Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Binigyang-puri sina Mark Villar, ‘Build, Build, Build’ na tulay sa Cebu ni Duterte na nagsimula sa termino ni Aquino kailangan ng konteksto

Sa isang kumpirmadong Facebook (FB) page ng volleyball player at dating Pinoy Big Brother housemate na si Tricia Santos, pinuri si Public Works and Highways Secretary Mark Villar at ang flagship project ng administrasyong Duterte na "Build, Build, Build" program sa patuloy na paggawa ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX). Kailangan nito ng konteksto.

By VERA Files

Jul 2, 2021

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang kumpirmadong Facebook (FB) page ng volleyball player at dating Pinoy Big Brother housemate na si Tricia Santos, pinuri si Public Works and Highways Secretary Mark Villar at ang flagship project ng administrasyong Duterte na “Build, Build, Build” program sa patuloy na paggawa ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX).

Kailangan nito ng konteksto.

Hiniling ng isang reader ng VERA Files Fact Check na kilatisin ang post ni Santos.

PAHAYAG

Ang post noong Hunyo 23 ay may kasamang aerial shot ng Cebu-Cordova Link bridge na unang nilathala ni Villar noong araw ding iyon sa kanyang opisyal na FB page. May kasama itong caption na:

Cebu is like a second home so nakaka happy (Ang Cebu ay parang pangalawang tahanan [ko] kaya nakakatuwa) ang bagong bridge na ito. Mas mabilis na ang byahe papunta Mactan and Cordova. Good job #BuildBuildBuild team and Sec Mark Villar”

Pinagmulan: Tricia Santos opisyal na Facebook page, Cebu is like a second home… (Archived), Hunyo 23, 2021

Hanggang noong Hulyo 1, ang post ay mayroong humigit-kumulang na 5,900 ‘like’ at ‘heart’ reactions, 148 comments, at 122 shares. Maaari din itong umabot sa 3.3 milyong FB users, dahil sa bilang ng mga sumusunod sa page.

ANG KATOTOHANAN

Bagamat si Pangulong Rodrigo Duterte ang dumalo sa groundbreaking ceremonies ng CCLEX noong Marso 2017, ang negosasyon para sa “pangatlong tulay” na magkokonekta sa mainland Cebu sa isla ng Mactan — kasunod ng Sergio Osmeña Bridge at Marcelo Fernan Bridge — ay nagsimula pa noong 2014 sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Needs context: Cebu Cordova Bridge

Nanungkulan si Villar bilang Public Works secretary noong Agosto 2016, matapos magbitiw sa House of Representatives bilang kongresista ng Las Piñas City. Ang programang “Build, Build, Build” ni Duterte, sa kabilang banda, ay opisyal na inilunsad noong Abril 2017.

Ang CCLEX ay hindi kabilang sa mga infrastructure flagship project ng gobyerno na inilista ng National Economic and Development Authority sa taunang komprehensibong status reports na inihain mula Hunyo 2017 hanggang Mayo 2021.

Hindi rin ito kasama sa mga proyektong binanggit sa opisyal na website ng “Build, Build, Build.”

Ayon sa mga ulat ng SunStar Cebu at Cebu Daily News noong Okt. 20, 2014, isang panukala ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na gumawa ng tulay na mag-uugnay sa Cebu City sa munisipalidad ng Cordova ang sumasailalim sa pagsusuri ng isang joint venture selection committee (JV-SC) ipinatawag ng dalawang kinauukulang yunit ng pamahalaang lokal.

Wala pang dalawang taon, isang notice of award ang ibinigay sa MPTC “para sa pagpopondo, disenyo, konstruksyon, pagpapatupad, operasyon at pagpapanatili” ng Cebu-Cordova Bridge na umaabot sa 8.25 kilometro.

Tulad ng nakasaad sa isang disclosure form na inilathala noong Enero 5, 2016 sa portal ng Philippine Stock Exchange – Electronic Disclosure Generation Technology (PSE EDGE), layunin ng expressway na bawasan ang trapiko sa mga tulay ng Osmeña at Fernan. Gagawin ito sa pamamagitan ng isang joint venture agrement ng Cebu City, munisipalidad ng Cordova, at MPTC, na ang konstruksyon ay magsisimula sa 2017 at magtatapos ng 2020.

Kahit na ang Cebu-Cordova Bridge page sa opisyal na website ng Public-Private Partnership Center ng gobyerno ay nagsasaad na ang cooperation period nito ay aabot ng 35 taon — mula 2015, o isang taon bago umupo si Duterte sa puesto, hanggang 2050.

Noong Hunyo 18 — limang araw lamang bago inilabas ni Santos ang kanyang FB post — inihayag ng Cebu Cordova Link Expressway Corporation ng MPTC na ang CCLEX ay 75% nang nakumpleto. Nilalayon ng grupo na tapusin ang konstruksyon nito sa pagtatapos ng 2021 at buksan ito sa mga motorista sa pagsisimula ng 2022.

