Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pagbibigay ni Imee Marcos ng kredito sa nutribun kay Marcos Sr. kailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Pinasimulan ni Ferdinand Marcos Sr. ang Nutribun Feeding Project noong 1970s.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Ang Nutribun feeding program ay dinebelop mula 1968 hanggang 1970 ng United States Agency for International Development (USAID) upang labanan ang malnutrisyon ng bata sa Pilipinas at magsilbing emergency na pagkain sa panahon ng mga sakuna. Ang administrasyong Marcos Sr. ay responsable sa pamamahagi nito sa mga mag-aaral.

By VERA Files

Sep 15, 2022

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang press release noong Setyembre 11, sinabi ni Sen. Imee Marcos na ang Nutribun project ay pinasimulan ng kaniyang ama, ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Inihayag sa press release ang plano ng senador na buhayin ang Nutribun project noong 1970s. Ang maling pahayag ay inilathala rin ng Manila Bulletin sa isang artikulo tungkol sa paglulunsad.

Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sinabi sa pahayag ng senador:

“Ito’y kasabay na rin ng pagdiriwang nitong nagdaang Linggo ng ika-105 na kaarawan ng kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nagpasimuno sa Nutribun Feeding Program noong dekada ’70 na maraming bansot na bata ang lumusog.

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines official website, Imee: “Undernourished” Feeding Program must be revived, Setyembre 11, 2022

Noong Setyembre 12, isang araw pagkatapos maipakalat ang pahayag ni Marcos, isinulat ng Manila Bulletin:

“Sinimulan na ni Senador Imee Marcos ang muling pagbabalik ng Nutribun Feeding Program ng kaniiyang yumaong ama, si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., na may babala na ang mga programa sa nutrisyon ng gobyerno sa kasalukuyan ay ‘undernourished at hindi makakayang sagutin ang nagbabantang krisis sa pagkain sa buong mundo’. ”

 

Pinagmulan: Manila Bulletin, Imee revives Marcos Sr.’s Nutribun Feeding Program, Setyembre 12, 2022

ANG KATOTOHANAN

Ang Nutribun feeding program ay dinebelop mula 1968 hanggang 1970 ng United States Agency for International Development (USAID) upang labanan ang malnutrisyon ng mga bata sa Pilipinas at magsilbing emergency na pagkain sa panahon ng mga sakuna. “Ang USAID Nutrition ay responsable para sa pagbuo ng formula upang bigyang-katwiran ang pangangailangan ng masustansyang meryenda,” sabi ng ahensya sa isang ulat noong 1979.

Ang Nutribun mismo ay kahawig ng burger bun, mas siksik lang. Una itong ginawa mula sa mga donasyong sangkap ng USAID tulad ng corn soy blend bago lumipat ang programa sa paggamit ng mas maraming locally sourced na sangkap tulad ng coconut flour, mongo bean flour, banana flour o dried fish powder.

Ang parehong ulat ay nagsabi na ang gobyerno ng Pilipinas ay lumahok sa proyekto sa pamamagitan ng pagluluto ng Nutribuns gamit ang “lokal at mga donasyong sangkap.” Ipinamahagi ng mga lokal na panaderya ang mga tinapay sa mga paaralan, na nag-reimburse sa kanilang mga gastos. Ang mga bata ay hiniling — ngunit pinilit — na magbayad ng 5-10 centavos para sa Nutribun.

Gayunpaman, isinulat ni dating USAID media advisor Nancy Damman sa kaniyang memoir noong 2003 na ang mga Nutribun packs ay “tinatakan ng slogan na ‘Courtesy of Imelda Marcos -Tulungan project’.”

Bago nito, sinabi ni Imee Marcos na walang batang nagutom sa panahon ng rehimen ng kaniyang ama dahil sa Nutribun. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Hindi totoo ang sinabi ni Imee Marcos na walang batang nagutom sa panahon ng pamumuno ng kanyang ama dahil sa Nutribun)

Ang Nutribun ay paulit-ulit na paksa ng misinformation sa social media. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Nutribun NOT a Marcos project)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines official website, Imee: “Undernourished” Feeding Program must be revived, Setyembre 11, 2022

Virginia Polytechnic Institute and State University, Nutrition and Related Services Provided to the Republic of the Philippines, Setyembre 1979

Nancy Damman, My 17 Years with USAID: The Good and the Bad, 2003

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.