Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Imee Marcos mali ang pahayag na lider si Marcos Sr. ng guerilla unit noong WWII, ginawaran ng U.S. war medals

Sinabi ni Sen. Imee Marcos na ang kanyang ama, ang dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay ginawaran ng tatlong klase ng military decorations mula sa gobyerno ng United States (U.S.) para sa kanyang military service noong World War II. Hindi ito totoo.

By VERA Files

Apr 25, 2022

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Sen. Imee Marcos na ang kanyang ama, ang dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., ay ginawaran ng tatlong klase ng military decorations mula sa gobyerno ng United States (U.S.) para sa kanyang military service noong World War II. Hindi ito totoo.

Sinabi rin niya na pinamunuan ni Marcos Sr. ang isang guerilla unit na tinatawag na “Ang mga Maharlika”.

PAHAYAG

Bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan noong Abril 9, ang opisyal na FB page ng senador ay nag-post ng isang graphic na naglilista sa Ingles ng sumusunod na mga nagawa ng kanyang ama:

  • “Noong 1942, sa unang bahagi ng kanyang karera sa militar, siya (Marcos Sr.) ay nakakuha ng kanyang unang Silver Star na medalya at na-promote bilang first lieutenant dahil sa pamumuno sa engkwentro sa Mount Natib, isang matagumpay na pag-atake sa isang kampo ng mga Hapones.”
  • “Natanggap din niya ang Congressional Medal of Honor mula kay General Wainwright, na nag-promote sa kanya bilang kapitan, pagkatapos ng madiskarteng pagsira ng isa pang base ng Hapon sa Salian River.”
  • “Natanggap niya ang kanyang pangalawang Silver Star medal noong Abril 1945 dahil sa pagtatanggol sa Bessang Pass sa Kiangan, Mountain Province.”
  • “Natatangi sa mga parangal na ito ang Distinguished Service Cross na personal na ikinabit sa kanya ni General Douglas MacArthur bilang pagkilala sa kanyang partisipasyon sa pagtatanggol ng Bataan.”

Pinagmulan: Senator Imee R. Marcos official Facebook page, Mabuhay ang mga magigiting na Pilipinong…, Abril 9, 2022

Makalipas ang ilang minuto, ang graphic ay muling nai-post ng FB page na Jhonylucastv at may caption na dala rin ng FB post ng senador:

“Si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay isa sa kanila, sundalo at lider ng guerilla intelligence group na ‘Ang Mga Maharlika’.”

 

Pinagmulan: Facebook page Jhonylucastv, Mabuhay ang mga magigiting na Pilipinong…, Abril 9, 2022

Ang huling post ay umani ng 512 reactions, 16 comments, at 36 shares sa araw ng paglalathala. Ang post ng senador ay nakakuha ng kabuuang 30,900 interactions.

ANG KATOTOHANAN

Walang opisyal na rekord ang gobyerno ng U.S. na sumusuporta sa pahayag tungkol sa pagtanggap ni Marcos ng mga medalya mula sa U.S. Armed Forces. Ang mga pahayag tungkol sa gayong mga dekorasyong militar ay peke, ayon sa ulat noong 2016 ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Third World Studies Center (UP TWSC) ng Unibersidad ng Pilipinas, at isang istorya ng The Washington Post.

 

 

Sa U.S military decorations

Si Marcos Sr. ay wala sa listahan ng mga tumanggap ng U.S. Medal of Honor o Distinguished Service Cross (DSC).

Ipinapakita rin ng mga rekord ng U.S. Army na si Marcos ay hindi nakakuha ng DSC o anumang mga Silver Star medal, gaya ng nakasaad sa isang 1966 U.S. State Department telegram na sinipi sa 2016 NHCP report.

Ayon sa isang pagsisiyasat noong 1983 ng The Washington Post, isang 44-pahinang transcript ng militar na tinatawag na “History of the 21st Division” sa Institute of Military History sa Carlisle, Pennsylvania, ay walang binanggit tungkol kay Marcos na inirekomenda para sa Medal of Honor o pagtanggap ng DSC o Silver Star medal.

