Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Kailan maituturing na ‘opisyal’ ang iyong boto? 3 bagay na kailangan mong malaman

Ano ang mangyayari pagkatapos magsara ang botohan? Kailan idedeklara ang mga nanalo sa halalan? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman.

By VERA Files

May 13, 2022

-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang patuloy na partial at unofficial tally ng mga boto ay nagpapakitang si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak at kapangalan ng yumaong diktador Ferdinand Marcos Sr., at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang nangingibabaw sa presidential at vice presidential race.

Nangunguna sa “Magic 12” ang aktor na si Robin Padilla sa senatorial contest na may 64 na kandidato.

Gayunpaman, nadiskaril ang halalan dahil sa mga nag alborotong vote-counting machines (VCM) sa ilang presinto ng botohan. Opisyal na naitala ng Commission on Elections (Comelec) ang 915 (0.8%) na mga depektibong makina mula sa kabuuang 107,785 noong Mayo 12, 12:35 ng tanghali, ayon sa poll body. (Tingnan ang Wave of VCM complaints welcome first 4 hours of polling day)

Sinabi ni acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang 915 faulty VCMs ay inayos at inihatid upang magsilbing contingency machines, sakaling masira ang isa sa isang voting precinct.

Sinabi ni Laudiangco sa mga mamamahayag na ang poll body ay may “inaasahang mga problema” sa siyam na taong gulang na VCMs habang naghahanda sila para sa halalan.

Ano ang mangyayari pagkatapos magsara ang botohan? Kailan idedeklara ang mga nanalo sa halalan? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang mangyayari sa ating mga boto pagkatapos magsara ang mga botohan?

Sa ilalim ng batas sa automated electronic system (AES), pinupunan ng isang botante ang printed na opisyal na balota at ilalagay ito sa isang VCM, na maglalabas ng voter-verified paper audit trail (VVPAT) o isang resibo sa pagboto.

Sa pagtatapos ng panahon ng pagboto, ang bawat VCM ay mag-iimprenta ng “electronic returns” (ERs) na nagpapakita ng mga bilang ng boto para sa bawat kandidato sa isang lugar ng presinto, ang petsa ng halalan, ang lalawigan, lungsod o munisipalidad, at presinto kung saan ginanap ang eleksyon.

Ang mga ER ay sabay-sabay na ipinapadala sa board of canvassers (BOC) sa antas ng lungsod, munisipyo, at probinsiya, gayundin sa Comelec central server, at transparency server. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: 3 things you should know about Comelec’s transparency server)

Nagsasagawa ng opisyal na pagbibilang ang Comelec gamit ang “ladderized system” ng canvassing, ayon kay Laudiangco.


Ang resulta ng isang canvass ay isang certificate of canvass (COC), isang form na naglalaman ng kabuuang bilang ng mga boto para sa bawat kandidato.

Kapag natapos na ang COC, maaaring ipahayag ng mga BOC ng lungsod at munisipyo ang mga nanalo para sa mga lokal na nahalal na posisyon. Para sa mga lungsod na bahagi ng isang lalawigan, o “mga component city,” ang kanilang mga COC ay ipinapadala sa panlalawigang BOC, na maaaring magdeklara ng mga nanalo para sa mga nahalal na posisyon sa probinsiya, kabilang ang mga gobernador at bise gobernador.

Para sa independent highly urbanized chartered na mga lungsod – isang lungsod na may hindi bababa sa 200,000 populasyon at ang kasalukuyang kita na P50 milyon – ang kanilang mga COC ay direktang ipinapadala sa National Board of Canvassers (NBOC). Ang mga nasabing lungsod ay hindi bumoboto para sa mga posisyon sa probinsiya.

Ang mga senador at kongresista ay nakaupo bilang NBOC upang i-canvass ang mga boto para sa presidente at bise presidente. Nagpupulong sila sa joint session sa plenary hall ng Batasang Pambansa sa Quezon City.

Umuupo ang Comelec bilang NBOC sa PICC para i-canvass ang mga boto para sa mga senador at party list groups.

2. Ipinapakita ba ng mga transparency server ang opisyal na bilang ng mga boto?

Hindi. Ang mga numerong makikita sa mga transparency server ay hindi opisyal.

Tanging ang kani-kanilang BOC para sa bawat antas ang may kapangyarihang gumawa ng mga COC na gagamitin para opisyal na iproklama ang mga nanalo sa iba’t ibang posisyon.

Ang mga transparency server ay tumatanggap ng mga resultang electronically transmitted mula sa mga VCM sa mga clustered precinct sa buong bansa. Bahagi ito ng mandato ng Comelec na tiyaking “transparent at credible” ang halalan, na may mga resultang “mabilis, tumpak at sumasalamin sa tunay na kalooban ng mga tao.”

Hindi lahat ay maaaring ma-access ang server. Ang mga piling grupo lamang, tulad ng mga organisasyon ng media at mga citizen poll watcher group na kinikilala ng poll body, ang binibigyan ng access sa naturang impormasyon.

Para sa pambansang halalan ng 2022, 20 media outlets ang may access sa server, kasama ang nonpartisan polling watchdog Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na pisikal na matatagpuan sa University of Santo Tomas.

Sinabi ni Lito Averia, isang eksperto sa information technology para sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), na binibigyan ng server ang publiko ng mabilis ngunit hindi opisyal na sulyap sa kalagayan ng mga botohan, dahil ang manual canvassing ng election returns ay “mas mabagal sa pangkalahatan.”

3. Gaano kabilis maasahan ng publiko ang pagpapahayag ng isang bagong hanay ng mga pinuno?

Sinabi ni Laudiangco na ang “makatuwirang expectation” para sa publiko na makakita ng “napakalinaw na itsura ng mga resulta ng halalan” ay isang linggo.

Para sa mga lokal na posisyon, sinabi niya na “ang pinakamagandang scenario” para sa proklamasyon ng mga nanalo ay sa Mayo 10, ilang oras lang pagkatapos ng bilangan sa mga presinto.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN News, Halalan 2022 Election Results, Accessed May 10, 2022

GMA News Online, Election Results, Accessed May 10, 2022

PPRCV, National Local Elections, Accessed May 10, 2022

Commission on Elections, Resolution No. 10759, Jan. 26, 2022

Senate of the Philippines, Republic Act No. 9369, Jan. 23, 2007

Commission on Elections, Republic Act No. 9369, Jan. 23, 2007

Commission on Elections, Resolution No. 10781, April 20, 2022

Commission on Elections Official Facebook page, Election Day Closing of Polls, May 9, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.