Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos na ‘nananatiling on track’ ang PH para maabot ang upper middle-income status sa 2023 nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Ang Pilipinas ay nananatiling on track para maabot ang upper middle-income status sa 2023 sa kabila ng mga hamon ng pandemic at ng pagkadiskaril ng pandaigdigang ekonomiya.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Sa isang briefing noong Hulyo 26 kasunod ng State of the Nation Address ng pangulo, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na maaaring maabot ng bansa ang upper middle-income status sa 2024 “kung makakamit natin ang 6.5% hanggang 7.5% growth sa 2022 at 6.5% hanggang 8% sa 2023.”

By VERA Files

Sep 29, 2022

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa United Nations General Assembly (UNGA) na ang Pilipinas ay nananatiling “on track” para maabot ang upper middle-income status sa 2023 “sa kabila ng mga hamon ng pandemya at ng pagkadiskaril ng pandaigdigang ekonomiya.”

Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sa kanyang talumpati sa ika-77 na sesyon ng UNGA noong Setyembre 21 (Philippine Time), sinabi ni Marcos Jr.:

Sa kabila ng mga hamon ng pandemic at ng pagkadiskaril ng pandaigdigang  ekonomiya, nananatili kaming on track para maabot ang upper middle-income status sa susunod na taon. Sa patuloy na pamumuhunan sa pagkain, kalusugan ng publiko, edukasyon, at iba pang serbisyong panlipunan, inaasahan naming maging isang katamtamang maunlad na bansa pagdating ng 2040. Nagtitiwala ako na makakamit namin ang bisyon na ito.”

 

Pinagmulan: RTVMalacañang, Statement at the 77th Session of the UNGA General Debate (Speech) 9/20/2022, Setyembre 21, 2022

KATOTOHANAN

Sa isang briefing noong Hulyo 26 kasunod ng State of the Nation Address ng pangulo, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na maaaring maabot ng bansa ang upper middle-income status sa 2024 “kung makakamit natin ang 6.5% hanggang 7.5% growth sa 2022 at 6.5% hanggang 8% sa 2023.”

Ang World Bank ay may apat na klasipikasyon ng kita na gumagamit ng gross national income (GNI) per capita bilang pangunahing indicator. Sa kasalukuyang 2023 fiscal year, ang mga ito ay low income ($1,085 o mas mababa), lower middle-income ($1,086 hanggang $4,255), upper middle-income ($4,256 hanggang $13,205), at high-income ($13,205 o higit pa).

Ipinapakita ng datos mula sa pandaigdigang institusyong pinansyal na ang Pilipinas ay may GNI per capita na $3,640 noong 2021, na nag-uuri sa bansa bilang isang lower middle-income economy.


Ipinaliwanag ni Filomeno Sta. Ana III, coordinator ng Action for Economic Reforms, sa isang email noong Setyembre 28 sa VERA Files Fact Check: “Ang Pilipinas ay nakahanda na maabot ang upper middle-income status noong administrasyong Duterte. Ngunit dumating ang COVID-19 at dumaan tayo sa isang matinding recession, at naudlot ang pagkamit ng upper middle-income status.”

Tinukoy niya na ang projection ng National Economic Development Authority para sa bansa na inangat ang economic status nito ay “kung ang kasalukuyang growth ay mapapanatili.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Agosto 9, ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay nagtala ng 7.4% growth sa ikalawang quarter ng 2022. Ang GDP ay ang kabuuang halaga ng lahat ng produkto at serbisyong ginawa sa loob ng bansa sa isang partikular na panahon.

Habang ang per capita income sa Pilipinas ay “malapit na sa threshold level para maging upper middle-income,” sinabi ni Sta. Ana na ang mga pandaigdigang shock at mga panloob na kahinaan ay “nagpapahirap” para sa bansa na maabot ang mga target growth nito at makamit ang upper middle-income status sa nalalapit na hinaharap.

Binanggit din ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na ang GNI ay hindi sumasalamin sa “realidad ng mababang kita at kinikita ng pamilya, kawalan ng ligtas at disenteng trabaho, hindi sapat na edukasyon, nutrisyon at kalusugan, kakulangan ng pabahay, kakulangan ng malinis na tubig, kalinisan at kuryente, kakulangan ng mga ari-arian, at malaganap na kahinaan, pagsasamantala at karahasan.”

“Ang distribusyon ng kita at lahat ng iba pang dimensyon ng kahirapan ay kailangang isaalang-alang sa anumang klasipikasyon ng antas ng pag-unlad ng bansa. Bigo ang GNI na gawin ito,” aniya.

Ang IBON Foundation ay isang nonprofit development organization na “naglalayong isulong ang pag-unawa sa socioeconomics na nagsisilbi sa mga interes at adhikain ng sambayanang Pilipino.”

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacañang, ​Statement at the 77th Session of the UNGA General Debate (Speech) 9/20/2022, Setyembre 21, 2022

The World Bank, kasalukuyang data mula noong Setyembre 16, 2022, Na-access noong Setyembre 29, 2022

The World Bank, World Bank Country and Lending Groups, Na-access noong Setyembre 29, 2022

Action for Economic Reforms, Personal communication (email), Setyembre 28, 2022

IBON Foundation, Personal communication (email), Setyembre 28, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.