Sa silakbo ng kanyang emosyon sa isang pagtatanong sa Senado noong Sept. 5 sa pagpatay sa 17-taong-gulang na estudyante na si Kian Delos Santos, nagbigay ng maling pahayag si Public Attorney (PAO) Chief Persida Persida Acosta na hindi niya kailanman sinabi ang talagang sinabi niya dalawang araw lamang ang nakaraan.
Nauna sa pagbuhos ng mga luha ni Acosta ang komento, na ginawa ni Sen. Risa Hontiveros, 2 oras at 42 minuto sa ginawang imbestigasyon, ang buong video na nasa opisyal na Youtube account ng Senado.
Sa pagtugon kay Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa tungkol sa mga pagpatay kaugnay ng mga operasyong kontra droga, binanggit ni Hontiveros ang PAO at sinabing, “Paalala po sa lahat, kahit po yung PAO ay nakapagsabi na naging … ito ay isang pattern.”
ANG PAHAYAG
Pagkaraan ng sampung minuto, humiling si Acosta ng pagkakataon makapagsalita, at sinabing:
“Mawalang-galang na po kay Senator Risa Hontiveros, wala pong pahayag ang PAO na may pattern dito.”
Pinagkunan: Committee on Public Order and Dangerous Drugs hearing, Sept. 5, panuorin mula 2:53:41 to 2:53:48
Pagkatapos ay binanggit ng PAO Chief na walang polisiya ang gobyerno na nag-eendorso na patayin ng mga pulis ang mga inosenteng tao maliban kung ito ay self-defense.
Idinagdag niya:
“Ang sinasabi ko po, lilinawin ko lang Sir, kasi laging nababanggit ‘yung PAO ‘di naman ako nakakapagsalita. Yung similarity lang ng kaso ni Kian, saka ni Carl. Parehong teenager, parehong ang nanay OFW, parehong may munting tindahan sa kanilang harap ng tahanan, parehong maayos ang itsura at wala sa drug list ng barangay.”
Pinagkunan: Committee on Public Order and Dangerous Drugs hearing, Sept. 5, panuorin mula 2:54:44 to 2:55:05
FACT
Sa pagtugon kay Acosta, sinipi ni Hontiveros ang isang panayam sa PAO Chief sa DZMM noong Sept. 3.
Ang binasa ng senador mula sa isang cell phone ay tumutugma sa sinabi ni Acosta sa DZMM, na ang video ay na-upload online.
Sa pagtatalakay tungkol sa kaso ni Delos Santos at kamakailan lamang ng isa pang teenager na si Carl Angelo Arnaiz, sinabi talaga ni Acosta na mayroong pattern sa nangyayaring mga pagpatay.
Binanggit niya ang salitang “pattern” nang dalawang beses, sa unang pagkakataon tatlong minuto at 34 segundo pa lang ng panayam, upang ipakita na ang mga pagpatay ay ginawa sa loob lang ng ilang oras:
“Ang punto dito, buhay ito eh. Bakit ganito ‘yung pattern? May pagkakahalintulad kay Kian at magkasunod po halos ito, 16, 17, 18. Halos magkasunod lang din po. Oras lang din ang pagitan niyan kung bibilangin dyan sa dalawang iyan.”
Ginamit muli ni Acosta ang salitang pattern sa 7:24 ng video, nang banggitin niya ang pagkondena ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III sa mga pamamaslang.
“Si Secretary Aguirre po nababahala rin dito kay Carl at talagang nasabi niya rin po na kailangan masugpo yung mga ganitong gawain, dahil, pattern din po ‘iyan eh.”
Sa umpisa ng panayam, tinukoy ni Acosta ang tinatawag niyang “common denominators” sa mga kaso ni Delos Santos at Arnaiz: hindi nagkakalayo ang edad, may mga ina na nagtatrabaho sa ibang bansa, may sari-sari store malapit sa kanilang mga tahanan at pinatay sa Caloocan City.
Tungkol kay Arnaiz, sinabi niyang:
“At ito, nagtataka kami, taga-Cainta, bakit doon nakita ang bangkay doon sa Caloocan.”
Nagbigay din si Acosta ng impormasyon na hindi naman tinatanong ng host ng programa ng radyo na Noli de Castro, tulad ng pahayag ng pulis na ang CCTV camera sa lugar ay hindi gumagana noong panahon ng pagkamatay ni Arnaiz.
“So ang punto po doon, bakit kailangan bugbugin ‘tong bata ito? Tsaka barilin po ng ganito? Kung ito po ay suspected holdaper, edi sana pinosasan, dinala sa presinto, kinasuhan, in-inquest at may PAO naman tayo nag-iinquest duty magdamag?”
Sa pagtatapos ng panayam, sinabi ng PAO Chief na kailangan magkaroon ng paglilinis sa loob ng hanay ng mga pulis, at nanawagan na wakasan na ang mga pamamaslang.
“Sana po matigil na ito, Kabayan. Nababahala na po ang ating mga kababayan doon sa mga ganitong sitwasyon, doon sa mga anak na teenager.”
Mga pinagkunan:
Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Hearing, September 5, 2017
ABS-CBN News. Another Kian? PAO slams ‘pattern’ in death of 2 teens. September 3, 2017