Isang 6.7 magnitude na lindol ang tumama sa General Santos City at mga kalapit na bayan sa Sarangani Province noong Nob. 17, na nag-iwan ng hindi bababa sa 11 kataong namatay at 37 na sugatan. Makalipas ang anim na araw, bumisita sa lungsod si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pamahalaan ang distribution ng relief assistance ng gobyerno sa mga survivor ng lindol.
Nang tanungin kung paano sisimulan ng gobyerno ang mga pagsisikap sa muling pagbangon ng lalawigan, sinabi ni Marcos na hindi pa ito maaaring magsimula dahil sa mga potensyal na aftershocks. Ipinaliwanag niya na ang problema sa mga lindol ay “walang mga forecast” para dito, kaya’t ang mga tao ay hindi mabibigyan ng babala.
Pagkatapos ay tiniyak ni Marcos na habang ang Department of Social Welfare and Development ay magpapatuloy sa kanilang relief efforts, uunahin ng gobyerno ang muling pagtatayo ng mga daungan ng lungsod.
Bagama’t kilala bilang isang fishing hub, ang General Santos City ay nasa isang rehiyon na may pitong fault zone na “maaaring magdulot ng malalaking lindol at mapanirang tsunami.”
Maaari bang ma-forecast ng mga siyentipiko ang mga lindol? Paano naiiba ang prediksiyon ng lindol sa forecast ng lindol? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
-
Maaari ba nating ma-forecast ang mga lindol?
Oo, ngunit sa isang limitadong lawak lamang. Ang forecasting ng lindol ay nakatutok sa posibilidad na magkaroon ng lindol sa isang lugar. Ito ay kadalasang ginagamit sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga aftershock na maaaring mangyari pagkatapos ng isang mas malaking lindol o isang mainshock, ayon sa United States Geological Survey.
Ang forecasting ng lindol ay umaasa sa paggamit ng statistical models, ang isa sa mga ito ay ang Epidemic-Type Aftershock Sequence model, na binuo ng statistical seismologist na si Yosihiko Ogata noong 1988. Ginagamit ito ng mga siyentipiko upang ilarawan ang seismicity ng isang rehiyon, o ang dalas ng mga lindol sa isang partikular na lugar.
Ang modelong ito ay sumusunod sa ideya na ang isang lindol, depende sa magnitude nito, ay maaaring magdulot ng aftershocks. Isinasaalang-alang din nito na bukod sa aftershocks, maaaring mangyari ang background earthquakes. Ito ay mga lindol na walang kaugnayan sa mainshock, at sa halip ay sanhi ng “mga puwersang nauugnay sa plate tectonics.”
-
Ano ang earthquake prediction? Posible bang mahulaan ang mga lindol?
Ang isang prediksiyon ng lindol ay dapat tiyak na tukuyin kung kailan magaganap ang isang lindol, kung gaano ito kalakas, at kung saan eksakto ito mangyayari. Sa kasalukuyan, ang prediksiyon ng lindol ay imposibleng magawa ng siyentipiko, isang katotohanang inulit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong Nob. 9.
“Wala pang teknolohiya sa buong mundo ang makapagsasabi kung kailan at saan mangyayari ang malakas na lindol,” sinabi ng Phivolcs.
-
Paano natin mababawasan ang mga panganib mula sa lindol?
Noong 2017, nagsagawa ang mga seismologist sa Pilipinas ng probabilistic seismic hazard analysis para makagawa ng Philippine Earthquake Model Atlas (PEMA), na inilunsad noong 2018.
Isinasaalang-alang ng probabilistic seismic hazard analysis hindi lamang ang pinakamasamang sitwasyon na maaaring mangyari sa isang partikular na lugar dahil sa lindol. Nilalayon nitong kalkulahin ang buong hanay ng mga maaaring mangyari, na isinasaalang-alang ang “lahat ng pinagmumulan ng lindol” na maaaring humantong sa mga nakapipinsalang galaw sa isang partikular na lugar, bukod sa iba pang mga factor.
Ang PEMA ay nagsisilbing gabay sa pagdidisenyo ng mga gusaling resilient sa lindol at pagtulong sa disaster risk management, land use, at mga urban plan ng local government units at ng pambansang pamahalaan, ayon sa Phivolcs.
Noong 2020, ang Phivolcs, katuwang ang Global Earthquake Model Foundation, ay naglathala ng updated na bersyon ng seismic hazard analysis model para sa Pilipinas. Naghangad itong tumulong sa pagdidisenyo ng mas ligtas na mga istruktura sa hinaharap at hikayatin ang pag-retrofit ng mga nakatayong gusali para sa kaligtasan ng mga nakatira dito.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Phivolcs, PRIMER ON THE 17 NOVEMBER 2023 MAGNITUDE (MW) 6.8 OFFSHORE DAVAO OCCIDENTAL EARTHQUAKE, Nov. 18, 2023
National Disaster Risk Reduction and Management Council, SitRep No. 12 for the Magnitude 6.8 Earthquake in Sarangani (Davao Occidental), Dec. 1, 2023
RTVMalacañang Official YouTube Channel, Media Interview 11/23/2023, Nov. 23, 2023
Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area , Green City Action Plan: General Santos City, November 2021
Can we forecast earthquakes?
- Scientific American, We May Never Predict Earthquakes, but We Can Make Them Less Deadly, Feb. 17, 2023
- United States Geological Survey, What is the difference between earthquake early warning, earthquake forecasts, earthquake probabilities, and earthquake prediction?, Accessed Dec. 14, 2023
- The Institute of Statistical Mathematics, Space-Time Point-Process Models for Earthquake Occurrences, May 9, 1997
- The Institute of Statistical Mathematics, Yosi Ogata, Accessed Dec. 14, 2023
- SpringerOpen, Non-stationary ETAS to model earthquake occurrences affected by episodic aseismic transients, Nov. 14, 2017
What is an earthquake prediction?
- Phivolcs, Nais namin ipabatid sa publiko na hindi nanggaling sa DOST-PHIVOLCS, April 21, 2022
- The Associated Press News Verification, Scientists cannot predict earthquakes, May 2, 2023
- United States Geological Survey, What is the difference between earthquake early warning, earthquake forecasts, earthquake probabilities, and earthquake prediction?, Accessed Dec. 14, 2023
How can we mitigate hazards from earthquakes?
- Phivolcs, DOST-PHIVOLCS TO LAUNCH PHILIPPINE EARTHQUAKE MODEL ATLAS FOR DESIGNING EARTHQUAKE RESILIENT BUILDINGS, Jan. 17, 2018
- Cambridge University Press, eismic Hazard and Risk Analysis, 2021
- Earthquake Spectra, Probabilistic seismic hazard analysis model for the Philippines, March 5, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)