Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Mga textbook na humihirang kay Jose Rizal bilang pambansang bayani nangangailangan ng konteksto

Ginugunita ngayon ng bansa ang National Heroes’ Day upang alalahanin ang "lahat ng mga bayaning Pilipino na matapang na hinarap ang kamatayan o pag-uusig para sa tahanan, bansa, katarungan, at kalayaan."

By VERA Files

Aug 26, 2019

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ginugunita ngayon ng bansa ang National Heroes’ Day upang alalahanin ang “lahat ng mga bayaning Pilipino na matapang na hinarap ang kamatayan o pag-uusig para sa tahanan, bansa, katarungan, at kalayaan.”

Ang pinakatanyag sa mga ito ay si Jose Rizal, na malawak na itinuturing ng maraming Pilipino bilang pambansang bayani ng bansa.

Ngunit taliwas sa paniniwalang ito, sinabi ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na ang bansa ay walang “opisyal” na pambansang bayani.

PAHAYAG

Halimbawa, isang libro sa Filipino para sa Grade 5 na inirekomenda ng Department of Education (DepEd) ay naglalarawan kay Rizal bilang “pambansang bayani” sa pambungad na talata para sa kuwentong “Ang Munting Gamugamo”:

“Si Donya Teodora ang nagsilbing unang guro ng kaniyang anak, ang ating pambansang bayani na si Dr. José Rizal.”

Pinagmulan: Agarrado, P., Francia, M., Guerrero, P. III, Gojo Cruz, G. (2016). Alab Filipino, Quezon City: Vibal Group, Inc., p. 63

Isang materyal na pang high school tungkol sa nobela ni Rizal na El Filibusterismo, na ginamit sa isang pribadong paaralan sa Quezon City, ay tumukoy din kay Rizal bilang “ating pambansang bayani.”

Ganoon din, ang isang talambuhay ni Rizal, na ginamit bilang sanggunian sa kurso sa University of the Philippines na PI 100 o Rizal, ay inilarawan bilang isang “klasikong talambuhay ng Pambansang Bayani ng Pilipinas.”

ANG KATOTOHANAN

Ang Pilipinas ay walang opisyal na pambansang bayani dahil walang “batas, executive order o proklamasyon” na ginawang opisyal at malinaw na ipinahayag ang sinumang makasaysayang Pilipinong personalidad tulad nito, ayon sa NCCA, ang ahensyang inatasan na pangalagaan ang pamana ng kultura sa bansa.

Gayunpaman, ang Republic Act (RA) 1425, ang batas na nag-uutos na ituro ang buhay at gawa ni Rizal sa lahat ng pampubliko at pribadong mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad, ay tinukoy sa siya bilang “pambansang bayani at makabayan.”

Sa isang explainer noong 2015, sinabi ng NCCA bagamat walang batas na malinaw na nagpapahayag sa kanya bilang pambansang bayani, si Rizal at ilang iba pang mga personalidad, tulad ni Andres Bonifacio, ay “ipinahihiwatig na kinikilala” bilang mga pambansang bayani.

Sa isang email na may petsang Agosto 23, sinabi ni Chief History Researcher Alvin Alcid ng National Historical Commision of the Philippines (NHCP), isang ahensya sa ilalim ng NCCA na responsable sa pagtukoy ng “lahat ng mga bagay na makatotohanang nauugnay sa opisyal na kasaysayan ng Pilipinas”:

[W]e are used to calling [Rizal] our national hero despite any legislation, which for us at the NHCP is a better recognition[,] because it means that the Filipinos have recognized him even without forcing it to us by legislation

(Nasanay tayo na tawagin si [Rizal] na ating pambansang bayani sa kabila ng anumang batas, na para sa atin sa NHCP ay isang mas mahusay na pagkilala [,] sapagkat nangangahulugan ito na kinilala siya ng mga Pilipino kahit na hindi pinilit ito sa atin ng batas).”

Idinagdag niya:

“…an official declaration only formalizes it, but the Filipinos have already recognized him as such by ACCLAMATION. We can call him our national hero just like we can call other important historical figures as national heroes because they sacrificed their lives to enjoy the freedom we have now

(…ang isang opisyal na deklarasyon ay ginagawa lamang ito pormal, ngunit kinilala na siya ng mga Pilipino na ganoon sa pamamagitan ng PAGBUBUNYI. Tinatawag natin siyang pambansang bayani tulad ng pagtawag natin sa iba pang makasaysayang personalidad bilang pambansang bayani sapagkat sinakripisyo nila ang kanilang buhay upang tamasahin ang kalayaan na mayroon tayo ngayon). “

Noong 2016, ang House Bill 2762 ay isinampa sa House of Representatives upang opisyal na ipahayag sina Rizal at Bonifacio bilang mga pambansang bayani, ngunit ang panukalang batas ay naburo sa Basic Education and Culture Committee hanggang sa ika-17 Kongreso na natapos noong ika-4 ng Hunyo.

Noong 1993, nilikha ni Pangulong Fidel V. Ramos ang National Heroes Committee (NHC) upang “pag-aralan, suriin at irekomenda” ang mga Pilipinong personalidad na nakakatugon sa pamantayan ng isang pambansang bayani:

  • may konsepto ng bansa at hangarin at pakikibaka para sa kalayaan ng bansa;
  • tumutukoy at nag-aambag sa isang sistema o buhay ng kalayaan at kaayusan para sa isang bansa; at
  • nag-aambag sa kalidad ng buhay at kapalaran ng isang bansa.

