Hindi na kailangan pang magpenitensya ang mga mamamayan sa darating na Mahal na Araw. Ngayon pa lang hirap na ang lahat sa pinapasang krus dulot ng pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Umaaray na ang mga may sasakyan dahil sa laki ng itinaas ng presyo ng petrolyo — doble. Siyempre, kakambal na niyan ang pagtaas ng pamasahe at presyo ng mga bilihin.
Ang pansamantalang solusyon ng gobyerno ay magbigay ng P5,000 na ayuda sa jeepney at tricyle drivers. Pang ilang araw lang ‘yan makatatawid? Kung sabagay, mabuti na rin ‘yan kaysa sa wala.
Pero paano na ang ibang mamamayan?
Itong bagong kalbaryo ay dahil sa desisyon ni Donald Trump na bombahin ang Iran, na ikinamatay ng 86-taon gulang na lider nito. Bilang ganti, isinara ng Iran ang Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang 20% ng mga tanker na nagdadala ng langis mula sa Middle East papunta sa iba’t-ibang bansa sa mundo.
Ang mga litrato at video ay kuha ni Bullit Marquez para sa VERA Files.













