May kumakalat na mga Facebook post na nagsasabing ₱5,000 na ang kada 11 kilong tangke ng liquefied petroleum gas. Peke ito.
Nagsimulang kumalat noong March 16 ang pekeng picture ng “babaeng nagbabalita” habang may picture din ng mga tangke ng LPG at may nakasulat na:
“LPG AABOT NG P5,000.00 ANG PRESYO NG BAWAT 11 KILOS NA TANGKE SIMULA NGAYONG MARCH 20, 2026.”
Walang kompanya ng gasul ang nag-abisong aabot sa ₱5,000 ang presyo ng LPG. Wala ring announcement tungkol dito ang Department of Energy, na siyang namamalakad sa industriya ng LPG.
Ayon sa DOE noong March 1, ang presyo ng kada 11 kilong tangke ng LPG ay nasa ₱825 hanggang ₱1,135 sa Metro Manila.
Dahil sa patuloy na gera sa Middle East, tumaas ang presyo ng petrolyo. Inanunsyo ng Republic Gas Corporation (lokal na kompanya ng LPG) na, simula nitong March 26, nagtaas sila ng ₱8 kada kilo o ₱88 kada tangke ng LPG.

Noong March 24, inestima ng DOE na ang supply ng LPG sa buong bansa ay aabot na lang sa tatlong linggo. Kaya nakikipagtulungan ang gobyerno sa iba pang bansa gaya ng South Korea, India, Japan, at China para makasiguro ng dagdag na supply para hindi maubusan sa susunod na buwan.
Ang pekeng post ay kumalat sa kasagsagan ng krisis sa langis dahil sa patuloy na gera sa Middle East, na sentro ng petrolyo sa buong mundo. Anumang kaguluhan sa Middle East ay may epekto sa presyo ng petrolyo at sa napakarami pang ibang produkto. Sa Pilipinas, milyong-milyong pamilya ang apektado sa sobrang pagtaas ng mga pang-araw-araw na gastos, gaya ng gasolina at pamasahe.
Ang pekeng post ng page na Ms.Filcanarota 8689 (ginawa noong March 5, 2020) at iba pang FB user ay may pinagsamang lagpas 8,100 reactions, 4,300 comments at 9,900 shares. Ang post ay galing sa na-delete nang video na gawa ng AI.

