Categories
Fact Check Filipino

FACT CHECK: Pahayag ni Marcos na ‘walang nagawa’ ang dalawang nakaraang admin para sa Yolanda rehab hindi totoo

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “walang nagawa” sa nakalipas na dalawang administrasyon para i-rehabilitate ang mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.

Ferdinand Marcos Jr. 2024-05-20 Hindi totoo

Habang inaprubahan ni Marcos noong Marso ang planong rehabilitasyon ng bahagi ng Maharlika Highway sa Eastern Visayas, sinimulan ang resettlement at reconstruction works sa panahon ng administrasyong Aquino para tulungan ang Visayas region na makabangon mula sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda.

Sa isang panayam sa Tacloban City noong Mayo 20, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “walang nagawa” sa nakalipas na dalawang administrasyon upang i-rehabilitate ang mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda (international name Haiyan), na tumama sa bansa noong Nobyembre 2013. Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Nang tanungin tungkol sa katayuan ng rehabilitasyon work sa Maharlika Highway – isang 3,380-kilometrong network ng mga kalsada, expressway, tulay, at serbisyo ng ferry na nag-uugnay sa mga isla ng Luzon, Visayas at Mindanao – sinabi ni Marcos na ang proyekto ay bahagi ng patuloy na rehabilitasyon ng kanyang administrasyon at recovery plan.

Sinabi pa niya:

Hindi natin masasabi na nakapag-fully recover na tayo sa Yolanda. (We cannot say we have fully recovered from Yolanda) So, all those rehabilitation, you know, we only really started two years ago because nothing was done in the previous administration, nothing was done in the administration before that. So, 12 years on, ngayon pa lang talaga natin inaasikaso ng mabuti. (It is only now that we are really working on this.)”

(“Hindi natin masasabi na nakapag-fully recover na tayo sa Yolanda. Kaya, ang lahat ng rehabilitasyon na iyan, alam ninyo, inumpisahan lang natin dalawang taon ang nakaraan kasi walang ginawa sa nakaraang administrasyon, walang ginawa sa administrasyon bago niyan. Kaya, 12 taon na, ngayon pa lang talaga natin inaasikaso ng mabuti.”)

 

Pinagmulan: RTVMalacañang, Media Interview in Tacloban City 5/20/2024, Mayo 20, 2024, panoorin mula 03:33 hanggang 04:01

ANG KATOTOHANAN

Habang inaprubahan ni Marcos noong Marso ang planong i-rehabilitate ang bahagi ng Maharlika Highway sa Eastern Visayas, nagkaroon ng resettlement at reconstruction efforts mula noong administrasyong Aquino para tulungan ang Visayas region na makabangon mula sa pananalasa ng super typhoon.

VERA FILES FACT CHECK - ANG TOTOO: Mali ang pahayag ni Marcos na walang ginawa ang mga nakaraang administrasyon para isaayos ang mga lugar na nawasak ng bagyong Yolanda noong 2013. Mayroon nang resettlement at rehabilitation efforts ang gobyerno simula noong administrasyong Aquino.

Halos isang taon matapos ang trahedya na ikinamatay ng hindi bababa sa 6,300 katao at nakaapekto sa mahigit isang milyong pamilya, inaprubahan ni dating pangulong Benigno Aquino III ang komprehensibong rehabilitation at recovery plan para sa mga lugar na nasalanta ng Yolanda na isinumite ni dating rehabilitation secretary Panfilo Lacson. Nakatuon ang pagpapatupad sa iba’t ibang cluster kabilang ang imprastraktura, serbisyong panlipunan, resettlement at kabuhayan.

Sa ilalim ng planong ito, nilayon ng pamahalaan na magtayo ng 205,128 disaster-resilient housing units upang ilipat ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na hazard-prone. Noong Nobyembre 2014, tinukoy ng National Housing Authority (NHA) ang lugar para sa 160,000 housing units upang matugunan ang pangangailangan sa pabahay na ito.

Nang matapos ang termino ni Aquino at maupo si Rodrigo Duterte noong 2016, iniulat ng Commission on Audit (COA) na may kabuuang 42,599 housing units ang natapos.

Sa buong dekada, paulit-ulit ang ahensya sa pagtawag ng pansin sa NHA dahil sa mga pagkaantala sa pagtatayo ng mga target na housing units. Ang mga pagkaantala ay karaniwang iniuugnay sa “iba’t ibang mga suspension order, time extension, at variation order.”

Noong 2022, sa pagtatapos ng termino ni Duterte at simula ng administrasyong Marcos, 166,034 na mga bahay ang naitayo. Isiniwalat ng performance audit ng COA sa ahensya noong taong iyon na 31% ng mga natapos na unit ng pabahay ay nanatiling walang tao.

Sa isang pahayag na iniulat ng 24 Oras ng GMA News, sinabi ni Lacson na ginawa niya ang kanyang trabaho at naisagawa ang kanyang tungkulin bilang presidential assistant for rehabilitation and recovery ni Aquino.

“Nakakalungkot, wala akong awtoridad na magpatupad at wala akong anumang kapangyarihan sa paglalabas ng mga pondo para sa mga rehabilitation at recovery effort,” paliwanag niya.


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


Check out these sources

 

Maharlika Highway rehabilitation

Official Gazette of the Philippines, Typhoon Yolanda, Accessed May 23, 2024

The Philippine Embassy of Wellington, New Zealand, Yolanda comprehensive rehabilitation and recovery plan, Oct. 16, 2024

Housing and Urban Development Coordinating Council, 2014 Year-End Report of the Housing Sector, Accessed May 24, 2024

Commission on Audit, National Housing Authority Annual Audit Report 2016, July 2, 2017

Commission on Audit, National Housing Authority Annual Audit Report 2022, July 12, 2023

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)