Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: HINDI pa nagre-recruit ang PCG ngayong 2024

WHAT WAS CLAIMED

Nagtawag ng mga aplikante para sa recruitment ang Philippine Coast Guard (PCG)

OUR VERDICT

Peke:

Hindi pa nagsimula ang nationwide recruitment application ng Philippine Coast Guard ngayong 2024. Mula sa mga FB pages na hindi konektado sa PCG ang mga kumakalat na job postings.

By VERA FILES

Jan 8, 2024

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

May mga impostor sa Facebook na nagpapakalat ng pekeng recruitment ads ng Philippine Coast Guard (PCG) habang patuloy na umiinit ang tensiyon sa West Philippine Sea.

Hindi pa nagtatawag ng mga aplikante ang PCG para sa 2024. 

Ang mga pekeng patawag ay nagsimulang kumalat noong Dec. 17. Nilista nito ang mga requirement kuno at ginamit ang logo ng PCG at mga picture mula sa mga training at event ng PCG. Ang mga caption ay may mga link sa mga website kung saan puwede raw mag-apply.  

Isang post noong Dec. 29 ay may caption na: 

“PCG HIRING 2024. APPLICATION NOW OPENED.” 

Ang kasamang graphic ay may nakasulat na: 

“PHILIPPINE COAST GUARD HIRING: K12 GRADUATES. 5’0 Height Above. NO AGE’S LIMIT. P43,000.00 Monthly Salary.”

‘Di totoo ang mga ito. Ang mga page na nagpakalat nito ay hindi konektado sa PCG, at wala pang announcement ang PCG ng nationwide nilang pagre-recruit sa 2024.

Noong Dec. 21 at 27, nagbabala ang PCG at ang kanilang Human Resource Management Command (CGHRMC) laban sa mga kumakalat na pekeng pagre-recruit. 

Ipinaalala ng PCG sa publiko na maghintay ng balita sa pagre-recruit mula sa kanilang mga official Facebook page (dito at dito). Ang huling pagre-recruit ng PCG ay natapos noong September. 

May mga age limit din sa pagre-recruit ng PCG. Ayon sa post ng CGHRMC noong June 5, 2023, ang mga age limit ay:

  • 21–28 sa mga general line officer, maliban sa mga may ranggo
  • 26–36 sa mga technical line officer na may ranggo na CG Lieutenant
  • 21–28 sa mga technical line officer na may ranggo na CG Ensign; at
  • 18–28 sa non-officer enlistment.

Ayon sa PhilStar, nagpaplano ang PCG na mag-recruit ng 4,000 tauhan sa 2024.

Ang mga link sa pekeng registration ay papunta sa philippinesupport.com at libreng-ayuda-2022.blogspot.com, na may mga ad papunta sa mga e-commerce website. Ang opisyal na website ng PCG at coastguard.gov.ph.


Kamakailan ay pinasinungalingan din ng VERA Files Fact Check ang iba pang registration na ipinakalat ng libreng-ayuda-2022.blogspot.com.

(Basahin: FAKE beneficiary list, online reg for ‘DSWD scholarship program’ circulates

Ang mga pekeng pagre-recruit ay ipinakalat mahigit isang linggo matapos ibalita ng PCG at National Task Force on the West Philippine Sea na ang mga barko ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia ay muling humarang ng mga sibilyang barko ng Pilipinas.

Ang pitong pekeng recruitment ads ng mga Facebook page na PRC News and Updates (ginawa noong July 5, 2022 bilang Libreng Pabahay Official 2022), PRC News Update (Nov. 22, 2023 bilang PRC BOARD Results) at Serbisyong Manggagawa Para Sa Bangsamoro (June 22, 2019 bilang Ministry of Labor and Employment) ay kumolekta ng higit na 2,231 reactions, 1,845 comments at 2,522 shares. Ang mga post ay shinare rin sa iba’t ibang Facebook group. 


May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).


(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.