Noong Ago. 28, ang social media influencer na si Ayn Bernos ay nag-post ng apat na TikTok video na may #PoweredByFirstGen hashtag, na sinasabing ang natural gas ang “pinakamalinis sa lahat ng fossil fuels.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa kanyang mga video, sinabi ni Bernos:
“Natural Gas ang pinakamalinis na nasusunog sa lahat ng fossil fuels dahil hanggang 60% na mas kaunting carbon dioxide ang nae-emit niya kumpara sa coal.”
Pinagmulan: aynperotagalog TikTok page, Sa usapang climate… (archive), Ago. 29, 2023
Inuulit niya ang pahayag na ito mula sa web page ng First Gen, isang subsidiary ng Lopez-led First Philippine Holdings Corp. na gumagawa at namamahagi ng kuryente, na nagsasabing:
“Natural gas is the cleanest-burning of all fossil fuels, emitting up to 60% less carbon dioxide than coal. It also does not leave behind by-products like ash, sludge, and other particulate matter that are harmful to our health and the environment.”
(“Ang natural na gas ay ang pinakamalinis na nasusunog sa lahat ng fossil fuel, na nag-eemit ng hanggang 60% na mas kaunting carbon dioxide kaysa sa coal. Hindi rin ito nag-iiwan ng mga by-product tulad ng abo, putik, at iba pang particulate matter na nakapipinsala sa ating kalusugan at kapaligiran.”)
Ang hashtag na “#PoweredByFirstGen” ay isang social media term na nagsasaad na ang isang post ay sponsored, sa kasong ito ng energy company.
ANG KATOTOHANAN
Ayon sa National Grid, isang energy company sa United Kingdom at United States (U.S.), ang liquefied natural gas (LNG) ay gumagawa ng 40% na mas kaunting carbon dioxide (CO2) kaysa sa coal at 30% na mas mababa kaysa sa langis, kaya’t ito ang pinakamalinis sa mga fossil fuel. Sinasabi rin ng kumpanya na ang LNG ay pangunahing binubuo ng methane at ito ay malinaw, walang amoy at walang kulay.
Gayunpaman, ayon sa United Nations Environment Programme, ang methane ay isang mapanganib na gas at 80 beses na mas matindi sa pagpa-init ng mundo kaysa sa CO2 sa loob ng 20 taon.
Isang pagtatasa noong 2018 sa methane emission mula sa langis at natural gas supply chain ng U.S. ay nagpakita na ang epekto ng mataas na methane emissions sa loob ng 20 taon ay maihahambing sa epekto ng paglabas ng carbon dioxide sa atmosphere.
Sa Pilipinas, patuloy ang imbestigasyon ng Department of Health – Center for Health Development Calabarzon sa pagtaas ng kaso ng respiratory at cardiovascular disease sa Batangas City at ang posibleng pagkakaugnay nito sa exposure ng mga residente sa LNG power plants.
Sinabi ng Global Oil & Gas Exit List, na pinagsama-sama ng Urgewald na naka-base sa Germany, na ang mga terminal project sa Batangas ay makaaapekto sa Verde Island Passage (VIP), isang marine strait na naghihiwalay sa Batangas at Mindoro, dahil ang produksyon ng LNG ay maaaring permanenteng makapinsala sa mga coral polyp, bahura at mga hayop sa dagat. Ang VIP, na kilala bilang “Amazon of the oceans,” ay tirahan ng mahigit 1,700 marine species, batay sa isang artikulo noong 2005 tungkol sa marine biodiversity ng lugar.
Isinusulong ng Department of Energy (DOE) ang LNG bilang angkop na transition fuel para sa bansa. Noong 2017, naglista ang departamento ng limang pagsasaalang-alang sa pagpapaunlad ng domestic natural gas industry: ang inaasahang pagbaba ng supply ng natural gas mula sa Malampaya, ang potensyal ng LNG na masakop ang inaasahang pangangailangan ng enerhiya, ang kakayahan ng LNG na umakma sa renewable energy at palitan ang diesel-based power plants at ang inaasahang non-power demand mula sa iba’t ibang sektor.
Sa ilalim ng Philippine Energy Plan 2018-2040, “nakikita” ng DOE “na ang Pilipinas ay magiging isang [LNG] trading at trans-shipment hub sa Asia-Pacific Region.”