Noong 1995, ang komite ay nagdagdag ng tatlo pang “pamantayan para sa mga bayani” sa mga pagtatalakay nito:

  • dapat maging bahagi ng pagpapahayag ng mga tao;
  • iniisip ang hinaharap, lalo na ang mga susunod na henerasyon; at
  • ang pagpipilian ay dapat na kasangkot hindi lamang ang pag-uulat ng isang partikular na yugto o mga kaganapan sa kasaysayan, kundi ng “buong proseso na siyang gumawa sa partikular na tao na maging isang bayani.”

Sa parehong taon, ang NHC ay nakabuo ng listahan ng siyam na personalidad na tumutugon sa panukala, kasama si Rizal, ngunit ang rekomendasyon nito ay hindi kailanman nabigyan pansin. Sinabi ng NCCA na “siguro” ito ay dahil maaaring maging mitsa ng “pagbaha ng mga kahilingan” para sa mga proklamasyon o “mapait na debate” na kinasasangkutan ng mga makasaysayang kontrobersya tungkol sa mga bayani.

Binuwag ang NHC matapos nitong isumite ang mga rekomendasyon, at, mula noon, “wala nang mga paggalaw sa bahagi ng Executive Department, o nakatanggap ang NHCP ng anumang mga kahilingan, upang ipagpatuloy ang pagpili ng mga pambansang bayani,” sabi ni Alcid.

Sa isang panayam ng media noong 2014, ang noo’y DepEd assistant secretary (na ngayon undersecretary for legislative affairs) Tonisito Umali ay nagsabi na ang departamento ay “tinitingnan” ang nasabing mga rekomendasyon at kahit na wala sa mga inirekomendang personalidad na naiproklamang pambansang bayani, “ang kanilang buhay bilang mga halimbawa at magagandang modelo para sa mga mag-aaral ay tinatalakay sa silid-aralan.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Is Ninoy Aquino a national hero?)

BACKSTORY

Noong 1901, wala pang limang taon pagkatapos siyang patayin sa pamamagitan ng firing squad noong Dis. 30, 1896, si Rizal ay naging “Pambansang Bayani ng Pilipinas” sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan ng U.S. ni Civil Governor William Howard Taft “mayroon o wala mang lehislatura, Pilipino o dayuhan, na nagpahayag sa kanya ng ganoon.”

Binigyan ng mga Amerikanong mananakop si Rizal ng titulo para “makuha ang simpatya ng mga Pilipino, at kumbinsihin na sila ay mga maka-Pilipino higit pa sa mga Espanyol” upang sila ay “mapa-ayon” sa bagong pamahalaan, ayon sa isang artikulo ng NHCP noong 2012.

Ang Taft Commission, ayon sa NCCA, ay pinarangalan si Rizal bilang “pinakadakilang bayani at martir” ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan ng pampulitika-militar na distrito ng Morong sa Lalawigan ng Rizal na ipag-utos sa Act No. 137 noong Hunyo 11, 1901.

Noong Setyembre ng parehong taon, ang komisyon ay pinarangalan si Rizal sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang bantayog sa Luneta, na tinatawag ngayon na Rizal Park. Ang bantayog, na itinayo sa pamamagitan ng Act No. 243 upang gunitain ang kanyang alaala, ay pinaglalagakan din ang kanyang mga labi.

Noong 1902, ang Philippine Commission ay naglabas ng Act No. 345 na opisyal na ginagawa ang Disyembre 30 – pinasiyahan ni Gen. Emilio Aguinaldo noong 1898 bilang isang “pambansang araw ng pagdadalamhati” para kay Rizal at “iba pang mga biktima ng pamahalaang Espanya – na isang piyesta opisyal na tinawag na Rizal Day.

Ang reputasyon ni Rizal bilang “pambansang bayani” ay lalo pang pinatibay nang maisabatas ang RA 1425 noong 1956, na iniutos ang pagtuturo tungkol sa kanyang buhay, mga sulat at gawa sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.

 

Mga Pinagmulan

Agarrado, P., Francia, M., Guerrero, P. III, and Gojo Cruz, G. (2016). Alab Filipino, Quezon City: Vibal Group, Inc., p. 63

Liwanag, E., Badua, Z., Aranzaso, R. (2011). Alab ng Lahi: El Filibusterismo ni Dr. José Rizal, Quezon City: Vibal Group, Inc., p. iii

Zaide, G. and Zaide, S. (1997). Jose Rizal: Life, Works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and National Hero, Quezon City: ALL NATIONS Publishing Co., Inc., Retrieved Aug. 26, 2019 from Jose Rizal Book by Zaide 2nd Ed

National Commission for Culture and the Arts, Selection And Proclamation Of National Heroes And Laws Honoring Filipino Historical Figures, May 18, 2015

Official Gazette, Republic Act No. 1425

Senate of the Philippines, Republic Act No. 10086

House of Representatives, House Bill 2762, Aug. 9, 2016

Official Gazette, Executive Order No. 75

ABS-CBN News, Bandila: Dr. Jose Rizal is not our official national hero?, June 12, 2014

National Historical Commission of the Philippines, HISTORICAL CONTEXT AND LEGAL BASIS OF RIZAL DAY AND OTHER MEMORIALS IN HONOR OF JOSE RIZAL, Sept. 19, 2012

Official Gazette, The Centenary of the Rizal Monument

National Parks and Development Committee, Rizal Monument

Official Gazette, THE 1987 CONSTITUTION OF THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES – ARTICLE XIV

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.