Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos Jr. na kasalukuyang ipinagbabawal ng Vietnam at Thailand ang pag export ng bigas hindi totoo

WHAT WAS CLAIMED

Nagpasya ang Thailand at Vietnam na ipagbawal ang pag-export ng bigas sa Pilipinas sa ngayon.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Huling naglabas ang Vietnam ng pagbabawal sa pag-export ng bigas noong Marso 2020, ngunit ipinagpatuloy ang pag-export ng butil pagkalipas ng dalawang buwan at hindi na tumigil mula noon. Walang rekord ng patuloy na pagbabawal sa pag-export ng bigas ng Thailand.

By VERA Files

Jun 30, 2022

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang press conference noong Hunyo 20, sinabi ni president elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipinagbawal ng Vietnam at Thailand ang pag-export ng kanilang bigas. Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Nang tanungin tungkol sa kanyang mga prayoridad bilang incoming Agriculture secretary, sinabi ni Marcos Jr.:

“Una sa lahat ay ang pagsisikap na pataasin ang produksyon sa pagdating natin sa panahon ng pag-aani, sa mismong anihan, bago, at pagkatapos ng tag-ulan. Sana, mapigilan natin ang ilan sa mga pagtaas ng presyo. Maaaring napansin ninyo na ang Thailand at Vietnam, halimbawa, isa sa ating pangunahing pinagkukunan ng imported na bigas, ay nagpasya na ipagbawal ang kanilang pag-export ng bigas sa ngayon. Kaya kailangan nating tumbasan iyan sa pamamagitan ng pagtaas ng produksyon dito sa Pilipinas.”

 

Pinagmulan: ABS-CBN News Channel, FULL PRESS BRIEFING: President-elect Bongbong Marcos discusses economic priorities, Hunyo 20, 2022, panooring mula 5:40 to 6:22

 

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t ipinagbawal nga ng Vietnam ang pagbebenta ng bigas sa ibang bansa noong Marso 2020, ipinagpatuloy nito ang pag-export ng butil noong Mayo 1, o pagkaraan lamang ng dalawang buwan, at hindi na tumigil mula noon. Iniulat ng Ministry of Agriculture and Rural Development (MARD) ng Vietnam na ang rice exports ng bansa ay tumaas pa sa dami, halaga, at presyo sa unang quarter ng 2022.

Walang record na naglabas ang Thailand ng rice export ban. Binanggit sa ulat ng United States Department of Agriculture (USDA) Foreign Agricultural Service para sa Hunyo ng taong ito na tumaas sa Thai rice exports ngayong taon dahil sa tumataas na demand at paghina ng Thai baht.

Nakipag-ugnayan ang VERA Files Fact Check sa Thai Embassy sa Manila tungkol dito ngunit wala pa itong natatanggap na tugon.

Sa unang quarter ng 2022, sinabi ng MARD na 672,136 tonelada ng bigas, na bumubuo ng 44.7% ng mga export ng butil ng Vietnam, ay napunta sa Pilipinas. Ang ulat ng USDA Foreign Agricultural Service para sa Vietnam ay nagsabi na ang bansa ang naging pinakamalaking supplier ng bigas sa Pilipinas mula noong 2019.

Ayon sa United Nations Comtrade, ang opisyal na repositoryo ng ahensya ng international trade statistics, ang Thailand ang ikalimang pinakamalaking pinagmumulan ng inangkat na bigas ng Pilipinas noong 2020. Iniulat ng Thai Rice Exporters Association na 51,552 metriko tonelada ng bigas ang na-export ng Thailand sa Pilipinas. mula Enero hanggang Abril 2022.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN News Channel, FULL PRESS BRIEFING: President-elect Bongbong Marcos discusses economic priorities | ANC, Hunyo 20, 2022

United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service official website, Grain and Feed Update, Hulyo 1, 2020

Department of Agriculture official website, Vietnam resumes rice exports to Phl, ASEAN countries, Mayo 11, 2022

Ministry of Agriculture and Rural Development of the Socialist Republic of Vietnam official website, Rice exports in the first quarter of 2022 increased in volume, value and price, Abril 18, 2022

United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service official website, Grain and Feed Update, Hunyo 8, 2022

United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service official website, Grain: World Markets and Trade, Hunyo 2021

United Nations Comtrade official website, UN Comtrade Analytics – Trade Dashboard, Na-access noong Hunyo 28, 2022

Thai Rice Exporters Association official website, RICE EXPORTS BY DESTINATION 2022, Hunyo 23, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.