Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Dela Rosa na ‘walang crimes against humanity’ ang nangyari sa giyera laban sa droga sa Pilipinas walang basehan

WHAT WAS CLAIMED

Kung ang mga Pilipino ang tatanungin, sasabihin nila na walang krimen laban sa sangkatauhan na nangyari sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

OUR VERDICT

Walang basehan:

Isinasaalang-alang ng ICC ang isang “laganap o sistematikong” pag-atake sa isang populasyong sibilyan alinsunod sa isang patakaran ng estado, tahasan man o hindi, bilang isa sa mga pangunahing elemento ng mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong Agosto 2021, iniulat ng Victims Participation and Reparations Section (VPRS), isang independiyenteng tanggapan sa ilalim ng ICC, na humigit-kumulang 1,530 indibidwal na biktima at 1,050 pamilya ang nagpahayag ng “napakalaking suporta” para kay Khan na imbestigahan at usigin ang mga gumagawa ng mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Sumasalungat ito sa pahayag ni Del Rosa na sasabihin ng mga Pilipino na walang krimen laban sa sangkatauhan na nangyayari sa bansa.

By VERA Files

Oct 4, 2022

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Walang binabanggit na patunay, iginiit ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ang punong tagapagpatupad ng kontrobersyal na digmaan laban sa droga noong administrasyong Duterte, na walang krimen laban sa sangkatauhan ang naganap sa kampanya kontra droga ng gobyerno.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Setyembre 28 sa CNN Philippines, sinabi ni Dela Rosa:

“Kung tanungin mo naman ang Pilipino, wala namang nangyayaring krimen laban sa sangkatauhan dito sa ating bansa. Alam naman natin, mas dapat alam ito ng Pilipino kaysa kay Mr. Khan …”

 

Pinagmulan: CNN Philippines, ICC prosecutor, binatikos ukol sa pagbukas ng drug war probe | News Night, Setyembre 28, 2022, panoorin mula 06:37 hanggang 06:48

Sa mas maagang press briefing nang araw na iyon sa Senado, sinabi ni Dela Rosa na hindi niya maintindihan kung bakit iginigiit ni Prosecutor Karim Khan ng International Criminal Court (ICC) na ipagpatuloy ang imbestigasyon.

ANG KATOTOHANAN

Itinuturing ng ICC ang isang “laganap o sistematikong” pag-atake sa isang populasyong sibilyan alinsunod sa isang patakaran ng estado, tahasan man o hindi, bilang isa sa mga pangunahing elemento ng mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong Agosto 2021, ang Victims Participation and Reparations Section (VPRS), isang independiyenteng tanggapan sa ilalim ng ICC, ay nag-ulat na humigit-kumulang 1,530 indibidwal na biktima at 1,050 pamilya ang nagpahayag ng “napakalaking suporta” para kay Khan na imbestigahan at usigin ang mga may kasalanan sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa droga.

Ang pagpapahayag ng suporta ng mga biktima ay kabilang sa mga dahilan na isinasaalang-alang ng Pre-Trial Chamber, isang judicial branch ng ICC, nang pinagbigyan nito ang kahilingan ng noo’y ICC prosecutor na si Fatou Bensouda na simulan ang pagsisiyasat noong Setyembre 2021. Si Khan ang humalili kay Bensouda noong Hunyo 2021.

Sa desisyon nito sa kahilingan ni Bensouda, isinulat ng chamber:

“Sa kongklusyon, nakita ng Chamber na sapat na nailatag para sa layunin ng awtorisasyon ng imbestigahan na ang mga kontekstwal na elemento ng mga krimen laban sa sangkatauhan sa ilalim ng Article 7 ng Statute ay natugunan kaugnay ng mga pagpatay sa Pilipinas sa pagitan ng 1 Nobyembre 2011 at 16 Marso 2019 sa konteksto ng tinatawag na ‘digmaan laban sa droga’ na kampanya.”

 

Pinagmulan: International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Setyembre 15, 2021

Pinahintulutan ng chamber ang imbestigasyon sa mga pagkamatay ng 12,000 hanggang 30,000 na hinihinalang drug personalities noong administrasyong Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019, gayundin ang mga pagpatay ng mga vigilante group sa rehiyon ng Davao mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016. Titingnan din ng imbestigasyon ang mga kaugnay na krimen ng sekswal na karahasan, labag sa batas na pagkakulong at torture, bukod sa iba pa.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

CNN Philippines, ICC prosecutor, binatikos ukol sa pagbukas ng drug war probe | News Night, Setyembre 28, 2022

Senate of the Philippines official Facebook page, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa reacts to International Criminal Court decision to continue its probe…, Setyembre 28, 2022

International Criminal Court official website, Annex I Public Redacted Registry Report on Victims’ Representations, Agosto 27, 2021

International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Setyembre 15, 2021

International Criminal Court official website, Annex I Public Redacted (Victims’ additional observations), Setyembre 22, 2022

International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Prosecution’s Response to the Philippine Government’s Observations on the Prosecution’s Request to Resume Investigations (ICC-01/21-51, filed 8 September 2022)”, Setyembre 22, 2022

International Criminal Court official website, Prosecution’s request to resume the investigation into the situation in the Philippines pursuant to article 18(2), Hunyo 24 2022

International Criminal Court official website, Elements of Crime, Na-access noong Setyembre 30, 2022

International Criminal Court official website, VPRS Victim’s Booklet [ENG], Na-access noong Setyembre 30, 2022

International Criminal Court official website, Rome Statute of the International Criminal Court, Na-access noong Setyembre 30, 2022

Supreme Court official website, G.R. No. 238875/G.R. No. 239483/G.R. No. 24095, Marso 16, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.