Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Istorya nina Duterte at Imelda tungkol sa ginto ni Marcos magkasalungat

Ang pahayag ni Duterte tungkol sa mga bara ng ginto ni Marcos ay hindi tumutugma sa iba't ibang mga pahayag.

By VERA Files

Sep 7, 2017

5-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Nang ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 29 na siya ay nakipag-usap sa mga Marcos tungkol sa kanilang ilegal na yaman, hindi lamang niya sinorpresa ang bansa, kundi kinontra pa ang dalawang dekadang makulay, kahit na magkakasalungat, na mga kwento ni Imelda Marcos mismo, asawa ng namayapang diktador na si Ferdinand.

Ang pamilya Marcos kasama ang dating U.S. President Richard Nixon. Mula sa White House Photo Office

ANG PAHAYAG

Sa isang talumpati sa panunumpa ng mga bagong appointee, sinabi ni Duterte na ang pamilya ng namatay na diktador ay nagsabi na handa silang “buksan ang lahat, at maaaring ibalik iyong nakita lang.”

Idinagdag pa ng pangulo na sinabi sa kanya ng mga Marcos na gusto nilang tumulong sa kasalukuyang administrasyon na makayanan ang isang inaasahang malalaking kakulangan sa pang gastos ng pamahalaan sa taong ito, at kaya nais na ibalik ang “ilang bara ng ginto.”

Sinabi ni Duterte na sinabihan siya ng mga Marcos:

“Ngunit handa kami buksan at ibalik, sabi niya pati iyong ilang mga bara ng ginto. Hindi ganoon kalaki, hindi ito isang Fort Knox, ilan lang ang mga ito, subalit sabi nila isauli nila para walang ano.”

Pinagkunan: RTVMalacañang, Mass Oath-Taking of Presidential Appointees, Aug. 29, 2017, panuorin mula 4:35- 5:43

Sinabi rin ng pangulo na ang mga bara ng ginto ay kinuha umano ni Marcos mula sa mga kaha-de-yero ng bansa upang “protektahan ang ekonomiya ng bansa.”

BACKSTORY

Ang pahayag ni Duterte tungkol sa mga bara ng ginto ni Marcos ay hindi tumutugma sa iba’t ibang mga pahayag sa ilang panayam na naunang ibinigay ni dating first lady at kasalukuyang Ilocos Norte 2nd District Rep. Imelda Marcos.

Noong 1992, ilang buwan matapos bumalik sa Pilipinas mula sa Hawaii, si Imelda ay binanggit sa dalawang internasyonal na publikasyon, The Bulletin at United Press International, na nagsasabing ang ginto ay galing sa mga Hapon. Natagpuan ng namayapang diktador ang kayamanan ni Gen. Tomoyuki Yamashita na umano’y iniwang nakabaon sa bansa noong World War II, aniya.

Pagkalipas ng apat na taon, kinapanayam si Imelda sa programang British na “Ruby Wax meets …” kung saan sinabi niya na ang kanyang asawa ay may-ari na ng mga bareta ng ginto, bago pa siya pumasok sa pulitika. Ang mga bareta ng ginto, sabi niya, ay tinakpan ng tingga at itinago sa mga dingding ng kanilang bahay. Ang video ng interview/panayam sa nasa Youtube.

Noong Disyembre 1998, ang Philippine Daily Inquirer ay naglabas ng isang limang- bahaging espesyal na ulat batay sa mga matagalang panayam kay Gng. Marcos. Nagsalita siya tungkol sa kung paano ang pamilya Marcos ay ipinalalagay na “nagmamay-ari ng halos lahat ng bagay sa Pilipinas,” dahil sa kayamanan ng namayapang diktador, na nakuha bago pa sila nagkakilala at ikinasal. Itinanggi rin niya ang kanyang unang pahayag na ang ginto ng mga Marcos ay mula sa kayamanan ni Yamashita.