Ang Medal of Honor, DSC at Silver Star medals ay ang tatlong pinakamataas na military decorations sa U.S., batay sa pagkakasunod, ayon sa U.S. Department of Defense (DoD).

Lahat ng tatlong mga parangal ay ibinibigay sa mga sundalo na nagpakita ng isang gawain ng personal na katapangan o pagsasakripisyo ng sarili habang nakikibahagi sa isang aksyon laban sa isang kaaway ng United States o ng kalabang puwersang dayuhan.

Sa Bessang Pass, Maharlika guerrilla unit

Samantala, walang opisyal na mga account na sumusuporta sa sinasabing prominenteng papel ni Marcos sa Battle of Bessang Pass, paliwanag ng UP TWSC.

Ang Battle of Bessang Pass – na nangyari sa Cervantes, Ilocos Sur at hindi sa Kiangan, Mountain Province tulad ng nakasaad sa mga FB post – ay tumagal mula Enero 8, 1945 hanggang Hunyo 14, 1945, dagdag nito. (Basahin: File No. 60: Debunking the Marcos war myth)

Noong Mayo 1, 1945, sa pamamagitan ng pagsulat kay Colonel Russel Volckmann, commanding officer ng United States Army Forces in the Philippines – Northern Luzon, hiniling ni Marcos Sr. na ilipat sa Maynila sa kanyang Ang Mga Maharlika unit. Ang kahilingan ay tinanggihan makalipas ang limang araw, dahil ang unit ay hindi kinikilala ng U.S. Armed Forces, ayon sa UP TWSC at NHCP.

“[Ang organisasyon ni Marcos Sr.] ‘Ang Manga Maharlika [sic]’ ay hindi kabilang sa mga guerilla unit na kinikilala ng Higher [U.S. Army] headquarters. Samakatuwid, pinaniniwalaan na ang kanyang paglalakbay sa Maynila upang mag-ulat sa isang hindi kinikilalang organisasyong gerilya ay magiging walang saysay,” sulat ng chief of staff ni Volckmann, si Lt. Col. Parker Calvert, bilang tugon kay Marcos.

Isa pang opisyal ng militar ng Amerika ang talagang nagdududa sa status ng Ang Mga Maharlika guerilla group bilang isang organisasyon, nakasaad sa ulat ng NHCP.

Sumulat si Major R.G. Langham ng isang memorandum noong Mayo 31, 1945 na ang sinasabing grupo ng gerilya, na mayroong anim na opisyal at labingwalong enlisted men, ay inatasang “bantayan ang Regimental Supply Dump at magsagawa ng warehousing details.” Idinagdag niya na “hindi sila inirerekomenda para sa pagkilala dahil sa limitadong halaga ng kanilang mga tungkulin sa militar,” sinabi sa ulat ng NHCP.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

The United States Army, World War II (M – S Index), Full-Text Citations, accessed April 18, 2022

Military Awards for Valor – Top 3 | U.S. Department of Defense, Distinguished Service Cross Recipients, World War II, 1941-1945, accessed April 18, 2022

National Historical Commission of the Philippine | The Martial Law Chronicles Project, WHY FERDINAND E. MARCOS SHOULD NOT BE BURIED AT THE LIBINGAN NG MGA BAYANI, July 12, 2016

The Washington Post, The Marcos Mystery: Did the Philippine Leader Really Win the U.S. Medals for Valor? He Exploits Honors He May Not Have Earned, Dec. 18, 1983

Military Awards for Valor – Top 3 | U.S. Department of Defense, DESCRIPTION OF MEDALS, accessed April 20, 2022

U.S. Department of the Army, U.S. Department of Defense, 32 CFR Ch. V (7–1–00 Edition), accessed April 20, 2022

VERA Files, File No. 60: Debunking the Marcos war myth, July 4, 2016

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.