Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: MALI ang kumakalat na babala sa pag-inom ng malamig na tubig ngayong tag-init

Kumalat ulit ang Facebook post na nagbababala sa pag-inom ng nagyeyelong tubig kapag tag-init dahil magdudulot daw ito ng pagputok ng mga ugat ng dugo. Mali ito.

By VERA Files

May 24, 2023

3-minute read
ifcn badgemeta badge

Share This Article

:

(Editor’s Note: Unang nilathala ang fact check na ito sa Ingles noong 2021. Umikot muli ang maling babala sa FB nitong Marso at Mayo 2023 sa Filipino.) 

Habang dumaranas ng matinding tag-init ang Pilipinas ngayong buwan, kumalat ulit ang dalawang taon nang Facebook (FB) post na nagbababala sa pag-inom ng nagyeyelong tubig kapag tag-init, dahil magdudulot daw ito ng pagputok ng mga ugat ng dugo (blood vessels). Mali ito.

Hindi pumuputok ang mga ugat ng dugo kapag ito ay na-expose sa lamig, ayon sa neurologist at dating pangulo ng Philippine Neurological Association na si Jose Paciano Reyes, na nakausap sa email ng VERA Files Fact Check noong May 2021.

Kabaliktaran pa nga ang nangyayari: “Ang tugon ng katawan sa pagkaka-expose sa lamig ay paghihigpit (constrict) ng ugat ng dugo sa balat para makapagpanatili ng init,” sabi ni Reyes.

Ang maling babala, na ni-repost ng FB page ng local gym na Fusion Fitness mula sa hindi malamang source noong April 2019, ay nagbabala rin sa paghihilamos at paghuhugas ng kamay o paa gamit ang malamig na tubig kapag tag-init dahil nabibigla raw nito ang katawan. 

Nirekomenda rin ng FB post na kapag galing initan, maghintay muna ng 30 minuto para mapalamig ang katawan at makapag-adjust sa temperatura sa loob ng bahay. Nag-abiso rin ito na uminom na lang ng maligamgam na tubig. 

Sinabi ng neurologist na si Reyes: Kapag ang katawan ay biglang nababad sa malamig na tubig, puwede nga itong magdulot ng “cold shock” kung saan may biglang pagkawala ng kontrol sa paghinga, paghigpit ng ugat ng dugo, at pagtaas ng blood pressure.

Pero ang pag-inom o pagligo ng malamig na tubig ay kadalasan hindi problema para sa malulusog na tao, dagdag niya. May mga benepisyo pa nga ito sabi ni Reyes, gaya ng pagpapalamig ng katawan, pag-iwas sa overheating at pagbawas ng pamamaga.

Nagbabala ang neurologist na ang madalas na pag-inom at pagligo ng malamig na tubig ay puwedeng makasama sa mga may sakit sa puso. Sa mga taong susceptible sa sakit sa puso, ang pagtaas ng blood pressure at pagbilis ng tibok ng puso ay puwedeng magdulot ng atake sa puso at stroke. 

Ang babala sa pag-inom at pagligo ng malamig na tubig ay pinasinungalingan din ng ABS-CBN at The Quint noong 2019.

Ang post na may maling impormasyon ay nagkaroon ng 58,000 shares, 13,000 reactions, at 9,900 comments.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.