Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Ini-edit ng AI ang ipinakakalat na video ng pag-‘aresto’ kay Romualdez

WHAT WAS CLAIMED

Former House speaker Martin Romualdez has been arrested.

OUR VERDICT

Fake:

Romualdez has not been arrested. A video of him arriving at the Independent Commission for Infrastructure offices in Taguig City on Oct. 14 was manipulated using artificial intelligence.

By VERA Files

Oct 22, 2025

3-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

May ipinakakalat na Facebook video na ipinagmumukhang inaresto raw si dating House speaker Martin Romualdez. Peke ito at ini-edit gamit ang AI o artificial intelligence.

Ini-upload noong Oct. 18 ang video na ipinakikitang pinaliligiran si Romualdez ng media at bigla siyang “inaresto ng pulis.”

Ang video ay may nakasulat na: “Ngaun NAHULI narin rumualdez martin RUMUALDEZ”

Ayon sa vlogger: “Nahuli na, nahuli na! Talagang nahuli na talaga si Romualdez, ‘no? So dapat masaya na tayo dahil nahuli na po ang buwaya ng Pilipinas: si Romualdez, ‘no?”

Peke ito. Hindi inaresto si Romualdez. Ang video ng pagdating niya sa opisina ng Independent Commission for Infrastructure ay inedit gamit ang AI para magmukhang inaresto siya.

Iniutos ng Department of Justice na bantayan ng Bureau of Immigration ang pag-alis ni Romualdez at iba pang sangkot sa korapsyon sa flood control. Ang utos ay mungkahi ng ICI, ang ipinasadyang komisyon ni Pangulong Bongbong Marcos para imbestigahan ang korapsyon sa flood control.

May iba’t ibang imbestigasyon sa korapsyon sa flood control, pero wala pang kasong kriminal na isinampa kay Romualdez.

Ang pekeng video ay galing sa totoong video ng XFM Cebu 88.3, kung saan makikita ang pagdating ni Romualdez sa opisina ng ICI noong Oct. 14 para sa pagdinig sa korapsyon sa flood control.

Ang video ay ini-edit gamit ang PixVerseAI para mag mukhang may pulis na umaresto kay Romualdez. Makikita sa mismong video ang logo ng PixVerseAI.

Ang unang nag-upload ng pekeng video ay ang Facebook page na Ganap Ph, na inilinaw na ini-edit ng AI ang video at “katuwaan lang”. Pero ang vlogger na nag reupload ng pekeng video noong Oct. 18 ay hindi inilinaw na ini-edit lang ng AI ang video at ipinagmukha pa nga itong totoo.

Ang pekeng video ay ipinakalat sa parehong araw na nakiusap si Romualdez sa ICI na ipagpaliban ang pangalawang pagharap niya sa Oct. 22 dahil mayroon siyang medical procedure.

Pinangalanan ni Sen. Chiz Escudero si Romualdez bilang totoong pasimuno sa likod ng korapsyon sa flood control, pagtapos isiwalat ni retired sergeant Orly Guteza na naghatid siya ng mga maletang may 1.7 bilyong piso sa bahay ni Romualdez sa Makati. Noong Oct. 14 ay pumunta si Romualdez sa una niyang pagdinig sa ICI, at naglabas siya ng official statement na itinatanggi ang pagkasangkot niya sa korapsyon sa flood control.

Ang video ay ini-upload ng Facebook page na Amer TV Vlogger (ginawa noong Dec. 24, 2019 bilang Bloger learning) at may lagpas 620,000 views, 9,600 reactions, 2,100 shares at 1,800 comments.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.