapat isangguni sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), San Lazaro Hospital, at Lung Center ng Pilipinas. Ang lahat ng mga ospital na titingin sa mga kaso ng COVID-19 ay dapat isiwalat.

Ang Proclamation No. 922 ay pinapalawak din ng tugon sa COVID-19 sa lahat ng sektor ng gobyerno, hindi lamang sa DOH. Binigyan nito ang DOH, sa pamamagitan ng Health Secretary, ng kapangyarihang tumawag sa pulisya at iba pang ahensya ng pagpapatupad ng batas upang matugunan ang “banta ng COVID-19.” Ito ay naglalayong ipatupad ang RA 11332, na nag-uutos na isiwalat ang lahat ng mga kaso ng COVID-19.

Sa parehong press briefing, inilatag ng Department of Foreign Affairs ang mga plano nito sa pagsubaybay sa mga bansa na mayroong travel ban dahil sa COVID-19, at sa pagtulong sa mga Pilipino na nais mapauwi (ng bansa).

Iniulat ng Department of Tourism na nakikipagtulungan ito sa mga stakeholder ng turismo upang magkaroon ng tugon sa mga hinihinalang kaso ng COVID-19. Sinabi ng DOH na dapat ipatupad ang price freeze sa mga importanteng materyales at gamot.

3. Ano ang mangyayari kapag idineklara ng DOH ang Code ng Red Alert sub-level 2?

Ang Code Red alert sub-level 2 ay itataas kung mayroong katibayan ng community transmission, o kung ang mga kaso ay umabot sa isang mataas na antas hanggang sa punto na “lampas sa kakayahan ng pamahalaan na tumugon.”

Tinukoy ng World Health Organization ang community transmission ng COVID-19 bilang “ang kawalan ng kakayahan na maiugnay ang nakumpirma na mga kaso sa pamamagitan ng chains of transmission para sa isang malaking bilang ng mga kaso, o sa pamamagitan ng pagtaas ng mga positibong tests sa mga sentinel sample.”

Ang mga posibleng tugon na binanggit ng DOH ay kinabibilangan ng mga community quarantine, pagsuspinde sa mga klase at trabaho sa opisina, at pagdaragdag ng mga medical staff at mga unipormadong tauhan mula sa mga hindi naapektuhan na mga komunidad patungo sa mga lugar kung saan sila kinakailangan.

Gayunpaman, sinabi ni Duque na premature pa para ilagay ang Maynila — kung saan matatagpuan ang karamihan sa mga nakumpirma na kaso ng COVID-19 — sa lockdown. Idinagdag niya na mayroong umiiral na protocol para sa pagdedeklara ng isang community quarantine. Noong Lunes ng gabi, tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi na pairalin ang lockdown sa Metro Manila. Bagaman ang National Capital Region ay nasa ilalim pa rin ng Code Red sublevel 1, nagsuspinde na ni Duterte ng mga klase sa lahat ng antas mula Marso 10 hanggang 14 upang hayaan ang mga paaralan na mag fumigate at mabawasan ang transmission ng nakakahawang sakit.

 

Mga Pinagmulan

Department of Health, DOH confirms local transmission of COVID-19 in the PH; reports 6th case, March 7, 2020

Department of Health, Press Conference, March 10, 2020

Department of Health, DOH reports 4 new COVID-19 patients; cases up to 10, March 8, 2020

Office of the President, Proclamation No. 922, March 8, 2020

World Health Organization, Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Situation Report – 49, March 9, 2020

Department of Health letter to Executive Secretary Salvador Medialdea, Declaration of State of Public Health Emergency due to the COVID-19, Feb. 27, 2020

Department of Health, Ano ang iba’t-ibang alert levels, March 7, 2020

Official Gazette, Republic Act No. 11332

Department of Health, Laging Handa Press Briefing, March 9, 2020

Department of Health, What does Code Red (Alert Level 4) Sublevel 1 Mean?, March 10, 2020

CNN Philippines, President Rodrigo Duterte speaks to the media after meeting on coronavirus, March 9, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.