Kumikilos ang House Committee on Ways and Means para suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga piling produktong petrolyo para bigyan ng pansamantalang kaluwagan ang mga mamimili sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at mga produktong petrolyo nitong mga nakaraang buwan.
Noong Nob. 11, inaprubahan ng House panel ang panukalang batas na nagsususpinde ng anim na buwan sa pagpataw ng excise taxes sa diesel, kerosene, at liquefied petroleum gas (LPG) at pagbabawas ng buwis sa low-octane gasoline, na pangunahing ginagamit ng mga tricycle driver, sa P4.35 kada litro. Ang mga excise tax sa premium na gasolina ay pananatilihin sa ilalim ng iminungkahing batas.
Kasama sa panukalang batas ang isang mekanismo na nagpapahintulot sa gobyerno na ibalik ang mga buwis sa kasalukuyang mga rate kapag ang presyo ng krudo ay bumalik sa US$65 kada bariles. Noong Nob. 11, ang presyo ng pagbebenta ng krudo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), isang organisasyon ng 13 oil-producing countries kabilang ang Iran at Saudi Arabia, ay $83.69 kada bariles.
Noong Oktubre, nagreklamo ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan, tulad ng mga jeepney at taxi, at agricultural groups sa mga karagdagang gastos na kailangan nilang balikatin dahil sa pagtaas ng mga presyo.
Upang mapahina ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga produktong pagkain at serbisyo, iminungkahi ni Energy Secretary Alfonso Cusi, agricultural groups, at ilang presidential aspirants, tulad nina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice President Leni Robredo, ang pagsususpinde ng excise taxes sa langis.
Bakit hindi na lang i-regulate ng gobyerno ang presyo ng langis? Anong mga dahilan sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis? Ano ang excise tax at magkano ang halaga nito sa bawat langis at produktong petrolyo? Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman:
1. Bakit hindi ma-regulate ng gobyerno ang presyo ng langis?
Noong Pebrero 1998, nilagdaan ni Pangulong Fidel Ramos ang Republic Act (RA) No. 8749, o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, na inaalis ang kontrol ng gobyerno sa pagpepresyo ng mga produktong petrolyo at sa halip ay pinahihintulutan ang merkado na magdikta ng mga presyo.
Layunin ng batas na “tiyakin ang isang tunay na mapagkumpitensyang merkado” at hikayatin ang pagpasok ng mga bagong kalahok sa local downstream oil industry. Ipinag-utos nito ang isang rehimen ng patas na presyo ng langis gayundin ang sapat at tuluy-tuloy na supply ng malinis, de-kalidad na produktong petrolyo.
Sa isang artikulo noong Pebrero 2000 na inilathala ng Philippine Institute for Development Studies, sinabi ng mananaliksik na si Ma. Teresa D. Caparas na ang pagtaas ng presyo ng langis ay “hindi direktang epekto ng deregulasyon” dahil ito ay nangyayari bago pa magkabisa ang RA 8749.
Sinabi ni Caparas na ang industriya ng langis ay “wala gaanong magagawa” kundi ang tanggapin ang pagtaas ng presyo sa international na merkado dahil ang bansa ay isang net importer na higit na nakadepende sa mga supplier sa ibang bansa.
2. Ano ang sanhi ng hindi makontrol na pagtaas ng mga presyo noong Oktubre?
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang malaking pagtaas ng presyo ng langis noong Oktubre ay dahil sa biglaang pagtaas ng demand sa pandaigdigang merkado na bunsod ng muling pagbubukas ng mga ekonomiya sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at ang hindi inaasahang mababang supply. Sa isang briefer noong Okt. 19, binanggit ng departamento ang limang pangunahing dahilan sa likod ng biglang bugso na nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis noong nakaraang buwan.
Sinabi ng DOE na ang Pilipinas ay kumokonsumo ng 425,000 barrels ng krudo kada araw, katumbas ng 0.4% ng world supply. Ang pandaigdigang pangangailangan para sa krudo noong Okt. 16 ay nasa 100.32 milyong bariles bawat araw. Noong 2020, nag angkat ang bansa ng 32.94 milyong bariles ng krudo, na 15 milyong bariles ay nagmula sa Saudi Arabia.
Sa lingguhang monitoring report noong Nob. 9 batay sa Asia Pacific Weekly Recap ng S&P; Global, iniulat ng DOE na ang presyo ng gasolina ay bumaba ng P1 kada litro at kerosene ng P0.60 hanggang P0.65 kada litro noong Nob. 9. Ang netong pagtaas sa presyo ng gasolina ay umaabot sa P20.95 kada litro, P17.50 kada litro para sa diesel, at P15.09 kada litro para sa kerosene mula Enero hanggang Nob. 9, 2021.
