May pekeng Facebook page na nag-post ng video na nagsasabing ang mga kurso sa kolehiyo ay magiging dalawang taon na lang simula sa June. Peke ito at ginawa gamit ang artificial intelligence o AI.
Ini-upload noong Feb. 9, ang video ay pinagmumukhang may lalaking nagbabalita at sinasabing:
“Magandang balita para sa mga college students: Hindi na four years kundi two years na lang ang pasok sa college simula June 2026. Aalisin na ang ibang subject, at mag-focus na lang sa kurso at specialty ang mga bata. Nasa comment section ang mga detalye. Basahin.”
Peke ito, at ang link ay papunta sa online shopping website.

Wala pang naipapasang batas sa pagpapaikli ng mga kurso sa kolehiyo. Apat hanggang limang taon pa rin ang mga kurso sa kolehiyo, depende sa dami ng semester ng mga pamantasan.
Nakabinbin pa rin sa Senado noon pang July 29, 2025 ang panukalang Three-Year College Education ni Senador Win Gatchalian, na layon ay makumpleto na ang mga general education subject sa senior high school para kalauna’y makapag-focus ang mga estudyante sa mga subject na direktang may kinalaman sa kanilang kurso.
Ang mismong video ay may palatandaang gawa ito ng AI, dahil kita ang logo ng Veo o ang AI video generator ng Google.
Kinumpirma rin ng mga AI-detection tool na Hive Moderation, WasItAI at SightEngine na ang buong video ay gawang-AI.
Ang video ay dalawang beses ini-upload ng Pilipinas News Today at may pinagsamang lagpas 237,000 views, 1,200 shares at 400 comments.

