Sinimulan ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang mga paratang ng sedition, cyberlibel, pagkupkop ng kriminal, at obstruction of justice laban kay Vice President Leni Robredo at 37 iba pang mga personalidad.
Noong Hulyo 18, pormal na inakusahan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Robredo at iba pang mga nakademanda, kasama ang walong lider ng relihiyon, dalawang dating senador, at dalawang nanunungkulang senador, ng pakikipagsabwatan upang patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mga isinampang kaso ay batay sa isang sinumpaang testimonya noong Hulyo 18 ni Peter Joemel Advincula, ang taong umamin na “Bikoy” sa anim na bahaging serye ng video na “Ang Totoong Narcolist,” na nag-uugnay kay Duterte, mga miyembro ng kanyang pamilya, at malapit na mga kasama sa negosyo ng ilegal na droga.
Nauna nang inilarawan ni National Police Chief General Oscar Albayalde si Advincula bilang isang “nagbebenta ng impormasyon.”
Bagaman naisampa na ang reklamo, nasaad sa charge sheet ng PNP-CIDG na ang iba pang mga testigo at katibayan/enclosure ay “ihaharap sa darating na panahon.” Sinabi sa parehong dokumento na ang “masusing pagsisiyasat ay nagpapatuloy at isinasagawa pa ng Opisina ng NCR- CIDG.”
Itinanggi ni Robredo at ng kanyang mga kasamang nakademanda ang mga kasong kriminal, at humiling sa mga tagausig ng pamahalaan na utusan ang pulisya na magbigay sa kanila ng mga kopya ng lahat ng ebidensya sa reklamong sedition, bukod sa iba pa. Ang pagpigil sa katibayan ay isang paglabag sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng Rules of Court.
Ngunit ano nga ba talaga ang krimen na sedition? Narito ang apat na mga bagay na kailangan mong malaman.
Ano ang Sedition?
Ang sedition, isang krimen laban sa public order sa Revised Penal Code (RPC), ay ginagawa ng “mga tao na hayagang nag-aaklas sa publiko at nanggugulo” upang makamit “sa pamamagitan ng puwersa” ang alinman sa mga sumusunod na limang katwiran:
-
- upang pigilan ang pagpapatupad ng anumang batas o ang pagdaos ng anumang popular na halalan;
- upang hadlangan ang pamahalaan o sinumang pampublikong opisyal na malayang gawin ang mga tungkulin nito o maiwasan ang pagpapatupad ng anumang utos ng administrasyon;
- upang magawa ang anumang pagkilos bunga ng poot o paghihiganti sa sinumang pampublikong opisyal o empleyado, o sa kanyang pag-aari;
- upang isakatuparan, para sa anumang pampulitika o panlipunang dahilan, ang anumang gawain dahil sa poot o paghihiganti laban sa mga pribadong tao o anumang antas ng lipunan; o
- upang sirain, para sa anumang pampulitika o panlipunang dahilan, ang sinumang tao, munisipalidad o lalawigan, o pambansang pamahalaan ng anumang bahagi ng, o lahat ng pag-aari nito.
Ang parusa para sa mga taong mapapatunayang nagkasala ng sedition ay nag-iiba depende sa pagkakasangkot nito, ayon sa RPC na sinusugan ng Republic Act 10951:
-
- Pinuno ng sedition – Pagkakakulong ng 6 na taon at 1 araw hanggang 8 taon at multa na hindi hihigit sa P2 milyon; at
- Iba pang mga kalahok – Pagkakakulong ng 4 na taon, 2 buwan, at 1 araw hanggang 6 na taon at multa na hindi hihigit sa P1 milyon.
Ang mga taong hindi direktang gumawa ng krimen ngunit “nanghikayat” sa iba na gumawa ng ganoon sa pamamagitan ng “mga talumpati, proklamasyon, panulat, emblema, cartoon, banner, o iba pang mga representasyon na may parehong patutunguhan” ay maaari ring makulong ng 4 na taon, 2 buwan, at 1 araw hanggang 6 na taon, na may multa na hindi hihigit sa P400,000.
Ang mga magkakasabwat sa sedition, sa kabilang banda, ay parurusahan ng 2 taon, 4 na buwan, at 1 araw hanggang 4 na taon at 2 buwan na pagkakabilanggo na may multa na P400,000.
Ang pakikipagsabwatan, ayon sa batas, ay nangangahulugan ng dalawa o higit pang mga tao na nagkasundo at nagpasya na gawin ang krimen.