Nitong Hulyo 2023, mayroong pitong LNG terminal projects sa bansa: lima sa Batangas City, tig-isa sa Pagbilao, Quezon at Mariveles, Bataan. Ipinakita ng ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na ang LNG ay hindi malinis, dahil ito ay fossil fuel, at hindi rin mura dahil napapailalim ito sa pagbabagu-bago ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Kinumpirma ni Energy Secretary Raphael Lotilla noong Hulyo sa isang panayam sa ANC na ang LNG ay magkakaroon ng “kaunting epekto” sa mga presyo ng kuryente dahil sa “geopolitical reshuffling” ng pandaigdigang merkado pagkatapos salakayin ng Russia ang Ukraine.
Noong Ago. 25, ang DOE ay bumalangkas ng patakaran sa gas aggregation scheme, na tumutukoy sa paghahalo ng inangkat na LNG at natural na gas mula sa Malampaya sa pag-asang mapababa ang presyo nito.
Noong Set. 4, kinuwestiyon ng Institute of Energy Economics and Financial Analysis (IEEFA), isang organisasyon na sumusuri sa mga isyu sa energy market at trend, ang draft ng DOE ng mga panuntunan sa natural gas. Sinabi nito na ang mga ito ay sumasalungat sa pangako ng departamento na babaan ang halaga ng enerhiya. Tinataya ng IEEFA na ang taunang bayarin ng Pilipinas para sa LNG ay maaaring tumaas sa $2.5 bilyon, o P141 bilyon batay sa kasalukuyang mga presyo.
Ang mga video ni Bernos ay na-upload sa ilalim ng kanyang TikTok account na “Teacher Ayn” na mayroong 2.5 milyong followers at kung saan madalas siyang nagpo-post ng mga English grammar tutorial. Ang kanyang pinakabagong #PoweredByFirstGen na video ay nagkaroon ng 221.4K views simula noong Set. 6.
Tinukoy ng isang pag-aaral noong 2018 sa mga arkitekto ng networked disinformation sa Pilipinas ang mga social media influencer o digital worker bilang mga taong “nakikinabang sa kanilang matalas na kaalaman sa mga imprastraktura ng social media at pop culture vernaculars kapag gumagawa ng mga mensahe ng kampanya upang makuha ang emotional resonance ng populist publics.”
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
First Gen, Natural Gas, accessed Sept. 1, 2023
National Grid, What is liquefied natural gas?, May 30, 2022
United Nations Environment Programme, Methane emissions are driving climate change. Here’s how to reduce them, Aug. 20, 2021
Science, Assessment of methane emissions from the U.S. oil and gas supply chain, June 21, 2018
DOH investigates spikes in diseases in Batangas
- Rappler, DOH probes reported spike in diseases linked to LNG power plant exposure in Batangas City, Aug. 19, 2023
- Philstar.com, DOH probes spike in diseases, Aug. 20, 2023
- The Manila Times, Batangas residents seek fair investigation, Aug. 23, 2023
Global Oil & Gas Exit List, Philippines: LNG Boom in the Verde Island Passage, June 27, 2023
Department of Energy, DOE to Develop PH as LNG Hub, Oct. 10, 2017
Department of Energy, Philippine Energy Plan 2018-2040, accessed Sept. 2, 2023
BusinessMirror, LNG advances amid RE push, July 29, 2023
Kent Carpenter, The center of the center of marine shore fish biodiversity: The Philippine Islands (http://dx.doi.org/10.1007/s10641-004-3154-4), April 2005
Institute for Energy Economics and Financial Analysis, Draft natural gas rules in the Philippines ignore high costs and economic consequences, Sept. 4, 2023
Philippine Center for Investigative Journalism, Liquefied natural gas: a dirty, costly detour, Mar. 11, 2023
ANC 24/7 YouTube Channel, DOE: LNG to help stabilize PH power supply, July 17, 2023
Department of Energy, STATEMENT OF THE DEPARTMENT OF ENERGY (DOE) ON THE DRAFT CIRCULAR ON THE DEVELOPMENT OF NATURAL GAS POWER GENERATION FACILITIES IN THE LUZON GRID IN SUPPORT OF ENERGY TRANSITION, Aug. 25, 2023
Jonathan Ong & Jason Cabañesm Architects of Networked Disinformation: Behind the Scenes of Troll Accounts and Fake News Production in the Philippines (https://doi.org/10.7275/2cq4-5396), 2018
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)