Mali si Senador Imee Marcos sa pagsasabi na ang “tanging” panukalang isinampa sa Kongreso na naglalayong opisyal na ipahayag si Jose Rizal na isang “pambansang bayani” ay ginawa ng dating kinatawan ng Bohol 1st District at ngayon Vice Governor Rene Relampagos noong 2014.
PAHAYAG
Sa kanyang press release noong Agosto 26 para sa National Heroes’ Day, sinabi ni Marcos na ang Pilipinas ay “hindi kailanman” opisyal na nagdeklara ng isang pambansang bayani “kahit na itinuturo sa elementarya pa lang na ang mga tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ay kabilang sa kanila.”
Pagkatapos sinabi sa kanyang pahayag:
“The only bill that sought to proclaim a national hero was filed by Bohol congressman Rene Relampagos back in 2014, urging the government to declare the reformist writer Jose Rizal as such, who advocated, fought, and died for Philippine reforms during the Spanish colonial era
(Ang nag-iisang panukalang batas na naghangad na magproklama ng isang pambansang bayani ay isinampa ni Bohol congressman Rene Relampagos noong 2014, na hinihimok ang pamahalaan na ipahayag ang repormistang manunulat na si Jose Rizal na ganoon, na siyang nagsulong, lumaban, at namatay para sa mga reporma sa Pilipinas sa kolonyal na panahon ng Espanya).”Pinagmulan: Imee Marcos opisyal Facebook Page, MARCOS: WHERE HAVE ALL OUR HEROES GONE?, Agosto 27, 2019
ANG KATOTOHANAN
Mali si Marcos; hindi bababa sa dalawang iba pang mga panukalang batas ang inihain sa House of Representatives na nagmungkahing opisyal na ideklara si Rizal na pambansang bayani.
Isinampa noong 2014 sa ika-16 Kongreso, ang Relampagos’ House Bill 3926 ay naghahangad na “ilatag ang batayan para sa pagpapahayag at pagkilala sa mga pambansang simbolo ng Pilipinas” at “itama” ang mga “hindi opisyal’ o hayagang, mga ‘colorum'” na itinuturo sa mga paaralan. Kaya, iminungkahi niya na, bukod sa iba pa, ipahayag ang Philippine eagle bilang pambansang ibon, Adobo bilang pambansang pagkain, at si Rizal bilang pambansang bayani.
Ang iba pang mga panukala na naglalayong ipahayag si Rizal na pambansang bayani ay ang House Bills 3483 at 2762 na hiwalay na isinampa ni Caloocan Second District Rep. Edgar Erice sa ika-16 at ika-17 Kongreso. Nais ng mga panukalang batas na gawing opisyal na mga pambansang bayani ng Pilipinas sina Rizal at Bonifacio para “itama [ang] ligal na pagkakaligta” dahil “wala pa ring batas o pahayag mula sa ehekutibo na [sila] o sinumang makasaysayang personalidad” bilang isa [bayani].
Ang parehong mga panukalang batas ni Erice, gayunpaman, ay hindi lumagpas sa kani-kanilang mga komite, ayon sa mga rekord ng lehislatura. Ang HB 3483 ay nanatiling nakatenga sa Committee on Revision of Laws mula pa noong 2014 at muling isinumite noong 2016 bilang HB 2762 sa Committee on Basic Education and Culture kung saan ito nanatili hanggang natapos ang ika-17 Kongreso.
Habang ang bansa ay walang “opisyal” pambansang bayani na ipinahayag ng batas, sinabi ng National Commission on Culture and the Arts na kapwa sina Rizal at Bonifacio ay “ipinahiwatig na kinikilala” [na pambansang bayani]. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: School textbooks enshrine Jose Rizal as national hero needs context)
Sa isang pakikipanayam sa VERA Files noong 2018 (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Is Ninoy Aquino a national hero?), ang National Historical Commission ng Pilipinas, na responsable sa pagtukoy ng “lahat ng mga makatotohanang bagay na nauugnay sa opisyal na kasaysayan ng Pilipinas” ay nagsabing:
“The official position of the NHCP is that heroes are not legislated, they are made by public acclaim
(Ang opisyal na posisyon ng NHCP ay ang mga bayani ay hindi isinasabatas, sila natutukoy dahil sa pagkilala ng publiko).”
Mga Pinagmulan
Imee Marcos official Facebook Page, MARCOS: WHERE HAVE ALL OUR HEROES GONE?, August 27, 2019
House of Representatives, House Bill 3926
House of Representatives, House Bill 3483
House of Representatives, House Bill 2762
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)