Ang Sec. 6 ng Cybercrime Prevention Act ay nagsasabi na kung ang mga naturang krimen ay nagawa, sa pamamagitan ng, at sa paggamit ng mga teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon, ito ay “saklaw ng mga nauugnay na probisyon” ng Batas, at ang parusang ipapataw ay “mas mataas ng isang degree kaysa sa nakasaad sa [RPC].”
Ano ang pagkakaiba ng sedition sa iba pang mga krimen laban sa kaayusang pampubliko o pambansang seguridad?
Narito ang pagkakaiba ng sedition sa rebelyon, kudeta at treason:
Sino ang maaaring magsampa ng kasong sedition at aling korte ang may hurisdiksyon dito?
Kahit sino ay maaaring magsampa ng kriminal na reklamo ng sedition, ayon sa abogado na si Gilbert Andres ng Center for International Law Manila. Ang isang taong kinasuhan sa pamumuno ng sedition ay lilitisin sa Regional Trial Court (RTC):
“Kasi sabi doon sa [Batas Pambansa (BP) 129], ang jurisdiction (hurisdiksyon) ng Metropolitan Trial Court (MTC) ay for crimes which punishments do not exceed six years (para sa mga krimen na ang mga parusa ay hindi lalampas sa anim na taon). So (Kaya), ang ibig sabihin, anything about that (anumang bagay doon), RTC.
Pinagmulan: Gilbert Andres, Personal na Komunikasyon, Agosto 7, 2019
Sa ilalim ng BP 129, o Judiciary Reorganization Act, ang RTC ay may karapatang magsagawa ng “exclusive original jurisdiction” sa lahat ng mga kasong kriminal na wala sa nasasakupan ng ibang mga korte — tulad ng MTC — tribunal o body, maliban sa mga nasa ilalim ng “exclusive at kasabay na hurisdiksyon ng Sandiganbayan.”
Ang binagong bersyon ng batas ay nagsasaad na ang metropolitan, munisipalidad, at municipal circuit courts ang hahawak sa lahat ng mga kriminal na pagkakasala na parurusahan ng pagkakabilanggo nang hindi hihigit sa anim na taon.
Dahil dito, ang mga kinasuhan ng inciting to, o pagkikipagsabwatan upang isagawa ang sedition, pati na rin ang mga lumahok sa krimen ngunit hindi kinakailangang pinamunuan ang pagsasagawa, ay lilitisin ng metropolitan, munisipal, at municipal circuit trial courts.
Sino ang mga nakasuhan o napatunayang nagkasala ng sedition noon?
Ang reklamo ng PNP-CIDG laban kay Robredo at iba pang mga personalidad ng oposisyon ay hindi ang unang kaso ng sedition laban sa isang Pilipinong itinuturing na kritikal sa gobyerno.
Si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, na pinangalanan din sa 2019 reklamo ng PNP-CIDG, ay nahaharap sa dalawang kaso ng inciting to sedition: una, dahil sa umano’y panghihimok sa mga sundalo na barilin si Duterte dahil sa umano’y nakaw na yaman sa isang 2017 privilege speech; pangalawa, para sa kanyang pampublikong mga pahayag na umano’y “nagtatanim ng … pagkasuklam” laban kay Duterte matapos na bawiin nito ang amnestiya ni Trillanes noong Setyembre 2018. Patuloy pa rin ang parehong mga kaso.
Noong 2006, ang kolumnista at propesor ng University of the Philippines na si Randy David ay humarap sa kasong inciting to sedition dahil sa umano’y pagsusuot ng t-shirt na “Oust Gloria Now” sa isang protesta laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang mga ito ay ibinasura matapos sabihin ng tagausig na:
“…David was not wearing the subject T-shirt and even if he was wearing it, such fact is insufficient to charge him with inciting to sedition
(… Si David ay hindi nakasuot ng nasabing T-shirt at kahit na suot niya ito, ang gayong katotohanan ay hindi sapat upang ihabla siya ng inciting to sedition).”Pinagmulan: Official Gazette, David v. Arroyo, G.R. No. 171396, May 3, 2006, Mayo 3, 2006
Ang mga kaso ng sedition ay naisampa sa korte noon pa mang panahon ng Amerikano sa bansa.
Noong 1923, kinumpirma ng Korte Suprema ang pagkakasala ni Isaac Perez, ang municipal-secretary ng Pilar, Sorsogon, sa panahong iyon, sa pag-uudyok sa kanyang mga kapwa Pilipino na pugutan ng ulo, gamit ang mga bolo, ang noo’y United States Governor-General Leonard Wood.
