Binawi ng Bureau of Corrections (BuCor) ang naunang anunsyo na pansamantalang sinuspinde ang pagbisita sa New Bilibid Prison (NBP) maximum security compound sa Muntinlupa City mula Hunyo 2 hanggang 9.
PAHAYAG
Sa isang Facebook post noong Hunyo 7, sinabi ng BuCor, na namamahala at nangangasiwa sa NBP at anim na iba pang pasilidad ng detensyon sa bansa:
“Humihingi ng paumanhin at pang-unawa ang buong Kawanihan ng Koreksiyon sa naunang anunsyo namin patungkol sa pansamantalang pagkansela ng dalaw sa New Bilibid Prison-Maximum Security Compound (NBP-MaxSeCom).
“Ang dalaw po ay patuloy na isinasagawa sa patnubay ng mga nakatakdang araw at oras ng pagbisita sa loob ng NBP-MaxSeCom.”
Pinagmulan: Bureau of Corrections, Humihingi ng paumanhin at pang-unawa ang buong Kawanihan ng Koreksiyon…, Hunyo 7, 2023
ANG KATOTOHANAN
Sa Facebook post noong Hunyo 4 na tinanggal na ngayon, inihayag ng BuCor, na hindi nagbigay ng dahilan, na pansamantalang sinuspinde ang mga pagbisita sa NBP hanggang Hunyo 9.
Ilang mga news outlet ang sumipi ng sinabi ng BuCor na, “Pansamantala pong kinakansela ang pagbisita sa Maximum Security Compound, New Bilibid Prison mula Hunyo 2-9, 2023.”
Ang paglilinaw noong Hunyo 7 ay nangyari matapos sabihin ni BuCor chief Gregorio Catapang Jr. sa ABS-CBN TeleRadyo na ang naturang suspensyon ay isang “false alarm” na resulta ng maling interpretasyon ng mga opisyal at bisita ng BuCor.
Noong isang linggo, 6 na araw ‘yung bisita nila. Tapos ngayong pagdating na ng Independence Day, mahabang bisita na naman para sa mga mag-aasawa, mga kamag-anak na nakakulong. Kaya baka na-misinterpret lang po ‘yung sinabi ng mga lider na magdahan-dahan sa pagbisita,” sinabi ni Catapang.
Hinala ni Catapang na ang maling anunsyo ay maaaring personal na pag-atake sa kanya ng mga empleyado ng BuCor, ngunit hindi partikular na binanggit kung sino ang nasa likod nito.
Huling sinuspinde ng BuCor ang mga pagbisita sa Bilibid noong Mayo dahil sa tumataas na COVID-19 infections sa loob ng bilangguan.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Bureau of Corrections, Humihingi ng paumanhin at pang-unawa ang buong Kawanihan ng Koreksiyon…, June 7, 2023
BuCor temporarily suspends Bilibid visits
- Manila Bulletin, BuCor suspends PDLs’ visitation privileges at Bilibid’s maximum-security compound until June 9, June 4, 2023
- Bandera.Inquirer.net, Pagbisita sa New Bilibid Prison ‘bawal’ hanggang June 9 –BuCor, June 5, 2023
- Daily Tribune, BuCor denies suspending NBP visitation, June 6, 2023
ABS-CBN News, Fake news: BuCor chief denies Bilibid visits suspended | TeleRadyo, June 7, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)