Walang basehan ang pahayag ng nagpakilalang dating komunistang rebelde na si Alvin Turero na ang mga mag-aaral mula sa University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay hindi makapagtatapos sa kani-kanilang mga unibersidad kung hindi sila sumali sa mga rally.
PAHAYAG
Sa pagdinig noong Agosto 14 ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs — na nagtipon para talakayin ang nawawalang mga estudyante na sinasabing hinikayat na sumama sa mga maka-Kaliwang grupo — sinagot ni Turero ang tanong ni Senador Christopher “Bong” Go kung paano nakukumbinsi ang mga menor de edad na sumali sa maka-Kaliwang kilusan.
Sinabi ni Turero na sinasamantala nila ang pangarap ng mga menor de edad at kanilang mga magulang na makapasok sa UP o PUP sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga scholarship. Ito ang isang paraan para maakit sila sa pagsali sa mga samahan tulad ng League of Filipino Students (LFS) at Kabataan Partylist at sa mga pagpapakilos at rally. Idinagdag din ni Turero:
“Sa UP kasi tsaka sa PUP, hindi pupuwede diyan na grumaduate nang ‘di ka sasama sa rally.”
Pinagmulan: Senate of the Philippines, Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Agosto 14, 2019, panoorin mula 1:13:24 hanggang 1:13:34
Ang pahayag na ito ay naging quote card nang sumunod na araw, nai-post sa Facebook (FB) page na Huwag Tularan. Ito ay muling nai-post ng 19 iba pang mga FB page at grupo, at maaaring umabot sa higit sa kalahating milyong mga gumagamit ng social media. Ang mga pinaka-nauugnay na mga komento sa post ay mula sa mga netizen na nagsabing sila ay mga graduate ng PUP ngunit hindi kailanman dumalo sa anumang rally sa unibersidad noong sila ay nag-aaral pa.
ANG KATOTOHANAN
Ang opisyal na mga kinakailangan sa pagtatapos sa UP at PUP ay walang binabanggit tungkol sa pagsali sa mga rally bilang isang paunang kinakailangan sa pagtatapos.
Ang mga sumusunod na probisyon mula sa Chapter 64 ng Revised Code of the University of the Philippines ay nagtakda ng mga kinakailangan ng isang mag-aaral para maging karapat-dapat sa pagtatapos:
- Ang mga mag-aaral na magtatapos ay dapat magsumite ng isang pormal na aplikasyon para sa pagtatapos sa kanilang College Dean;
- Ang mga kandidato para sa pagtatapos ay dapat ayusin ang kanilang mga kakulangan at ayusin ang kanilang mga rekord nang hindi lalampas sa limang linggo bago matapos ang semestre;
- Ang isang mag-aaral ay hindi makakapagtapos sa Unibersidad maliban kung natapos ang isang taon na residency (napapailalim sa extension kung kinakailangan) na dapat gawin kaagad bago ang graduation; at
- Ang mga kandidato para sa pagtatapos ay dapat magbayad ng kinakailangang graduation fee sa loob ng panahon na itinakda ng University Registrar.
Samantala, ang PUP ay may limang mga kailangan para sa mga mag-aaral upang maging kwalipikado para sa pagtatapos:
- Ang isang kandidato para sa pagtatapos ay dapat mag-file ng kanilang aplikasyon para sa pagtatapos sa University Registrar’s Office sa pagsisimula ng huling semestre;
- Ang isang mag-aaral ay dapat irekomenda para sa pagtatapos kapag natapos nito ang lahat ng mga pang-akademiko at iba pang mga kinakailangan na iniaatas ng Unibersidad;
- Walang mag-aaral na papayagan na makapagtapos sa Unibersidad maliban kung nagawa na nila roon ang higit sa limampung porsyento (50%) ng mga yunit na pang-akademikong kinakailangan sa kanilang kurikulum;
- Ang isang kandidato para sa pagtatapos ay dapat napunuan na ang kanilang mga kakulangan at nalinis ang kanilang rekord nang hindi lalampas sa dalawang linggo bago matapos ang semestre; at
- Walang mag-aaral ang bibigyan ng diploma at transcript of records maliban kung naayos na ang lahat ng mga pananagutan.
Sinabi ni PUP President Emanuel de Guzman, na naroroon sa pagdinig, na ang administrasyon ng paaralan ay sinusubaybayan at nagbibigay ng mga babala sa mga propesor na nagpapahintulot sa kanilang mga estudyante na pumunta sa mga rally sa halip na pumapasok sa klase.
Sinabi ni Turero na siya ay unang nahikayat ng Kabataang Makabayan at Kabataan Partylist. Siya kalaunan ay naging isang organizer ng partylist mismo, at naging secretary-general ng Anakpawis Laguna. Sinabi niyang siya ay nahuli ng mga awtoridad matapos na matalo sa militar ang kanyang armadong grupo sa isang engkwentro noong 2012.
Gayunpaman, itinanggi ng Kabataan Partylist ang pahayag ni Turero na siya ay dating miyembro ng kanilang grupo. “We don’t know any person named as such. It is absurd to say that PUP and UP required [sic] students to join rallies to be able to graduate. We do know that UP and PUP and many other schools foster critical thinking and encourage students to participate in nation building and genuine societal change (Wala kaming kilalang sinumang tao na may ganyang pangalanan. Hindi makatuwirang sabihin na ang PUP at UP ay pinipilit ang mga mag-aaral na sumali sa mga rally para makapagtapos. Alam natin na ang UP at PUP at maraming iba pang mga paaralan ay pinagiibayo ang kritikal na pag-iisip at hinihikayat ang mga mag-aaral na lumahok sa pagpapalakas ng bansa at tunay na pagbabago ng lipunan),” sabi ng Kabataan Partylist sa isang text message na ipinadala sa VERA Files.
Wala pang sagot ang Anakpawis sa pagtatanong ng VERA Files tungkol kay Turero bilang kanilang dating secretary-general.
Si Turero, pati na rin sina Agnes Reano, Nancy Dologuin, at alyas ‘Alem’ — lahat nagpakilalang dating recruiter at recruit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) — ay inanyayahan sa pagdinig bilang mga saksi ng mga umano’y panghihikayat na ginawa ng mga maka-Kaliwang grupo sa mga menor de edad na sumapi sa armadong rebeldeng komunista. Ang apat ay ipinasailalim sa legislative immunity ng komite ng senado, na nagbigay sa kanila ng immunity sa mga kasong kriminal na maaaring maging resulta ng kanilang mga testimonya sa pagdinig.
Ang viral post na inilathala ng FB page na Huwag Tularan tungkol sa walang batayang pahayag ni Turero ay nakaabot din sa mga gumagamit ng Twitter at Reddit.
Ang post ay tinukoy ng Facebook bilang maaaring mali sa pamamagitan ng platform nito para sa mga third-party fact-checker. (Tingnan: VERA FILES FACT SHEET: Facebook’s third-party fact-checking program in PH explained)
Mga Pinagmulan
Kabataan Partylist, personal correspondence, August 26, 2019
Polytechnic University of the Philippines, Graduation Requirements, Accessed August 22, 2019
Senate of the Philippines, Committee on Public Order and Dangerous Drugs, August 14, 2019
University of the Philippines, Graduation Requirements, Accessed August 22, 2019
University of the Philippines, The Revised Code of the University of the Philippines, January 9, 1961
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)