Ang mga balita kamakailan tungkol sa pagkamatay ng dalawang estudyante sa kolehiyo sa initiation rites ay umani ng mga tanong kung bakit ipinagpapatuloy ng mga fraternity ang pagsasagawa ng hazing at kung paano maaaring magkaroon ng mas matalas na ngipin ang batas na itinuturing itong isang krimen.
Ang mga pamilya nina John Matthew Salilig, isang 24-anyos na chemistry student sa Adamson University, at Ronnel Baguio, isang 20-anyos na marine engineering student sa University of Cebu, ay humihingi ng hustisya para sa pagkakapatay sa mga dating neophyte ng Tau Gamma Phi fraternity.
Ang mga labi ni Salilig, na 10 araw na nawawala, ay natagpuan sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite noong Pebrero 28. Makalipas ang dalawang araw, ibinunyag ng Public Attorney’s Office na si Baguio ay namatay dahil sa umano’y hazing injuries na gawa ng mga miyembro ng fraternity chapter sa University of Cebu noong Disyembre noong nakaraang taon.
Hindi bababa sa apat na suspek sa pagkamatay ni Baguio na sumuko noong Marso 8 ang nahaharap sa kasong murder at paglabag sa anti-hazing law.
Samantala, pitong miyembro ng Adamson chapter ng Tau Gamma Phi ang sinampahan ng kaso sa pagkamatay ni Salilig. Ang mga reklamong kriminal para sa hindi bababa sa 13 pang suspek ay pinag-aaralan ng Justice department.
Ipinagbabawal ang hazing sa initiation rites ng mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8049, o ang anti-hazing law, na ipinatupad noong 1995. Gayunpaman, mas maraming pagkamatay sa hazing ang naitala sa kabila ng pagpasa ng batas, na inamyenda noong 2018 para magpataw ng mas mataas na multa at mas mahabang pagkakakulong sa ilalim ng RA No. 11053.
Ang Section 2 ng RA 8049, na sinususugan ng RA 11053, ay tumutukoy sa hazing bilang “anumang gawa na nagreresulta sa pisikal o sikolohikal na pagdurusa, pananakit, o pinsalang idinulot,” tulad ng pag-paddle, paghagupit at pagkakalantad sa masamang panahon, bilang isang prerequisite para sa pagtanggap o kinakailangan para sa patuloy na pagiging miyembro sa isang fraternity, sorority o organisasyon.
Kasama sa hazing ang anumang aktibidad, sinadya man o hindi, na may posibilidad na hiyain o magpahiya, alipustain, abusuhin, o ilagay sa panganib sa pamamagitan ng pag-aatas ng mga gawaing may kinalaman sa pang-iisip, kalokohan o kahangalan.
Upang makatulong na ipaliwanag kung bakit patuloy na isinasama ng mga fraternity ang hazing, kadalasang marahas, sa pagre-recruit ng mga miyembro, kinapanayam ng VERA Files Fact Check si Filomin C. Gutierrez, isang sociology professor mula sa University of the Philippines (UP).
1. Bakit nagsasagawa pa rin ng hazing ang mga fraternity sa kabila ng kriminalisasyon nito sa ilalim ng RA 8049?
Pawang mga lalaki ang karaniwang mga miyembro ng mga fraternity na nakabase sa mga paaralan o komunidad, na nagsasagawa ng hazing upang pagtibayin ang kultura ng pagkalalaki at parangalan ang tradisyong pinanghahawakan ng mga senior member, ayon kay Gutierrez. Nabanggit niya na mas gusto ng mga fraternity na gamitin ang terminong “initiation rites” kaysa sa hazing.
“Ang aking teorya ay habang ang mga kabataang lalaki ay nakakukuha ng affirmation ng kanilang pagkakakilanlan bilang mga lalaki, ang fraternity ay nagbibigay ng rutang ito, kahit na isang circumvented na ruta (short-cut) patungo sa pagkalalaki,” sabi ng propesor, na nagsagawa ng dalawang pag-aaral tungkol sa mga fraternity sa UP Diliman, sa isang panayam sa email.
Idinagdag niya, “Ang kulturang hyper masculine na ito sa mga fraternity ay naglalagay sa panganganib na magpatibay ng mga gawi tulad ng malupit, pisikal, mental at emosyonal na pagsubok na maaaring humantong sa pagkamatay, pagkakakulong, at pinsala.”
2. Ano ang nakukuha ng mga lider at miyembro ng fraternity sa hazing?
Sinabi ni Gutierrez, dating pangulo ng Philippine Sociological Society, na ang mga lider at miyembro ng fraternity ay nakakahanap ng kasiyahan mula sa pag “inculcate” sa mga neophyte ng kanilang sariling karanasan sa initiation rites. Isang kadahilanan din ang pagpasa ng isang “honored na tradisyon” mula sa kanilang mga pinagpipitaganan o sikat na senior member.
“Ang mga initiation rite ay may malalim na kahulugan tungkol sa pagiging miyembro ng fraternity, ang mga pinahahalagahan, paniniwala, mithiin, at pangako ng fraternity,” sabi niya. “Bilang isang rite of passage o ritwal, nagsisilbi itong pagsubok sa commitment ng neophyte, isang taong bago, isang tagalabas na pumapasok sa organisasyon.”
Ang iba ay sumasali sa kapatiran dahil sa peer pressure, ang pangangailangan ng mga kaibigan at isang supportive social circle, at pagpapalawak ng kanilang social network para sa mga pakinabang na pang ekonomiya, panlipunan at pampulitika.
