Mahigit dalawang linggo matapos ipahayag ang kanyang pagbibitiw bilang executive secretary, binago ng abogadong si Victor Rodriguez ang kanyang pahayag na magpapatuloy siya sa pagsisilbi sa bansa bilang presidential chief of staff.
PAHAYAG
Noong Oktubre 5, nag-post si Rodriguez ng pahayag sa Facebook na nagpapatunay sa sinabi ng kanyang kahalili, si Lucas Bersamin, sa mga mamamahayag noong nakaraang araw na hindi na siya bahagi ng administrasyong Marcos:
“Kinukumpirma ko na ako ay ganap nang umalis sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos pagkatapos ng mahabang pakikipag-usap sa kanya tungkol sa aking kagustuhan na gugulin ang karamihan ng aking oras sa aking pamilya … isang napaka-personal na desisyon na masaya kong ginawa.”
Pinagmulan: Atty. Vic Rodriguez Facebook account, I confirm that I have…, Oktubre 5, 2022
ANG KATOTOHANAN
Nang ipahayag ni Rodriguez noong Setyembre 17 na humingi siya ng pahintulot na bumaba bilang executive secretary, sinabi niya na “patuloy siyang maglilingkod [sa mga tao] at sa bansa bilang presidential chief of staff.”
Sa parehong araw, naglabas ng pahayag ang press secretary noon na si Trixie Cruz-Angeles na nagkukumpirma na habang nagbitiw si Rodriguez, siya ay “hinirang bilang presidential chief of staff.”
Sinabi ni Cruz-Angeles na ang bagong posisyon ni Rodriguez ay nilikha sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 1 na “pinirmahan ni Marcos noong katapusan ng linggo.”
Sinabi niya na ang Office of the Presidential Chief of Staff (OPCOS) ay mapapasailalim sa direktang pangangasiwa ng pangulo at magkakaroon ng “pangunahing tungkulin na pangasiwaan at tiyakin na mahusay at tumutugon sa pang-araw-araw na suporta sa pagpapatakbo sa panguluhan para nakatutok ang Pangulo sa mga estratehikong pambansang alalahanin.”
Ngunit noong Oktubre 4, sinabi ni Bersamin na hindi kailanman nagkaroon ng AO No. 1 na “pinirmahan noong katapusan ng linggo” ni Marcos.
“Kapag mayroon talaga niyan, mayroon na rin kayong kopya pero wala kayong nakikita kaya bahala kayong maghinuha kung nagtatago kami o hindi,” sinabi ni Bersamin sa mga mamamahayag.
Pagkatapos ay hiniling niya sa mga mamamahayag na huwag “nang dagdagan ang isyu” at igalang ang privacy ni Rodriguez.
BACKSTORY
Noong Agosto, nasangkot sa kontrobersiya si Rodriguez sa umano’y hindi awtorisadong order para sa pag-aangkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sinabi ni Cruz-Angeles na si Rodriguez ang “nagbigay ng utos na gumawa ng plano sa pag-aangkat,” ngunit kalaunan ay ipinagtanggol niya ang dating executive secretary at sinabing wala siyang kinalaman sa hindi awtorisadong plano na mag-import ng asukal.
Noong Setyembre 8, inabsuwelto si Rodriguez ng mga komite ng Senate blue ribbon at agriculture, food and agrarian reform sa anumang responsibilidad sa isyu ngunit inirekomenda ang pagsasampa ng mga kriminal at administratibong reklamo laban sa apat na dating miyembro ng SRA board na pumirma sa nabigong importation order.
Ang minority bloc sa Senado, gayunpaman, ay nagsumite ng isang hiwalay na ulat na hindi sumasang-ayon sa majority at sinabi na si Rodriguez ay “hindi ganap na walang kasalanan” sa sugar fiasco.
“Siya ang pangunahing tao na nagpoprotekta sa principal, nagpoprotekta sa pangulo. Nagkulang siya dahil lumalabas na hindi niya agad at kumpletong ipinaalam sa presidente ang progreso nitong prosesong ito na humantong sa Sugar Order No. 4,” sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa press briefing noong Setyembre 13.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Atty. Vic Rodriguez’s Facebook page, I have asked permission…, Setyembre 17, 2022
Atty. Vic Rodriguez’s Facebook page, I confirm that I have…, Oktubre 5, 2022
Press Secretary Trixie Cruz-Angeles’ Facebook page, Office of the Press Secretary…, Setyembre 17, 2022
Itinanggi ni Lucas Bersamin na mayroong Administrative Order No. 1
- ABS-CBN News, Bersamin denies admin order naming Vic Rodriguez as Marcos’ chief of staff, Oktubre 4, 2022
- Inquirer.net, Vic Rodriguez no longer part of Bongbong Marcos admin, says new ES, Oktubre 4, 2022
- CNN Philippines, Vic Rodriguez no longer part of Marcos Cabinet, says new ES, Oktubre 4, 2022
Office of the Press Secretary, Press Briefing of Press Secretary Trixie Cruz-Angeles New Executive Building, Malacañang August 11, 2022, Agosto 11, 2022
Radyo Pilipinas, Radyo Pilipinas Live, Agosto 13, 2022
Senate of the Philippines official website, Committee Report No. 3 (19th Congress), Setyembre 8, 2022
Senate of the Philippines Facebook page, Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III and Sen. Risa Hontiveros Press Briefing | September 13, 2022, Setyembre 13, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)