May YouTube video na nagsasabing aprubado at ilalabas na ang ₱5,000 pension para sa senior citizens. Hindi ito totoo.
Ini-upload noong April 30 at patuloy na kumakalat ang video na may pamagat na:
“APRUBADO NA! ₱5,000 UNIVERSAL SOCIAL PENSION PARA SA SENIORS – SCHEDULE NG PAGLABAS, TINGNAN NA!”
Iba naman ang halagang sinasabi sa description:
“ISANG NAPAKAGANDANG BALITA para sa ating mga senior citizens! CONFIRMED na ang ₱7,000 SOCIAL PENSION na inilaan para sa mga kwalipikadong lolo at lola sa ilalim ng bagong programang inilunsad ngayong 2025!”

Pinasinungalingan ng National Commission for Senior Citizens ang video at tinawag itong “fake news”.
Inaprubahan ng House of Representatives ang Universal Social Pension Bill for Senior Citizens sa pangatlo at huling pagbasa noong May 21, 2024. Pero nakabinbin pa rin ang panukala sa Senado.
Kapag inaprubahan na rin ng Senado ang panukala, pagkakasunduan ng House at Senado ang magkakaiba nilang probisyon at susulat ng huling version ng panukala na ipapasa sa Pangulo. Kapag pinirmahan ng Pangulo ang panukala, tsaka lang ito magiging batas. At mga ahensya ng gobyerno ang gagawa ng mga pamantayan para ipatupad ang batas.
Ang kasalukuyang Kongreso ay matatapos sa June 13. Ang mga panukalang hindi naaprubahan ay puwedeng i-file ulit sa susunod na Kongreso, na magsisimula sa June 30.
Nitong Enero, nagprotesta ang mga progresibong grupo at senior citizens para aprubahan ng Senado ang panukalang magbibigay-ayuda sa lahat ng matatandang Pinoy.
Sa ngayon, ang ayudang binibigay ng DSWD ay para lang sa mahihirap na senior.
Ang video na may maling impormasyon ay ini-upload ng YouTube channel na Ph Pension News. Ito ay may lagpas 122,135 views, 1,378 comments, at 3,700 likes. Ilan sa mga naloko nito ay patuloy pa ring nagtatanong tungkol sa ayuda.