Hindi totoo ang sinasabi sa isang Facebook post ng isang Filipino netizen tungkol sa umano’y paggamit ng karne ng ahas bilang sangkap sa maraming pagkaing ibinebenta sa kalye. Ang mga litrato na ginamit sa post ay hindi sa Pilipinas o para sa paggawa ng pagkaing ibinebenta sa kalye. Ang isang parehong kuwento ay napasinungalingan na sa Thailand.
PAHAYAG
Ang Facebook post na umiikot mula pa noong 2016 ay muling nilathala ng isang netizen noong Hulyo 8, at muling nilathala ng isa pang netizen noong Set. 15, na nagsasabing ang mga sikat na mga pagkaing Pilipino sa kalye tulad ng kikiam, fishball, at chickenball ay gawa mula sa karne ng mga alagang ahas at mga sawa. Sinasabi nito:
“Alam Niyo ba na ang kinakain niyong Fishball, Chickenball and (at) Kikiam ay Gawa sa Ahas (Sawa) at hindi sa Isda O manOk?? Legal at Alagang ahas o sawa ang ginagamit para sa produktong ito…Pero ngayong naLaman niyo na, the onLy question is (ang tanong ay) GAGANAHAN KA PA BANG KUMAIN NITO GAYONG GAWA ITO SA “AHAS”?? #Pasintabi”
Pinagmulan: Facebook post, Alam Niyo ba ang kinakain Niyong Fishball…, Hulyo 8, 2019
Ang post noong Hulyo 8, na naibahagi nang higit sa 25,000 beses, ay sinamahan ng siyam na litrato na umano’y ipinapakita ang proseso ng paggawa ng pagkaing ibinebenta sa kalye mula sa karne ng ahas.
ANG KATOTOHANAN
Walang katibayan na mayroong mga pagkaing itinitinda sa kalye sa Pilipinas na gawa sa karne ng ahas. Gayundin, ang mga litrato na ginamit sa maling post ay hindi nagmula sa Pilipinas at hindi nauugnay sa paggawa ng pagkaing ibinebenta sa kalye.
Sa ginawang reverse image search sa mga litrato na ginamit sa Facebook post, nagpapakita na wala sa mga ito ang talagang mula sa Pilipinas. Hindi rin karne ng ahas ang inihahanda bilang pagkaing Pilipino na itinitinda sa kalye. Sa halip, ang mga litrato ay mula sa:
- tweet ng isang netizen noong Enero 2015 na nagpapakita ng mga ahas na nakabitin sa loob ng isang bodega sa “Langowan Market” sa Indonesia;
- isang photo essay noong Oktubre 2007 ng Turkish news organization na Haber 7 ng isang snakeskin workshop sa Malaysia na nagbibigay ng raw material para sa mga snakeskin bag, na nagpapakita ng:
- buhay na ahas na nakalambitin gamit ang isang tali habang nililinis ng tubig;
- nalinis na mga buhay na ahas malapit sa isang bintana;
- isang patay na ahas na binabalatan; at,
- isang manggagawa na nakaupo sa tabi ng isang tumpok ng mga balat ng ahas;
- isang Livejournal entry ng blogger ternovskiy noong Setyembre 2010 matapos ang isang paglalakbay sa McDonald’s beef patty supplier Marr Russia sa Russia, na nagtatampok ng isang manggagawa na naghihintay sa karne ng baka na inilalabas ng gilingan ng karne;
- isang Agosto 2014 na tweet ng isang netizen na nakasulat sa Malay, ng mga hilaw na fishballs;
- ang Mayo 2015 na artikulo ng blog site xn – 12cfi6cya3cfedcyb3d1fc0bd3si3evf, na nagpakita ng isang mangkok ng karne ng baboy; at
- isang Facebook post noong Disyembre 2014 ng ilang fishballs sa isang berdeng mangkok.
Sa isang Set. 19 email sa VERA Files, ang Food and Drug Administration, na gumagarantiya sa “kaligtasan, kalidad, kadalisayan, pagiging epektibo ng mga produkto upang maprotektahan at maisulong ang karapatang pangkalusugan ng pangkalahatang publiko,” ay nagsabi na “hindi makumpirma ang bagay na ito dahil walang sumusuportang ebidensya o patunay na ang isyu na pinag-uusapan ay talagang umiiral o na nangyayari na sa bansa.”
