Categories
Ano Raw Fact Check Filipino

FACT CHECK: HINDI natanggal sa Senado si Jinggoy

Tinaggal si Jinggoy Estrada sa Senado.

YouTube channel PINAS NEWS INSIDER 2024-05-12 Mali

Senador pa rin si Jinggoy at walang mosyon para tanggalin siya sa Senado.

May YouTube video na nagsasabing natanggal sa Senado si Jinggoy Estrada. Hindi ito totoo. Senador pa rin si Jinggoy at walang mosyon para tanggalin siya sa Senado.

Ini-upload nitong May 12, ang video ay may thumbnail na:

“TANGGAL SA PWESTO. MARCOLETA WINASAK SI SEN JINGGOY IYAK. RESIGN NOW! TRYDOR SA SENADO.”

At may headline na: “KAKAPASOK LANG Walang Nagawa si Jinggoy Estrada sa Matinding Ut0s ni Cong.Marcoleta at Sen Bato!”

VERA Files Fact Check - ANG TOTOO: Hindi totoong tinanggal sa Senado si Sen. Jinggoy Estrada. Wala ring anumang mosyon para alisin siya sa pwesto. Maaari lang matanggal sa pwesto ang isang senador matapos ang two-thirds na boto ng Senado.

Si Senador Bato dela Rosa ay hindi nagsampa ng mosyon para tanggalin sa Senado si Jinggoy. Hindi rin kayang tanggalin ng isang senador ang kapwa senador nang walang pagsang-ayon ng walo o higit pang senador.

Hindi rin kaya ni SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta o kahit sinong kongresista na ipatanggal ang kahit sinong senador dahil magkahiwalay silang dalawang kapulungan ng mga mambabatas.

Ang video ay nagpakita ng clip lang ng pagpuna ni Marcoleta sa pagkuwestiyon ni Jinggoy sa kredibilidad ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales, na tumestigo sa imbestigasyon ng Senado na pinamumunuan ni Bato.

Nitong May 7 ay tinawag ni Jinggoy na sinungaling si Morales tungkol sa ‘di umano’y PDEA document na isinasangkot si Pangulong Bongbong Marcos sa mga ilegal na droga.

Nitong May 13 naman ay kinuwestiyon ni Jinggoy ang kredibilidad ni Morales dahil marami itong mga kasong kriminal. Sinagot ni Morales si Jinggoy na siya ay may mga kaso pa lang at hindi gaya ni Jinggoy na napatunayan nang kriminal.

Noong January ay hinatulan ng Sandiganbayan si Jinggoy dahil sa pagtanggap ng suhol kay negosyanteng Janet Lim-Napoles, na sangkot sa sampung bilyong pisong panloloko gamit ang pork barrel.

Ini-upload ng YouTube channel na PINAS NEWS INSIDER, ang video ay may kabuuang halos 170,000 interactions. Ang video ay ini-repost din ng ilang mga netizen sa Facebook.


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)