Sa mas naunang kaso, gayunpaman, pumanig ang Kataas-taasang Hukuman sa ilang mga nagpoprotesta na dating napatunayang nagkasala ng sedition sa isang trial court dahil sa umano’y pagsagawa ng isang hindi tahimik at magulong protesta sa isang munisipal na konseho sa Occidental Negros. Sinabi nito:
“…if the prosecution be permitted to seize upon every instance of such disorderly conduct by individual members of a crowd as an excuse to characterize the assembly as seditious and tumultuous rising against the authorities, then the right to assemble and to petition for redress of grievances would become a delusion…
(… kung ang pag-uusig ay pinahihintulutan na kunin sa bawat pagkakataon ang katulad na magulong gawain ng mga indibidwal na miyembro ng isang pulutong bilang isang dahilan upang kilalanin ang kapulungan bilang isang mapaghimagsik at magulong pag-aklas laban sa mga awtoridad, kung gayon ang karapatang magtipon at mag-petisyon para sa pagwasto ng mga hinaing ay magiging isang panlilinlang…). ”
Pinagmulan: LawPhil, G.R. No. L-1210, Peb. 7, 1907 at Chan Robles Law, G.R. No. L-1210, Peb. 7, 1907
Mga Pinagmulan
Department of Justice, PNP-CIDG FILES SEVERAL CASES BEFORE THE DOJ AGAINST PROMINENT PERSONALITIES OVER PROJECT SODOMA, July 18, 2019
Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, Criminal complaint filed to the Department of Justice
Sinumpaang Salaysay (Peter Joemel Advincula), July 17, 2019
Rappler.com, Albayalde: ‘Bikoy’ is information peddler, May 7, 2019
ABS-CBN News, Robredo, Trillanes, et al question sedition case evidence; DOJ defers counter-affidavit filing, Aug. 9, 2019
BusinessWorld, Robredo seeks evidence in DOJ sedition complaint, Aug. 8, 2019
Rappler.com, Robredo to DOJ: Evidence first before I respond to sedition complaint, Aug. 8, 2019
Statements of personalities named in the sedition case
- CBCP News, Bishop David: Who is breaking the law?, Aug. 6, 2019
- CBCP News, CBCP chief chides sedition charges against bishops, priests, July 20, 2019
- Antonio “Sonny” Trillanes IV, Statement, July 19, 2019
- Senate of the Philippines, Akbayan Senator Risa Hontiveros on PNP-CIDG’s sedition raps vs. opposition figures, July 19, 2019
- Senate of the Philippines, Sen. Leila M. de Lima’s statement on the Sedition Case vs the Opposition, July 28, 2019
- VP Leni Robredo, [BISErbisyong LENI – Episode 115], July 21, 2019
Supreme Court, 2000 Rules of Criminal Procedure, Dec. 1, 2000
What is sedition?
- Official Gazette, Act No. 3815, s. 1930
- Official Gazette, Republic Act No. 10951
- Official Gazette, Republic Act 10175
Difference from other crimes
- Official Gazette, Republic Act No. 6968
- Lawphil, Republic Act No. 1700
- Chan Robles Law, Republic Act No. 1700
- Official Gazette, Republic Act No. 7659
Who can file sedition charges; court
- Gilbert Andres, Personal Communication, Aug. 7, 2019
- Energy Regulatory Commission, BATAS PAMBANSA BLG. 129
- Official Gazette, Republic Act 7691
Trillanes inciting to sedition cases
- Philstar.com, Inciting to sedition trial vs Trillanes to proceed, May 9, 2019
- Eagle News, Pasay court junks Trillanes’ bid to quash inciting to sedition case vs him, May 9, 2019
- UNTV, Trial on Senator Trillanes’ inciting to sedition case to proceed, May 9, 2019
- GMA News Online, Trillanes indicted anew for inciting to sedition over anti-Duterte remarks, Feb. 26, 2019
- Inquirer.net, Pasay prosecutor indicts Trillanes on 2nd inciting to sedition case, Feb. 26, 2019
- Philstar.com, Trillanes charged over remarks against Duterte during amnesty row, Feb. 26, 2019
- Eagle News, Trillanes indicted for inciting to sedition over remarks asking military to rise up vs Duterte, Feb. 27, 2019
Official Gazette, David v. Arroyo, G.R. No. 171396, May 3, 2006, May 3, 2006
Isaac Perez
-
- Chan Robles Law, G.R. No. L-21049
- Lawphil.net, G.R. No. L-21049
Filomeno Apurado, et.al.
- Lawphil.net, G.R. No. L-1210
- Chan Robles Law, G.R. No. L-1210
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)