Ang isang search sa mga pinagmulan ng kuwentong ito sa Web ay humantong sa maraming mga website at mga post sa social media na may petsang mula pa noong Agosto 2014, na nagsasabing ang fishballs sa Thailand ay gawa sa karne ng ahas. Ito ay napasinungalingan sa mga ulat ng ilang mga Thai media noong Disyembreng iyon, na nagsabing ang ilan sa mga litrato na ginamit sa mga post ay nauugnay sa paggamit ng balat ng ahas sa industriya ng leather.
Sa isang Set. 23 email sa VERA Files, ang Thai journalist na si Peerapon Anutarasoat, na nag-ulat tungkol sa isyu noong 2015, ay nagsabing “walang katibayan” sa paggamit ng karne ng ahas sa fishballs, bukod sa iba pang mga pagkain, sa Thailand. Sinabi niya na isang “siyentipiko ang naggiit na imposible ang pahayag” at ang mga tagagawa ng fishball ay “iginiit na ang karne ng ahas ay hindi maaaring dumaan sa makina.” Idinagdag niya na ang mga litratong ginamit sa pahayag ay “walang kaugnayan sa paggawa ng meatball, mula ito sa industriya ng leather.”
Nakasulat sa packaging ng kikiam, fishball, at mga chickenball na produkto sa merkado ng Pilipinas na ang mga ito ay gawa sa manok, isda at karne ng pusit.
Gayunpaman, napag-alaman ng mga mananaliksik mula sa Ateneo De Manila University at National Fisheries and Research Development Institute (NFRDI) na ang mga produktong mula sa dagat ng mga hindi kilalang kumpanya na ibinebenta sa pamamagitan ng mga tindera sa kalye at komersyal na stalls at sa mga supermarket “ay natagpuan na mayroong karne ng baboy at manok.” Sinabi nito na kalahati ng mga sampol na produkto na pinag-aralan nito ay may “nakompromiso na nilalaman” at natagpuan na naglalaman ng mga mapagkukunan ng karne “maliban sa 100% karne ng isda na binili.” Inirekomenda nila na gumamit ng DNA barcoding ang mga lokal na regulatory agency upang matukoy ang “pagiging tunay” ng mga produktong pagkain na ibinebenta sa publiko.
Mga Pinagmulan
Facebook post, Alam Niyo ba na ang kinakain niyong Fishball…, July 8, 2019
Email correspondence with Food and Drugs Administration, Sept. 19, 2019
Philippine Science Letters, Not fish in fish balls: fraud in some processed seafood products detected by using DNA barcoding, 2018
International Barcode of Life, DNA BARCODING
Thai media debunked snake meat in street foods
- Thairath News, ซี ฉัตรปวีณ์, Dec. 19, 2014
- PostToday, จับมา-ขายไป…วันนี้ “งูทะเลไทย” ใกล้สูญพันธุ์?, Jan. 1, 2015
- Thai TNMCOT, ชัวร์ก่อนแชร์ : เนื้องูทำลูกชิ้นปลาจริงหรือ?, June 6, 2015
Reverse image search
- Archive.org, O.P.A. on Twitter, Jan. 25, 2015
- Haber7.com, Wild story of fashionable bags, Oct. 15, 2005
- Ternovskiy, Top secret beef or meatballs for McDonald’s, Sept. 20, 2010
- Gruppo Cremonini, MARR Russia – Produzione 2015, July 8, 2015
- xn--12cfi6cya3cfedcyb3d1fc0bd3si3evf, สูตรลูกชิ้นทำเอง ชี้ช่องทำมาหากิน หารายได้เสริม แบบหมูๆกันดีกว่า, May 2015
- Archive.org, @ferfarfer on Twitter, Aug. 14, 2014
- Pantip, Please confirm that the fish balls, fish balls, fish cakes do not use snake meat to make, Sept. 21, 2015
- Archive.org, Koyfong Atchara on Facebook, Dec. 6, 2014
(Tala ng Editor: Ang VERA Files ay nakipagtambalan sa Facebook upang labanan ang pagkalat ng disimpormasyon. Alamin ang tungkol sa pakikipagtambalan na ito at ang aming pamamaraan.)