Categories
Fact Check Filipino

FACT CHECK: Pahayag ng PAGCOR na hindi sangkot ang mga lisensyadong POGO sa mga gawaing kriminal HINDI TOTOO

Ang mga offshore gaming operator sa Pilipinas o POGOs na nabigyan ng lisensya para mag-operate ay hindi nakikibahagi sa mga ilegal na aktibidad.

Alejandro Tengco 2024-06-13 Hindi totoo

Apat na POGO sa Pasay City at Pampanga na napatunayang sangkot sa mga aktibidad na kriminal ang may mga lisensya mula sa PAGCOR nang ma-raid noong nakaraang taon, ayon kay Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission. Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang dalawang POGO hub na ni-raid sa Bamban, Tarlac — ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology — ay lisensyado rin.

Hindi totoo ang sinabi ng chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na wala sa mga online gaming operators na ni-raid dahil sa umano’y kriminal na aktibidad ang may lisensya mula sa kanyang opisina.

PAHAYAG

Sa isang panayam sa programang Storycon ng One PH, ipinaliwanag ni Alejandro Tengco, ang chairman at chief executive officer ng PAGCOR, na habang sinusubaybayan at ipinapatupad ng kanyang ahensya ang mga patakaran ng bansa sa Philippine offshore gaming operators o POGOs, wala itong police powers. Gayunpaman, ang PAGCOR ay nakikipag-coordinate buwan-buwan sa isang task force na sumusubaybay sa mga ilegal na operator.

Sinabi niya:

“We furnish them with the names of the corporations that we have closed and those [which] are actively operating legally, so it is up to the task force now. […] Pero wala po talaga sa mga legal licensees ang nag-o-operate ng criminal activities.”

(“Binibigyan namin sila ng mga pangalan ng mga korporasyon na aming isinara at iyong mga aktibong gumagawa ng legal kaya task force na ang bahala ngayon. […] Pero wala po talaga sa legal licensees ang nag-ooperate ng mga kriminal na gawain.”)

 

Pinagmulan: One PH, Storycon | PAGCOR only gave permits to 46 POGO – Tengco, Hunyo 13, 2024, panoorin mula 8:55 hanggang 9:42

ANG KATOTOHANAN

Hindi bababa sa apat na POGO sa Pasay City at Pampanga na natagpuang nagsasagawa ng mga kriminal na aktibidad ang may mga lisensya mula sa PAGCOR nang ma-raid noong nakaraang taon, ayon kay Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, sa isang panayam noong Hunyo 17 sa Headstart ng ANC.

VERA FILES FACT CHECK - ANG TOTOO: May lisensya mula sa PAGCOR ang apat na POGO sa Pasay City at Pampanga na ni-raid base sa reports na sangkot ang mga ito sa iligal na gawain, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission. Sinabi rin ni Sen. Sherwin Gatchalian na may lisensya ang dalawang POGO sa Bamban, Tarlac noong isinara ang mga ito. Ang lisensya ng Zun Yuan Technology, Inc. ang naging basehan din sa pagbibigay ng business permit dito ni Mayor Alice Guo, sabi ng kanyang abogadong si Stephen David.

“Sa ganang PAOCC, na-raid namin ang apat na partikular na POGO na may lisensya,” sabi ni Casio. Ang PAOCC ay may kapangyarihan na magbigay ng dahilan at magdirekta ng imbestigasyon, agarang pag-aresto at pag-uusig sa mga organisadong grupo ng krimen o sindikato.

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, sa isang pahayag noong Hunyo 18, na ang mga ni-raid ng mga awtoridad ay may mga lisensya mula sa PAGCOR, kabilang ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac.

Sinabi rin ni Stephen David, abogado ng suspendido na ngayong Bamban Mayor na si Alice Guo, na may lisensya ang Zun Yuan Technology mula sa PAGCOR na ginamit ni Guo na basehan sa pag-isyu ng permit.

“May lisensya ang Zun Yuan mula sa PAGCOR, kaya naman siya (Alice Guo) ay nagbigay ng permit sa kanila, at isinusumite ko iyon sa Office of the Ombudsman para ipakita na wala siyang magagawa kundi mag-issue ng mayor’s permit,” paliwanag ni David sa isang panayam noong Hunyo 6 sa Hot Copy ng ANC.

BACKSTORY

Kasunod ng ilang pagdinig sa Senado, nagsampa ang Department of Interior and Local Government ng mga kasong graft laban kay Guo dahil sa umano’y kaugnayan nito sa Zun Yuan Technology, na isinara noong Marso ngayong taon dahil sa umano’y illegal detention at human trafficking.

Ni-raid ng mga awtoridad ng Pilipinas ang Hongsheng Gaming Technology noong Pebrero 2023 at Zun Yuan Technology Inc. noong Marso ngayong taon.


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)