Ang MPTC isang subsidiary ng Metro Pacific Investments Corp. na pagmamay-ari ng tycoon na si Manuel V. Pangilinan, ay responsable para sa pagpapatakbo ng ilan sa mga expressway sa bansa, kabilang ang North Luzon Expressway (NLEX) at Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX ).

Nakapaglathala na ang VERA Files Fact Check ng mga artikulo na nagde-debunk sa mga online post na kung hindi mali na nagbibigay ng kredito sa Duterte government para sa mga proyekto na nagsimula sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, mali naman ang pahayag na walang proyekto sa imprastraktura si Aquino sa kanyang termino.

Mga red flag sa FB page ni Santos

Isang scan sa na-verify na FB page ng dating PBB housemate ay nagpapakita ng kanyang mga post na halos tungkol sa mga personalidad ng showbiz. Gayunpaman, regular din siyang naglalathala ng mga post na pinupuri ang mga proyekto ni Villar at ng tanggapan nito.

Halimbawa, noong Hunyo 2021, nag share ang page ni Santos ng walong post tungkol sa iba`t ibang mga programa ng Department of Public Works and Highways. Ang lahat ng ito ay nagbanggit ang pangalan ni Villar, nagpapasalamat o kaya pinuri siya.

Ang FB page ni Santos ay madalas ding nagbabahagi ng mga content link mula sa website na okayy.net. Isang pagtingin sa website ay nagsisiwalat ng ilang mga red flag, na nakakapagduda sa kredibilidad nito:

  • isang template ng Privacy Policy text na ibinahagi ng higit sa isang milyong mga web page online,
  • isang template Disclaimer text na ginamit ng higit sa 800,000 iba pang mga website,
  • isang bahagi ng Disclaimer page na nagsasabing ang website “ay hindi gumagawa ng anumang mga garantiya tungkol sa pagkakumpleto, pagiging maaasahan at kawastuhan” ng impormasyong nailathala nito,
  • isang Contact Us page na walang nilalaman na anumang contact impormasyon ng website o mga taong nasa likod nito ngunit sa halip ay humihingi ng mga personal na detalye ng mga bisita ng website, at
  • isang hindi maayos na ipinakilalang “aDmiN” na may-akda ng lahat ng mga artikulo sa website.

Isang search sa domain database na WHOIS ay nagpapakita na ang okayy.net ay nakarehistro bilang isang website noong Marso 24 lamang.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Mark Villar official Facebook page, As of date, the Cebu Cordova Link Expressway…, June 23, 2021

Tricia Santos official Facebook page, Cebu is like a second home… (Archived), June 23, 2021

Presidential Communications Operations Office, President Duterte leads groundbreaking of Cebu-Cordova Link Expressway, March 3, 2017

Inquirer.net, Villar resigns as Las Piñas rep, takes on DPWH post, Aug. 2, 2016

ABS-CBN News, Mark Villar resigns from House of Representatives, Aug. 2, 2016

Rappler, Mark Villar resigns from Congress to become DPWH chief, Aug. 2, 2016

National Economic and Development Authority, Government’s Build Build Build Program Embodied in PDP 2017-2022, April 24, 2017

National Economic and Development Authority, Infrastructure Flagship Projects, June 19, 2021

Build.gov.ph, Projects, n.d.

SunStar Cebu, Review on 3rd bridge almost done, Oct. 20, 2014

Cebu Daily News, 3rd bridge in 3 years, Oct. 20, 2014

Philippine Stock Exchange – Electronic Disclosure Generation Technology, Notice of Award for Cebu Cordova Bridge Project, Jan. 5, 2016

Public-Private Partnership Center, Cebu-Cordova Toll Bridge Project (Cebu-Cordova Link Expressway), July 5, 2019

Cebu-Cordova Link Expressway, Cebu-Cordova Link Expressway construction now at 75 percent; project prepares for electronic toll system, June 18, 2021

Metro Pacific Tollways Corporation, Board of Directors, n.d.

Metro Pacific Tollways Corporation, The MPTC Group, n.d.

Pilipino Star Ngayon, Teen Housemates ni Kuya, kumpleto na!, April 14, 2010

SunStar Bacolod, Ang mga bag-ong Teen Housemates, April 11, 2010

Philippine Entertainment Portal, 15 housemates of PBB Teen Clash of 2010 introduced to the public, April 11, 2010

Okayy.net, Privacy Policy (Archived), n.d.

Okayy.net, Disclaimer (Archived), n.d.

Okayy.net, Contact Us (Archived), n.d.

WHOis.com, okayy.net Domain Information, n.d.

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.