THE Dec. 5 speech of President Aquino at the 1st National Criminal Justice Summit where he slammed Chief Justice Renato Corona.
Magandang umaga ho. Maupo ho tayong lahat.
Ako na ho pala agad. Sana ho hindi ako late.
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Sonny Belmonte; honorable members of the House of Representatives present; Chief Justice Renato Corona and the honorable members of the Supreme Court, Court of Appeals, and Sandiganbayan; excellencies of the diplomatic corps; Secretary Leila de Lima; Secretary Jesse Robredo; Secretary Eduardo de Mesa: Secretary Cesar Garcia; Chairman Francis Tolentino; Presiding Justice Villaluz of the Sandiganbayan; men and women of the Philippine National Police, led by Director General Nicanor Bartolome; civil society; nongovernment organizations; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen:
Ang pagtitipon natin ngayong umaga ay isang pagkakataon para higit na masuri ang lakas at kahinaan ng ating kasalukuyang criminal justice system, at makalikom ng mga makabago at napapanahong inisyatibang pangkatarungan. Masasabi nating napapanahon ito: dahil sa mga araw-araw na headline sa diyaryo at telebisyon, nasasaksihan din ngayon ng buong bansa kung gaano kasalimuot ang trabaho ng mga clerk of court, abugado, at huwes.
Walang duda sa halaga ng inyong trabaho: ang inyong mga desisyon at hakbang ay may makabuluhang implikasyon sa ating pong demokrasya. Dahil dito, mahalagang balikan natin ang nakasaad sa Artikulo 2, Seksyon 1 ng ating Saligang batas: ang ganap na kapangyarihan ay nasa sambayanan, at ang lahat ng kapangyarihang pampamahalaan ay nagmumula sa kanila. Minabuti ko pong ipaalala ito sa inyo dahil minsan sa ating kasaysayan, tila nakalimutan natin ito. Noong panahon ng batas militar, hindi nakatuon ang katarungan para sa kapakanan ng taumbayan, kundi upang sundin ang mga kagustuhan ng iisang tao lamang, ang dating pangulong Ferdinand Marcos. Mismong pamilya ko po ay biktima nito: Iniharap sa court martial ang aking ama, subalit bago pa man magsimula ang paglilitis, malaon nang naitakda ang kahihinatnan niya.
Sa isang hukumang binubuo ng mga mahistrado, abugado, tagalitis, at mga saksing itinalaga ng mismong nagsampa ng kaso—si Ginoong Marcos— ginawa ng diktadurya ang lahat ng kanilang makakaya upang baluktutin ang katarungan at ubusin ang karapatang pantao ng aking ama. Kahit wala siyang kasalanan, pitong taon at pitong buwan po siyang ipiniit at pinagdusa, habang pinagpiyestahan ng mga nasa kapangyarihan ang kaban ng bayan. Tinanggalan nila ng piring ang katarungan, at naibaling nila ang timbangan ng hustisya ayon sa kanilang kagustuhan.
Ngayon, bilang inyong Pangulo, may sinumpaan akong tungkulin: ang pangangalagaan at ipagtatanggol ang konstitusyon, ipatupad ang mga batas nito, maging makatarungan sa bawat tao, at italaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. At bahagi ng aking mandato ang tiyaking hindi na maulit ang mga kadilimang nangyari noong panahon ng Martial law, at kung may gumawa man nito, ang siguruhing managot sila sa kanilang kasalanan.
Kaya naman simula’t sapul pa lamang, naglatag na tayo ng mga hakbang upang bigyang linaw ang mga alegasyon ng korupsyon noong nakaraang administrasyon: mula sa fertilizer scam, na nagpataba umano, hindi sa mga pananim, kundi sa mga bulsa ng ilang opisyal; hanggang sa ZTE deal, na humantong din sa pagkaka-kidnap di-umano sa saksing si Jun Lozada; mula sa alegasyon ng pandaraya ng 2004 at 2007 election, at marami pang ibang katiwalian na nais nating maungkat.
Sinimulan natin ito sa pagbuo ng Truth Commission, na dapat ay susuyod sa mga di-umano’y katiwaliang lumaganap noong nakaraang administrasyon, at panagutin ang mga nasa likod nito. Wala itong ibang layon kundi iwasto ang mali sa lalong madaling panahon. Subalit alam naman natin ang nangyari: labag daw ito sa konstitusyon ayon sa Korte Suprema. Unang hakbang pa lang natin, may barikada na agad.
Tungkulin ng COMELEC na tiyaking malinis at kapanipaniwala ang resulta ng eleksiyon. Kaya naman natural lang na humingi sila ng tulong sa DOJ para imbestigahan ang mga alegasyon ng pandaraya noong 2007. Pangkaraniwan na ang pagbuo ng ganitong mga panel, ngunit kinukuwestiyon ito ngayon sa Korte Suprema. Kinukwestiyon din nila ang legalidad ng warrant of arrest na ipinataw ng Pasay Regional Trial Court kay Ginang Arroyo.
