Gumamit ng nakalilinlang headline ang social news blog na Politiko para sa video ng komento ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Rep. Antonio Tinio tungkol sa biyahe ng pangulo sa Hong Kong halos simula ng kasalukuyang buwan.
PAHAYAG
Noong Oktubre 11, ipinalabas ng Politiko ang 25-segundong video clip mula sa isang press conference na ginawa ng Makabayan bloc ng House of Representative noong Oktubre 9. Ang clip, na hindi sinamahan ng anumang teksto sa webpage, ay may litrato nina President Rodrigo Duterte , ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña, anak na babae na si Veronica at Special Assistant Bong Go sa loob ng isang tindahan ng damit sa Hong Kong.
Ang headline ng video ay ipinalabas/ipinresenta bilang direktang sipi ng pahayag ni Tinio:
“Pera ng bayan, pinang-shopping ni Duterte sa HK – Tinio”
Pinagmulan: Panoorin | Pera ng bayan, pinag-shopping ni Duterte sa HK – Tinio. Oktubre. 11, 2018
FACT
Binaluktot ng headline ang pahayag ni Tinio nang sinabi nitong isang kumpletong pagsisiwalat ng agenda at itineraryo ng Pangulo ang dapat gawin ng Malacañang dahil “pondo at gamit ng pamahalaan” ang ginamit upang ilipad siya sa Hong Kong noong Oktubre 5:
“Para sa akin, dapat ibunyag ng Malacañang kung ano ang naging buong agenda at itineraryo ni Pangulong Duterte noong nagpunta siya sa Hong Kong, ano, dahil presidente siya ng Pilipinas, ang ginamit niya sa pagpunta doon ay pondo ng pamahalaan at mga gamit.”
Si Pangulong Rodrigo Duterte ay nakuhanan ng litrato sa Hong Kong dalawang araw pagkatapos niya aminin na sumailalim siya sa mga medikal na pagsusuri sa kanyang tiyan at colon. Nang tanungin ng mga reporter kung ang layunin ng kanyang biyahe ay may medikal na kadahilanan, sinabi niya na nagpunta lamang siya doon upang bumili ng bagong damit para sa kanyang “lumalaking tiyan.” Idinagdag niya na wala siyang kanser.
Inilabas rin ng Politiko ang kasunod na bahagi ng komento ni Tinio nang araw ding iyon, sa pagkakataong ito, mas tumpak ang headline – “Tinio wants audit of Duterte’s HK trip”:
“Kailangan may transparency dito, sa katunayan kailangan may mga opisyal na rekord sa biyahe na yun, hindi pwedeng sabihing pribado o personal na biyahe yun. Kaya’t hinihingi ng publiko ang buong impormasyon kaugnay nito, kailangan ibigay ito ng Malacañang.”
Pinagmulan: Panoorin | Tinio wants audit of Duterte’s HK trip. Oktubre 11, 2018
Ang video na may nakalilinlang na headline ay napanood ng higit sa 1,500 beses sa YouTube channel ng Politiko. Na-post sa pahina ng Facebook nito, ang kuwento ay maaaring umabot sa higit sa 300,000 katao.
Gayunpaman, ang video ay muling nailabas at ibinahagi ng hindi bababa sa dalawang iba pang mga website na may kasaysayan ng pagpo-post ng maling balita. Ang muling ginamit na kuwento ay nakakuha ng 8,000 shares at mga reaksyon sa social media at maaaring umabot sa 1.3 milyong mga mambabasa.
Ang Politiko ay may parehong Google AdSense ID tulad ng iba pang online news entities kabilang ang Abante at Abante Tonite, dalawang pang-araw araw na tabloid. Ang Google Adsense ay isang program na pinapatakbo ng Google upang subaybayan at pamahalaan ang mga advertisement ng website. Mayroon silang mga ID, o mga identifier na bukod-tangi sa isang publisher at maaaring magamit sa iba’t ibang mga website na pagmamay-ari ng publisher.
Mga pinagkunan ng impormasyon:
Manila Bulletin.Duterte says Hong Kong trip to shop for clothes, not medical checkup. Oct. 10, 2018
The Manila Times. Duterte: I bought clothes in HK. Oct. 10, 201
Rappler.com. Duterte jokes in ‘battery’ riddle: I tested ‘positive’ in Hong Kong medical exams. Oct. 9, 2018