May Facebook (FB) page na nag-eendorso ng pamahid na gawa sa kamandag ng bubuyog at nakagagaling daw ng sakit sa kasukasuan. Peke ito. Ang kamandag ng bubuyog ay hindi pa napatutunayang epektibong gamot sa sakit sa kasukasuan, at ang pamahid ay hindi registered sa Food and Drug Administration (FDA).
Noong May 24 ay may nag-message sa VERA Files para i-verify ang post ng “Philippine Orthopedic Center 24h”. Ang post na ini-upload noong March 12 at patuloy na kumakalat ay nag-eendorso ng Furzero Bee Venom Joint and Bone Pain Relief Cream:
“With the ability to regenerate stem cells, it helps heal damaged cartilage tissue.
No more pain or muscle stiffness
Increased joint fluid secretion helps increase mobility.
Prevent dangerous complications”
(Kayang mag-regenerate ng stem cells at tumutulong magpagaling ng kasukasuan. Wala nang pagsakit at pagtigas ng muscle. Ang pagpahid nito ay nakagiginhawa ng paggalaw at nakaiiwas sa mga komplikasyon.)

Noon pang nakaraang taon ay nagbabala na ang totoong Philippine Orthopedic Center (POC) laban sa mga pekeng page. Ang pekeng POC page ay ginawa noong Feb. 11. Ang pekeng ad ay may link din sa pekeng POC website. Ang totoong POC website ay poc.doh.gov.ph.
Ang pekeng ad ay may video rin ni Doc J Dueñas na galing sa TikTok, kung saan pinag-usapan ang mga komplikasyon ng diabetes. Ini-edit ito gamit ang AI para magtunog na iba ang sinasabi ng doktor. Noong May 27 ay nakausap ng VERA Files sa FB Messenger ang doktor at sinabing hindi siya nag-eendorso ng kahit anong gamot.
At noong pang April 9, ang Philippine Orthopaedic Association naman ang nagbabalang mag-ingat laban sa mga pekeng ad na ginagamit ang pangalan ng kanilang mga miyembro.
Ang kamandag ng bubuyog ay hindi pa napatutunayang ligtas at epektibong gamot sa sakit sa kasukasuan. Sa mga unang pag-aaral, ang kamandag ng bubuyog ay natural at nakagagaling ng pamamaga. Pero puwede rin itong magdulot ng allergic reaction, problema sa puso at baga, o kamatayan.
Ang pekeng ad ay may lagpas 108,000 reactions, 8,500 comments, 9,300 shares, at 18 million views.