Pansinin po ninyo: Nang naglabas ng TRO ang Korte Suprema, may kaakibat itong mga kondisyon. Subalit hindi nagtagal, sila mismo ang umaming hindi naman pala kailangang tuparin ang mga alituntuning ito. Aba, e naglagay ka pa ng patakaran; wala ka naman palang balak na masunod ito. Lahat na ng proseso ay sinusunod natin, ngunit sa kabila nito, tayo pa daw ngayon ang naghahanap ng away. Sino ba naman ang hindi magdududa sa tunay nilang hangarin?
Hindi ito ang unang beses na gumawa ang Korte Suprema ng mga desisyong napakahirap unawain. Ayon sa article 7, section 15 ng Saligang batas, “Ang isang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, maliban na lamang sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang ehekutibo.” Ngunit alam naman po nating pinilit ni Ginang Arroyo na magtalaga pa rin ng Chief Justice. Hinirang siya, hindi dalawang buwan bago ang halalan, kundi isang linggo matapos ang eleksiyon. Base sa batas at sa dati nilang pasya, sumangayon ang Korte Suprema na bawal magtalaga ng pwesto dalawang buwan bago sumapit ang susunod na eleksyon, maliban na lamang kung ito ay pansamantalang posisyon sa ehekutibo. Ngunit bumaliktad sila nang italaga ni Ginang Arroyo, ating kagalang-galang, na Chief Justice Renato Corona: isang pwestong hindi saklaw ng ehekutibo, kundi sa hudikatura. Ang tanong ngayon: lumabag ba ang Korte Suprema sa pagbabaliktad ng dating pag-unawa ng ating Saligang Batas?
Isang halimbawa pa po ng desisyon nilang mahirap intindihin ay tungkol sa paggawa ng mga distrito sa Kongreso: Sa Article 6, Section 5 ng Saligang Batas, kinakailangang mas higit sa dalawandaan at limampung libo ang populasyon ng bawat distrito. Ang problema: may mga hindi nakakaabot sa bilang na ito, tulad na lamang ng isang distrito sa Camarines Sur na may mahigit isandaan pitumpu’t anim na libo lamang ang populasyon. Kaya noong nasa Senado pa tayo, bilang chairman ng Committee on Local Government, kinuwestyon natin ang pagbuo ng distritong ito, subalit naibasura lamang ito ng Korte Suprema. Ang tanong ngayon: kung hindi na nakasalalay sa populasyon ang paglikha ng distrito, ano ang magiging basehan ng mga mambabatas kapag may panukalang redistricting? Ibig bang sabihin, may nakalatag tayong batayan kapag lungsod ang binubuo, pero kapag lalawigan o distrito sa lalawigan, wala na? Nakikiramay po ako sa bagong Chairman ng Senate Committee on Local Government na si Senador Bongbong Marcos: Goodluck po sa pagresolba ng problemang ito; sinubukan ko pong resolbahin noong panahon ko.
Iginagalang po natin ang pagkakapantay sa kapangyarihan ng hudikatura at ng ehekutibong sangay ng gobyerno. Wala po tayong balak na tapakan ang karapatan nila, o bastusin ang kredibilidad ng sinuman. Pero kailangan nating balikan ang mga batayang prinsipyo ng ating demokrasya. Kami pong mga nanumpa sa tungkulin ay iisa lamang ang pinagkakautangan ng loob: kayong mga Boss namin, ang sambayanang Pilipino. Narito kami para maglingkod sa ating bansa; at para may manilbihan nang buong katapatan at sigasig sa mga Pilipino.
Ngayon, kung may isang lingkod-bayan na tumatanaw ng utang ng loob, hindi sa taumbayan na siyang dapat na bukal ng aming kapangyarihan, kundi sa isang padron na isiniksik siya sa puwesto, maaasahan po kaya natin siyang intindihin ang interes ng Pilipino?
Hindi po ako nagtapos ng abugasya. Gayumpaman, lumaki tayong may malinaw na pananaw kung alin ang tama, at kung alin ang mali; kung alin ang makatao, at kung alin ang tiwali. Naninindigan pa rin akong ang katarungan ay hindi manibelang basta-basta naililiko sa kung saan nais sumadsad ng mga mahistrado. Hindi ito laruan ng mga abugado’t hukom na binabaliktad at pinapasirko ayon sa kanilang kagustuhan.
Balikan po natin ang nabanggit ko kanina: ang kapangyarihan ng Korte Suprema, ng Pangulo, at ng Kongreso ay nagmumula sa nag-iisa nilang Boss: ang taumbayan [applause]. Samakatuwid, ang interes lamang ng taumbayan ang dapat naming panigan at ipaglaban. Nanumpa akong pangangalagaan at ipagtatanggol ang konstitusyon, ipatupad ang mga batas nito, maging makatarungan sa bawat tao, at italaga ang aking sarili sa paglilingkod sa bansa. Wala akong balak na lumabag sa aking sinumpaang tungkulin. Wala akong balak na biguin ang taumbayan.
Obligasyon ko, at obligasyon nating lahat na manatiling tumahak sa iisang direksyon, sa ilalim ng nagkakaisa nating adhika: ang paglingkuran at pangalagaan ang interes ng sambayanan. Sa lahat ng nakikibalikat sa atin sa tuwid na daan, manalig kayo: Hangga’t nasa tama tayo, wala tayong laban na aatrasan. Hanggang nasa likod natin ang taumbayan, magtatagumpay tayo. Huwag natin silang bibiguin.
Magandang araw po. Maraming salamat po.