Ang isang parte ng ika-apat na bahagi ng serye ay nagsabing:

“Nagbigay si Ms. Marcos sa Inquirer ng isang kopya ng tatlong-pulgadang makapal na dokumento, na naglalaman, bukod sa iba pa, ng isang kwento kung paano naipon ng kanyang asawa ang kayamanan at kapangyarihan.

Gagamitin niya at ng kanyang mga abogado ang mga dokumentong ito bilang ebidensya laban sa PCGG at mga tagapangasiwang-kroni. ‘Ipapakita namin sa kanila na ang kayamanan ng aking asawa ay hindi nakuha sa ilegal na paraan at ginamit niya ang kanyang sariling pera upang bilhin ang mga kumpanyang ito.”

Pinagkunan: The Philippine Daily Inquirer. Marcos had gold hoard of 4,000 tons. December 8, 1998

Sa parehong serye ng mga ulat, ipinaliwanag ni Imelda kung paano, noong 1940s, ang kanyang asawa ay nagsimulang mangalakal ng ginto, gamit ang kanyang kita bilang isang abugado at mula sa kanyang serbisyo sa militar. Noong dekada ’70, sa panahon ng batas militar, nakatipon na si Marcos ng may 4,000 tonelada ng ginto, at ito ang yaman na, sinabi ni Imelda, na ginamit nila upang bumili ng mga kumpanya, sa tulong ng kanilang mga kroni na tinatawag niyang “trustees.”

Ang isang hiwalay na artikulo ng Inquirer binanggit si Gabriel Singson, ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 1998, na pinabubulaan ang pahayag, at sinabing 4,000 tonelada ng ginto ay 14 beses na mas malaki kaysa sa kabuuang ginto na binili ng BSP mula 1977-1987. Ang nabiling ginto ng BSP ay umaabot lamang 286.06 metriko tonelada sa panahong ito, ayon sa parehong ulat na sinipi kay Singson.

Gamit ang pahayag ng ibang eksperto, sinabi ng Inquirer na ang kuwento ni Imelda ay hindi kapani-paniwala, dahil ang 4,000 toneladang ginto ay “higit pa sa kalahati ng mga reserbang ginto ng Estados Unidos sa Fort Knox, higit sa lahat ng mga reserbang ginto ng German central bank at katumbas ng 10-taong produksyon ng South Africa, isa sa pinakamalaking producer ng ginto sa mundo.”

Inimbitahan si Imelda sa isang pagdinig sa Senado nang sumunod buwan. Itinanggi niya ang pagbibigay ng panayam sa Inquirer, ngunit inulit niya na ang ginto ng namayapang diktador ay nagmula sa pangangalakal.

Pagkalipas ng sampung taon, sa isang pakikipanayam noong 2008 sa mamamahayag na si Inday Espina-Varona, muling ikinuwento ni Imelda ang parehong istorya na sinabi niya sa Inquirer. Ang panayam ay muling na-post online ng ABS-CBN News noong 2015.

Pinagmulan:

RTVMalacañang, Mass Oath-Taking of Presidential Appointees, March 29, 2017.

ABS-CBN.com. Imelda’s Truth: Reclaiming gold and paradise. October 18, 2015

Inday Espina-Varona blog. Imelda’s Truth. October 15, 2015

Philippine Headline News Online. Senate hearing on wealth: Imelda stays mum. December 22, 1998

CBSNews.com. Imelda grilled over riches. December 21, 1998

The Philippine Daily Inquirer. Editorial: Gold yarn. December 11, 1998

The Philippine Daily Inquirer. Marcos had gold hoard of 4,000 tons. December 8, 1998

The Philippine Daily Inquirer. Imelda letter back tale of trading. December 8, 1998

Ruby Wax meets… Imelda Marcos describes how her husband filled their walls with gold bullion. January 28, 1996

The Bulletin. Marcos widow claims wealth due to Yamashita treasure. February 3, 1992

United Press International. Marcos seized Japanese war booty to amass fortune, Imelda says. February 3, 1992

Salonga, J. (2000). Presidential plunder: The quest for the Marcos ill-gotten wealth. Quezon City. University of the Philippines

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.