Nauna nang iniulat ng kagawaran na ang salat na supply ay posibleng humina dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Russia at China, na kabilang sa top 10 na mga mamimili ng langis sa mundo, at isang posibleng pagdaragdag ng 1.3 milyong bariles bawat araw na resulta ng pagpapatuloy ng nuclear talks sa pagitan ng European Union at Iran.
3. Bakit apektado ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin ng pagtaas ng presyo ng langis?
Sinabi sa Ingles ni Adolfo Jose Montesa, economic researcher at analyst sa Action for Economic Reforms, na ang mga presyo ng mga bilihin ay “nakadepende sa halaga ng mga input na ginamit sa paggawa ng mga ito.” Ipinaliwanag niya na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nangangahulugan ng karagdagang gastos sa transportasyon ng mga kalakal na nangangailangan ng gasolina.
“Kaya halos lahat ng mga consumer goods ay maaapektuhan ng mga presyo ng langis dahil ang mga kalakal ay kadalasang dinadala mula sa isang lugar patungo sa isa pa, halimbawa mula sa pabrika patungo sa bodega hanggang sa mga supermarket at retail na tindahan,” sabi sa Ingles ni Montesa.
Langis ang pinakaginagamit na source ng enerhiya ng mga transportation at services sectors at ang pangalawa ang agrikultura noong 2020, ayon sa pinakahuling DOE Key Energy Statistics report.
4. Ano ang excise tax at ano ang excise taxes sa mga produktong langis?
Ang excise tax, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ay “buwis sa produksyon, pagbebenta o pagkonsumo ng isang kalakal sa isang bansa.” Ang gobyerno ay nagpapataw ng excise tax sa 19 na produktong petrolyo, tulad ng diesel at LPG.
Ang mga excise tax sa mga produkto tulad ng jet fuel, kerosene at premium na gasolina ay mula P0 hanggang P10 dahil sa mga adjustment na ipinag-uutos sa ilalim ng RA 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law).
5. Ano ang ginagawa ng gobyerno para mabawasan ang tindi ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis?
Noong Okt. 25, inanunsyo ng gobyerno ang paglalaan ng P1 bilyon para magbigay ng subsidy sa gasolina para sa mga halos 178,000 mga driver ng public utility vehicle (PUV) para sa mga natitirang buwan ng taon.
Gayunpaman, kinabukasan, nilinaw ni Land Transportation and Franchising Board (LTFRB) Chairperson Martin Delgra na ang mga kuwalipikadong jeepney driver lamang, hindi lahat ng mga PUV driver, ang makakatanggap ng cash grant. Tinaasan ng LTFRB sa 70% ang kapasidad ng mga pumapasadang pampasaherong PUV simula Nob. 4 upang matulungan ang mga driver na mapataas ang kanilang kita.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga presyo noong Oktubre, iminungkahi ng DOE sa Kongreso ang pag-amyenda sa RA 8749 upang payagan ang gobyerno na “manghimasok” at matugunan ang biglaang, matagal na pagtaas ng presyo ng langis.
Nais ng kagawaran na magdagdag ng seguridad sa supply ng langis at atasan ang mga kumpanya na magsumite ng lingguhang ulat kaugnay ng unbundled oil price adjustments at pump prices. Noong 2019, naglabas ito ng Department Circular 05-0008 na nag-aatas sa pag-unbundle ng halaga ng mga produktong petrolyo “upang matukoy ang kanilang tunay at passed-on costs,” ngunit nagtagumpay ang mga kumpanya ng langis na makakuha sa korte ng isang injunction upang harangin ito.
Hiniling din ng DOE ang pag-amyenda sa RA 10963 upang payagan ang gobyerno na suspindihin ang mga excise tax sa mga produktong langis. Pinahintulutan ng TRAIN Law ang pagsuspinde ng bagong excise tax rates kapag ang presyo ng langis ay umabot o lumampas sa average na US$80 kada bariles sa loob ng tatlong buwan, ngunit ito ay napaso noong 2020.
Kung ang panukalang batas na inaprubahan ng House Ways and Means Committee ay pagtibayin ng Kongreso at lagdaan bilang batas, ang gobyerno ay mawawalan ng tinatayang P45 bilyon na kita.
Samantala, ang panel ay nagdagdag ng probisyon para sa social impact stabilization fund upang magbigay ng mga subsidy sa mga apektadong sektor tulad ng mga magsasaka, mangingisda, at mga transport worker kapag tumaas ang presyo ng langis. Ang pondo ay magmumula sa P2-per-litro na singil sa diesel at gasolina kapag ang pandaigdigang presyo ay mas mababa sa US$45 kada bariles ng krudo.
Ngunit tinutulan ng Department of Finance (DOF) ang pagsususpinde ng excise taxes, na sinabi sa House Committee on Energy sa isang pagdinig noong Okt. 28 na ang panukala ay makakasama sa pagbangon ng ekonomiya at long-term growth ng bansa. Tinataya ni Finance Undersecretary Antonette Tionko na hindi bababa sa P131.4 bilyon ang mawawalang kita ng gobyerno sa 2022 kung sususpindihin ang excise taxes sa lahat ng produktong petrolyo.