Kasama sa karaniwang ritwal ang mga pisikal at mental na pagsubok. Si Salilig, halimbawa, ay iniulat na namatay dahil sa matinding blunt force trauma sa lower extremities dahil sa paulit-ulit na paghahampas sa kanya ng sagwan.
Sa United States, sinabi ni Gutierrez, ang mga initiation rights sa mga kolehiyong “puti” ay may kasamang mga delingkwenteng gawi tulad ng tuluy-tuloy na pag-inom ng alak, sexual conquests at extreme partying. Ang mga kapatiran ng mga grupong minorya, gaya ng African-American at Asian-American, ay mas malamang na magsagawa ng marahas na pisikal na hazing.
3. Paano epektibong mapipigilan ang hazing? Dapat bang ipagbawal ang mga fraternity?
Nagbigay si Gutierrez ng anim na mungkahi upang makatulong na ihinto ang hazing ng mga fraternity na nakabase sa unibersidad. Kabilang dito ang pagtuturo ng mga alternatibong paraan upang makamit ang pagkalalaki nang walang karahasan at pana-panahong pagpapaalala sa mga miyembro ng fraternity tungkol sa mga panganib ng hazing.
Sa mga panukala na ipagbawal ang mga fraternity sa kabuuan, sinabi ni Gutierrez, “Ito ay para sa atin na pag-isipan.” Nagpahayag siya ng pagkabahala, gayunpaman, na ang pagbabawal ay maaaring magtulak sa mga grupong ito na mag underground.
“Kung kikilalanin at hindi natin sila ipagbabawal, dapat natin silang panagutin para sa kanilang gawain at humiling ng transparency tungkol sa kanilang mga gawi, isang bagay na mahirap makamit dahil sa kanilang pagiging eksklusibo,” aniya.
Halimbawa, ang Adamson chapter ng Tau Gamma Phi ay hindi nakakuha ng permit mula sa administrasyon ng unibersidad para sa initiation ni Salilig dahil ang fraternity ay hindi isang akreditadong organisasyon ng mga mag-aaral.
Nanindigan si Jan Nelin Navallasca, ang director for student affairs ng unibersidad, na ang Adamson ay hindi “nagpapabaya” sa mga obligasyon nito na ipaalam sa mga transferee at freshmen ang tungkol sa patakaran nito laban sa mga fraternity.
Nakasaad sa Section 4 ng inamyendahang RA 8049 na ang mga rehistradong school-based fraternity ay dapat magsumite ng nakasulat na aplikasyon nang hindi bababa sa pitong araw bago magdaos ng initiation rites kung saan dapat dumalo ang hindi bababa sa dalawang kinatawan ng paaralan. Dahil ang Adamson ay total ban sa mga fraternity, ang Tau Gamma Phi ay nag underground at ang mga aktibidad nito ay hindi nasubaybayan ng mga awtoridad ng paaralan.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Adamson University official website, Prexy offers comfort, support to John Matthew Salilig kin, AdU community, March 10, 2023
Philippine News Agency, PAO provides legal aid to alleged hazing victim’s family, March 2, 2023
Philstar.com, PAO working on case of alleged hazing death in Ceb, March 2, 2023
Rappler.com, Mother of University of Cebu student says son died from hazing injuries, March 2, 2023
CNN Philippines, TIMELINE: The hazing death of John Matthew Salilig, March 6, 2023
GMA News Online, Witness details grueling hazing rites that killed Adamson student John Matthew Salilig, March 12, 2023
ABS-CBN News, TIMELINE: Alleged hazing death of Adamson student John Matthew Salilig, March 8, 2023
Cebu City Police Office official Facebook page, LOOK: Upon the intensive coordination meeting …, March 9, 2023
GMA News Online, Police identify 5 suspects in alleged hazing death of University of Cebu student, March 5, 2023
Philstar.com, Cops set to file charges vs hazing suspects today, March 14, 2023
Manila Standard, Police tag 5 in Cebu hazing death, March 6, 2023
Rappler.com, DOJ to file hazing charges vs 7 suspects over John Matthew Salilig’s death, March 15, 2023
GMA News Online, DOJ indicts 7 Tau Gamma Phi members over Salilig hazing, March 15, 2023
Inquirer.net, DOJ prosecutors indict 7 fratmen tagged in Salilig’s death, March 15, 2023
ABS-CBN News, TINGNAN: Medico legal ng umano’y biktima ng hazing na si John Matthew Salilig, March 1, 2023
Rappler.com, Adamson student died of ‘severe blunt force trauma’ – autopsy report, March 2, 2023
Prof. Filomin C. Gutierrez, Personal communication (email), March 12, 2023
Official Gazette official website, Republic Act No. 11053, 2018
Senate of the Philippines official website, Republic Act no. 8049, 1995
University of the Philippines Diliman, Filomin C. Gutierrez (profile), Accessed March 15, 2023
Inquirer.net, Senators seek stiffer penalties on schools after Adamson student’s hazing death, March 7, 2023
Panay News, Stiffer penalties on schools sought after student’s hazing death, March 8, 2023
Senate of the Philippines official website, Press Release – Dela Rosa wants schools accountable in Anti-Hazing Law implementation, March 8, 2023
ANC official YouTube channel, Adamson official: We have not been remiss in informing students that frats are not allowed, March 8, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)