Sa kanyang inaugural speech noong Hunyo 30, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya ang may pinakamalaking mandato sa eleksyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa simula ng kanyang talumpati, sinabi ni Marcos Jr.:
“Ito ay isang makasaysayang sandali para sa ating lahat. Nararamdaman ko ito sa kaloob-looban ko. Kayo, ang mga tao, ay nagsalita, at matunog ito. Nang ang aking panawagan para sa pagkakaisa ay nagsimulang umalingawngaw sa inyo, nangyari ito dahil inulit nito ang iyong mga pagnanasa, isinalamin ang iyong mga damdamin, at ipinahayag ang iyong pag-asa para sa pamilya, para sa bansa, at para sa isang mas magandang kinabukasan. Kaya iyon ang dahilan kung bakit ito umugong at lumakas, upang maihatid ang pinakamalaking mandato sa eleksyon sa kasaysayan ng demokrasya ng Pilipinas.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Speech of President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. during his Inauguration (transcript), Hunyo 30, 2022, panoorin mula 2:24 hanggang 3:01
ANG KATOTOHANAN
Habang si Marcos Jr. ay nakakuha ng pinakamataas na bilang ng mga boto sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas, ang kanyang bahagi ng boto ay ikatlong pinakamataas lang na kalamangan ng tagumpay ng bansa.
Ang datos mula sa Philippine Electoral Almanac ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office at ng Kongreso ay nagpapakita na ang pagkapanalo ni dating pangulong Ramon Magsaysay sa halalan noong 1953 ang may pinakamataas na porsyento ng boto sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas. Nakakuha siya ng mahigit 2.9 milyong boto, o 68.9% ng kabuuang 4,227,719 na kabuuang boto.
Nakatanggap si dating pangulong Manuel Quezon ng pangalawang pinakamataas na porsyento ng boto na 67.9% sa halalan noong 1935.
Kung ikukumpara sa dalawang datos na ito, nakakuha lamang si Marcos Jr. ng 58.7% na may 31,629,783 sa 53,815,484 na kabuuang boto sa 2022 polls, batay sa vote canvass ng Kongreso noong Mayo 25.
Sa iba pang mga kandidato noong Mayo 9 ngayong taon, ang pumangalawa at dating bise presidente na si Leni Robredo ay nakakuha lamang ng 27.9% ng lahat ng mga boto, habang si dating Sen. Manny Pacquiao, na pumangatlo sa mga kandidato sa pagkapangulo, ay may 6.8% ng boto.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Speech of President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. during his Inauguration (transcript), Hunyo 30, 2022
Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, Philippine Electoral Almanac Revised and Expanded (Archived file), 2015
Philippine Presidency Project, Results of the Past Presidential & Vice-Presidential Elections (archived webpage), Na-access noong Hulyo 1, 2022
Senate of the Philippines official website, Joint Public Session Resolution No. 1, Mayo 30, 2016
Joint Session of Congress official website, National Canvassing 2022 results, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)