Tinutulan din ni Montesa ang panukalang pagsuspinde ng buwis sa petrolyo, na sinabing mas mabuting magbigay ang gobyerno ng tukoy na mga subsidy sa mga driver ng transport services, gaya ng jeepney at bus, na kadalasang ginagamit ng mga mahihirap at middle class na manggagawa.
Idinagdag niya na maaari ring palawigin ng gobyerno ang “targeted ayuda” tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para matulungan ang mahihirap na makayanan ang pagtaas ng presyo; magpagawa ng mas magandang kalsada na imprastraktura tulad ng mga bike lane at bangketa; at, magbigay ng “alternatibong paraan ng paglalakbay” para sa mga manggagawa.
“Nasa pandemya pa rin tayo, kaya dapat maging matalino ang gobyerno kung paano nito gagamitin ang resources nito. Ang mga excise tax sa gasolina ay pinagmumulan ng kita na maaaring magpondo ang mga ganitong uri ng paggasta at makatutulong din sa pagpopondo ng gobyerno sa tugon sa pandemic,” sabi ni Montesa sa Ingles.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Inquirer.net, House panel OKs oil excise breaks, Nov. 12, 2021
Business World, House moves to suspend fuel tax, Nov. 12, 2021
GMA News Online, House ways and means panel OKs bill suspending excise tax on oil products, Nov. 12, 2021
House of Representatives, SUBSTITUTE BILL ON REDUCTION/SUSPENSION OF EXCISE TAX ON FUEL PRODUCTS APPROVED, Nov. 11, 2021
Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), OPEC daily basket price stood at $83.69 a barrel Wednesday, 10 November 2021, Nov. 11, 2021
Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), Member Countries, Accessed Nov. 12, 2021
GMA News official YouTube channel, Mga jeepney driver, naghihintay pa rin sa tulong ngayong may oil price hike ulit | Saksi, Oct. 19, 2021
Inquirer.net, PUJ drivers demand subsidy due to high diesel price, Oct. 19, 2021
UNTV, Taxi drivers call for fuel subsidy amid oil price hike series, Nov. 1, 2021
Pilipino Star Ngayon, Agricultural groups kay Duterte: Excise tax suspendihin ng 1 taon, Oct. 30, 2021
Manila Bulletin, Agriculture groups urge Duterte to suspend excise tax on fuel now, Oct. 20, 2021
Inquirer.net, Drivers, farmers see fuel price pinch ‘worse than pandemic’, Oct. 23, 2021
ANC official YouTube channel, Headstart: PH Presidential aspirant Manila Mayor Isko Moreno on Dolomite beach, 2022 polls | ANC, Oct. 26, 2021
DZXL 558, BISERBISYONG LENI – 10/24/2021 – 9:00 A.M, Oct. 24, 2021
Official Gazette, Republic Act No. 8479
Philippine Institute for Development Studies, Oil Deregulation, February 2000
Department of Energy official Facebook page, DOE Asks Congress to Amend the Oil Deregulation Law, Oct. 19, 2021
Department of Energy, 2020 Key Energy Statistics, Accessed Nov. 12, 2021
Department of Energy, Oil Monitor as of 09 November 2021, Nov. 9, 2021
Department of Energy, Frequently Asked Questions (FAQs) – US Energy Information Administration, Accessed Nov. 12, 2021
Bureau of Internal Revenue, Excise Tax, Accessed Nov. 12, 2021
Official Gazette, Republic Act No. 10963, 2017
National Economic Development Authority, DBCC Joint Statement on the Grant of Fuel Subsidies for Affected PUV Drivers, Oct. 25, 2021
CNN Philippines, LTFRB clarifies only PUJ drivers will benefit from ₱1B in cash aid from gov’t, Oct. 26, 2-21
Daily Tribune, Non-jeepney drivers excluded from P1-B aid, Oct. 27, 2021
GMA News Online, LTFRB: P1-B fund for fuel subsidy meant for PUJ drivers only, Oct. 26, 2021
Department of Energy, Department Circular 05-0008, 2019
House of Representatives, ENERGY PANEL TACKLES PROPOSED SUSPENSION OF OIL EXCISE TAX, Feb. 17, 2021
Rappler reporter Ralf Rivas, READ: DOF says gov’t to lose P131 billion in revenues should excise tax on oil be suspended., Oct. 21, 2021
Philippine News Agency, Gov’t to lose P131-B from proposed fuel excise tax deferment, Oct. 21, 2021
Business World, P131-B loss seen if fuel tax suspended, Oct. 21, 2021
Department of Energy, The Report of the Independent Committee Reviewing the Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, Feb. 28, 2005
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)