Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Duterte na langis ang nangungunang pinagmumulan ng kuryente nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Ang kuryente ay mula sa langis.

OUR VERDICT

Kailangan ng Konteksto:

Habang ang langis ay ginagamit para makagawa ng kuryente, hindi ito ang pangunahing pinagmumulan ng kuryente sa bansa. Isa lamang ito sa ilang pinagmumulan na ginagamit ng gobyerno at pribadong sektor. Noong 2020, coal ang nangungunang pinagkukunan, sinusundan ng natural gas at geothermal. Kabilang sa iba pang mapagkukunan ng enerhiya ang solar, wind at hydroelectric.

By VERA Files

Apr 2, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang pahayag kamakailan sa telebisyon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kuryente sa bansa ay “gawa ng langis.” Ito ay nangangailangan ng konteksto.

Hindi langis ang nangingibabaw na pinagkukunan ng enerhiya sa bansa. Isa lamang ito sa ilang pinagmumulan na ginagamit ng gobyerno at pribadong sektor.

PAHAYAG

Sa kanyang “Talk to the People” address noong Marso 21, binanggit ni Duterte ang epekto ng pagkaputol sa supply chain ng langis dahil sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine, at ipinaliwanag sa mga Pilipino kung paano nakasandal ang ekonomiya ng Pilipinas sa langis.

Sinabi niya:

“Kaya kung ang oil (langis) mawala, tataas talaga lahat pati ano ninyo. Ganoon ka-valuable (kahalaga) ‘yung oil (langis) na kung mawala sa atin o kukulangin tayo, ang ano is magmahal ang pamasahe at ang mga production nito magmahal…”

Sinabi niya na ang bansa ay “hindi makakapamudmod ng langis nang walang paghihirap” dahil “lahat ng bagay ay nakasalalay dito,” at idinagdag:

“[A]ng sikreto ng oil is gasolina (langis ay gasolina) — pagpatakbo ng mga sasakyan ninyo. And (At) iyong factory gagamit ng power and the (at ang) — iyong elektrisidad is produced by oil (ay ginawa ng langis). Ang (At) makinarya (pinatatakbo ng kuryente mula sa langis), so lahat, taas lahat.”

 

Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte, Marso 22, 2022, panoorin mula 24:00 hanggang 26:06

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t ang langis ay, sa katunayan, ginagamit upang makagawa ng kuryente, hindi ito ang tanging mapagkukunan ng kuryente na magagamit, at hindi rin ito ang pinaka ginagamit sa Pilipinas.

Noong 2020, iniulat ng Department of Energy (DOE) na coal ang nangungunang pinagmumulan ng kuryente sa bansa, na bumubuo ng 58,176 gigawatts ng kuryente kada oras, na binubuo ng 57.17% ng kabuuang 101,756 megawatts bawat oras na nagawa mula sa lahat ng pinagkukunan.

Ang langis, na bumubuo ng 2,474 gigawatts kada oras, ay pang-apat lamang kasunod ng natural gas at geothermal.

Makikita rin sa pinakabagong datos mula sa National Grid Corporation of the Philippines, isang pribadong korporasyon na namamahala sa isa sa pinakamalaking state-owned power grids sa bansa, na coal ang pinakaginagamit na source sa power plants, na gumagawa ng 59.43 milyong megawatts ng kuryente kada oras sa 102.19 milyong megawatts kada oras ng kabuuang gross generated energy noong 2021. Ang pangalawa sa nangungunang pinagmumulan ay ang pinagsamang cycle/natural gas na sinundan ng geothermal.

Mayroong patuloy na pandaigdigang pagsisikap na pinangungunahan ng United Nations (UN) na i-phase out ang lahat ng coal power plants sa taong 2040 at lumipat sa renewable energy. Ayon sa UN, ang pagsusunog ng fossil fuels – tulad ng coal, petrolyo (crude oil), at natural gas – upang makabuo ng kuryente o magpatakbo ng mga makinarya ay ang pinakamalaking contributor sa climate change.

Sa Pilipinas, nilikha ng DOE ang “Philippine Energy Plan 2020-2040” upang gabayan ang paglipat ng bansa sa malinis at renewable energy sources tulad ng geothermal, hydroelectric, biomass, ocean, solar at hangin, alinsunod sa Republic Act 9513 o kilala bilang Renewable Energy Act of 2008.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Operations official website, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte, March 21, 2022 (transcript)

Department of Energy official website, 2020 Key Energy Statistics (KES), 2020

National Grid Corporation of the Philippines official website,  Operations Data (data on GROSS GENERATION PER PLANT TYPE), Accessed March 31, 2022

National Grid Corporation of the Philippines official website, Corporate Profile, Accessed March 31, 2022

National Grid Corporation of the Philippines official website, Operations (Scope), Accessed March 31, 2022

National Grid Corporation of the Philippines official website, Operations (Functions), Accessed March 31, 2022

United Nations Climate Change official website, End of Coal in Sight at COP26 | UNFCCC, Nov. 4, 2021

United Nations, Secretary-General’s remarks to Economist Sustainability Summit, March 21, 2022

United Nations Climate Change official website, Causes and Effects of Climate Change, Accessed March 31, 2022

United Nations Climate Change official website, What Is Climate Change?, Accessed March 31, 2022

Department of Energy official website, Philippine Energy Plan 2020-2040, Accessed March 31, 2022

Department of Energy official website, Renewable Energy, Accessed March 31, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.