Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Hindi totoo ang sinabi ni Imee Marcos na walang batang nagutom sa panahon ng pamumuno ng kanyang ama dahil sa Nutribun

WHAT WAS CLAIMED

Walang batang nagutom noon dahil sagana sa Nutribun.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Natuklasan ng Operation Timbang ng Department of Health noong 1976 na 5.8% ng mga batang Pilipino ang dumanas ng protein-energy malnutrition anim na taon pagkatapos na unang ipamahagi ang Nutribun.

By VERA Files

Jun 13, 2022

-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Sen. Imee Marcos, nakatatandang kapatid ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na walang bata na nagutom sa 20-taong rehimen ng kanyang yumaong ama, si Ferdinand Marcos Sr., dahil sa Nutribun.

Hindi totoo ang pahayag ni Marcos.

PAHAYAG

Sa isang thanksgiving event para sa mga residente ng Brgy. Buhangin, Davao City, noong Hunyo 5, sinabi ng senador:

“Walang nagugutom na bata noon kay Nutribun ang sagana. Hindi mo pa maubos. At saka kakainin mo, andyan parang semento sa tiyan; may kasama pang tagaktak ng Klim (na) gatas. Ang mga lolas and mommies talagang fully charged hanggang ngayon dahil powered by Nutribun.”

 

Pinagmulan: Edna Gatchalian Encena personal Facebook account, IMEE MARCOS IS IN BUHANGIN DAVAO CITY (video), Hunyo 6, 2022, watch from 8:18 to 8:49

ANG KATOTOHANAN

Natuklasan ng Operation Timbang ng Department of Health noong 1976 na 5.8% ng mga batang Pilipino ang dumanas ng protein-energy malnutrition anim na taon matapos unang ipamahagi ang Nutribun. Ang protein-energy malnutrition ay nangangahulugan na ang mga bata ay hindi nakatanggap ng sapat na protina at kulang sa enerhiya na kailangan nila upang mapanatili ang mga physiological function.

Ang Nutribun ay isang uri ng tinapay na dinebelop ng United States Agency for International Development (USAID) at ipinamahagi noong 1970s hanggang 1997 upang labanan ang malnutrisyon sa mga bata sa Pilipinas at magsilbing pang-emergency na pagkain sa panahon ng kalamidad.

Ayon sa World Food Programme USA, ang gutom ay isang uri ng malnutrisyon. Idinagdag nito na ang malnutrisyon ay sumasaklaw sa iba’t ibang mga kakulangan na may kaugnayan sa diyeta tulad ng undernutrition, isang kondisyon kapag ang katawan ay hindi nakakatanggap ng minimum number of calories na kailangan upang maisagawa ang mga pangunahing gawain sa buhay tulad ng paghinga at sirkulasyon ng dugo.

Inilarawan ng United Nations International Children’s Emergency Fund sa ulat nitong “Seven Decades of Upholding the Rights of Filipino Children” noong 2018 ang taggutom sa Negros Occidental mula 1984 hanggang 1986 kung saan 140,000 bata ang dumanas ng second- at third-degree malnutrition.

 

 

Tinukoy ng isang pag-aaral noong 1979 ng United Nations (UN) University at ng International Rice Research Institute ang “uneven food distribution” bilang sanhi ng malnutrisyon sa Pilipinas. Binanggit nito ang 1974 Philippine Household Food Consumption Survey, na natuklasan na 25% lamang ng mga kabahayan sa Luzon ang nakakukuha ng sapat na enerhiya, habang 31% ay may sapat na protina sa kanilang diyeta.

Kinuha ng USAID ang administrasyong Marcos upang tumulong sa pagluluto at pamamahagi ng mga Nutribun sa mga benepisyaryo na tinukoy ng gobyerno. Sinabi ni Nancy Damman, dating media advisor ng USAID, sa kanyang memoir noong 2003 na ang mga Nutribun pack ay “tinatakan ng slogan na ‘Courtesy of Imelda Marcos -Tulungan project.'”

Ang Nutribun ay naging paksa ng disinformation sa social media kamakailan. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Nutribun NOT a Marcos project)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Pinagmulan

Edna Gatchalian Encena personal Facebook account, IMEE MARCOS IS IN BUHANGIN DAVAO CITY (video), June 6, 2022

Judith Jalop Saludes personal Facebook account, With senator imee marcos @ brgy buhangin gym  (video), June 5, 2022

Asec tv YouTube channel, Sen.Imee Marcos full speech at Davao City, Buhangin gym, intruduce by brgy capt. Gamad now, June 5, 2022

Inquirer.net, The muddled past of Nutribun, May 17, 2022

Philstar Life, Is Nutribun the brainchild of Ferdinand Marcos Sr.?, May 17, 2022

Rappler, Nutribun: Remember me?, Oct. 4, 2014

United Nations International Children’s Emergency Fund, UNICEF: Seven decades of upholding the rights of Filipino children, 2018

United Nations University and the International Rice Research Institute, Interfaces Between Agriculture, Nutrition, and Food Science, 1977

Nancy Damman, My 17 Years with USAID: The Good and the Bad, 2003

Virginia Polytechnic Institute and State University, Nutrition and Related Services Provided to the Republic of the Philippines, September 1979

World Food Program USA, What Causes Child Hunger and Malnutrition?, Aug. 11, 2021

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.