Hindi pa nakauusad ang publiko sa nangyari sa “Love the Philippines” slogan ng Department of Tourism, sinundan agad ito ng bagong logo ng PAGCOR at ng paglulunsad ng “Bagong Pilipinas” slogan ng Malacañang.
Katulad ng “Love the Philippines,” inulan din ng batikos ang bagong logo ng PAGCOR na P3 milyon daw ang halaga. May ilang senador ang nagkwestyon sa integridad ng prosesong pinagdaanan nito. Pero marami ang nagulat dahil ang “Bagong Pilipinas” logo ay nagawa raw ng walang gastos mula sa pondo ng gobyerno.
Nakatanggap ng reader’s request ang VERA Files Fact Check para alamin kung ano ang prosesong pinagdadaanan bago lumabas ang mga logo at slogan. Mahalaga nga ba na unahin ito sa prayoridad ng gobyerno?