Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Maari bang ihinto ni Duterte ang paglalathala ng mga ulat ng COA?

Naging pangalawang independiyenteng constitutional body ang Commission on Audit (COA) na nakatanggap kamakailan ng maaanghang na pananalita mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Matapos kastiguhin ang Commission on Human Rights (CHR) sa ilang pagkakataon dahil sa kritikal na paninindigan nito sa kanyang giyera laban sa droga, ibinaling ng pangulo ang kanyang galit sa COA dahil sa natuklasan nitong P67.32 bilyon “deficiencies” ng Department of Health (DOH) sa paggasta ng mga pondo para sa pagtugon sa COVID-19.

By VERA Files

Aug 26, 2021

9-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Naging pangalawang independiyenteng constitutional body ang Commission on Audit (COA) na nakatanggap kamakailan ng maaanghang na pananalita mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Matapos kastiguhin ang Commission on Human Rights (CHR) sa ilang pagkakataon dahil sa kritikal na paninindigan nito sa kanyang giyera laban sa droga, ibinaling ng pangulo ang kanyang galit sa COA dahil sa natuklasan nitong P67.32 bilyon “deficiencies” ng Department of Health (DOH) sa paggasta ng mga pondo para sa pagtugon sa COVID-19.

Sa halos tatlong oras na public address na natapos ng 2:28 a.m. noong Agosto 17, kinastigo ni Duterte ang COA dahil sa pag-flag sa iba’t ibang ahensyang kulang ang dokumentasyon ng paggasta sa budget. Dapat aniyang ihinto ng COA ang pagbandera sa mga pampublikong tanggapan dahil sa mga pagkukulang dahil ito ay lumilikha ng “taint of corruption by perception.” Sinabi rin niya sa mga miyembro ng kanyang Gabinete na huwag sundin ang mga rekomendasyon ng mga auditor ng estado.

Nangyari ang panunuligsa ni Duterte nang ipagtanggol niya ang DOH at si Health Secretary Francisco Duque III, na umani ng napakatinding batikos dahil sa mga natuklasan ng COA sa financial statements ng health department.

Ayon sa COA, ang pinagsama-samang annual audit report nito sa DOH para sa 2020 ay nagpakita ng mga maling pahayag sa P70 bilyong asset accounts, P994 milyon para sa mga pananagutan, at P70 bilyon para sa net assets/equity. Napansin din ng komisyon, kabilang sa mga makabuluhang natuklasan nito, ang mga kakulangan sa dokumentasyon ng P67.323 bilyong halaga ng pondo na ginamit para sa pagtugon ng gobyerno laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isa pang pampublikong talumpati noong Agosto 21, sinabihan ni Duterte ang COA na “i-reconfigure” ang mga audit report nito at malinaw na sabihin na walang natuklasang katiwalian. Muling ipinagtanggol ng pangulo ang nanganganib na si Duque at sinabing ipagpapatuloy niya ito “kahit na ito ang magpapabagsak sa akin.”

Ang mga pag-atake ni Duterte laban sa isang constitutional office, pati na rin sa mandato ng COA, ay hindi na bago. Madalas niyang tinutuligsa ang CHR dahil sa mga kritikal na pahayag nito sa madugong giyera ng administrasyon laban sa droga na nagresulta sa pagpatay sa libu-libong hinihinalang drug personalities. Nagbanta pa siyang buwagin ang CHR noong 2017 dahil sa pag-iimbestiga sa mga pang-aabuso ng pulisya sa mga operasyon sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa droga. Gayunpaman, nang maglaon, sinabi niya na ito ay isang biro lamang. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte ‘jokes’ about abolishing CHR, meddling with Ombudsman probes)

Noong Enero 2019, iminungkahi ng pangulo na kidnapin at pahirapan ang mga tauhan ng COA “dahil sa pagpapahirap ng mga bagay” para sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Sa isa pang okasyon apat na buwan bago nito, minamaliit niya ang kapangyarihan ng COA at kinutya ang mga regulasyon nito bilang “shit of a circular.” Pagkatapos, sinabi niya na itulak sa hagdanan ang resident auditor ng ahensya sa Ilocos Norte para hindi na siya makapag-ulat, bilang tugon sa reklamo ng gobernador tungkol sa P15,000 na limitasyon sa mga cash advance para sa pagkain kahit sa panahon ng kalamidad.

Ang mga pagtuligsa ng pangulo laban sa COA ay umani ng mga katanungan mula sa publiko sa papel ng ahensya sa pamamahala. Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman tungkol sa komisyon:

1. Ano ang mandato ng COA?

Ang COA ay ang supreme auditing arm ng gobyerno na inatasan sa ilalim ng 1987 Constitution na “suriin, i-audit at ayusin” ang lahat ng mga account na nauukol sa mga paggasta at paggamit, bukod sa iba pa, ng mga pondo at ari-arian na pagmamay-ari o kontrolado ng gobyerno.

Binigyan ito ng Konstitusyon ng “eksklusibong kapangyarihan,” napapailalim sa mga limitasyon, upang “tukuyin ang saklaw ng pag-audit at pagsusuri nito, itatag ang mga sistema at pamamaraan na kinakailangan para doon, at ipahayag ang mga tuntunin at regulasyon sa accounting at pag-audit, kabilang ang mga para sa pag-iwas at pagbabawal sa hindi regular, hindi kailangan, sobra-sobra, mapag-aksaya, o walang katuwiran na mga paggasta, o paggamit ng mga pondo at ari-arian ng pamahalaan.”

Bilang isa sa tatlong constitutional commissions, ang COA ay may fiscal autonomy at kalayaan mula sa alinman sa mga sangay ng pamahalaan, kabilang ang Office of the President. Ito ay may hurisdiksyon sa lahat ng mga pampublikong tanggapan, tulad ng mga constitutional commission at mga government-owned or -controlled corporations (GOCC), at mga non-government organization (NGO) na tumatanggap ng subsidy o equity, direkta o hindi direkta, mula sa gobyerno.

Walang batas na maipapasa para i-exempt ang mga opisinang iyon sa hurisdiksyon nito, kasama na ang kanilang pamumuhunan ng pampublikong pondo. Simula Setyembre 2020, ang COA ay may kapangyarihan sa 66,045 auditees o pampublikong opisina, kabilang ang 341 state universities at colleges at 11,816 national government agencies at GOCCs.

Nagmula sa American colonial period, ang komisyon ay nagkaroon ng iba’t ibang mga pangalan bago ito itinaas sa isang constitutional body at pinalitan ng pangalan bilang General Auditing Office (GAO) sa ilalim ng 1935 Constitution. Noong 1973, naging COA ang GAO na may “mas malawak na saklaw ng audit.” Ito ay muling binago upang magkaroon ng tatlong komisyoner sa ilalim ng bagong likhang Konstitusyon.

2. Ano ang komposisyon ng COA?

Ang komisyon ay pinamumunuan ng isang tagapangulo at dalawang komisyoner, bawat isa ay naglilingkod sa pitong taong termino ng walang reappointment.

Ang mga komisyoner ay dapat certified public accountants na may hindi bababa sa 10 taong karanasan sa pag-audit o mga miyembro ng Philippine bar na nag-aabogado sa loob ng di bababa ng 10 taon. Hindi sila dapat tumakbo para sa anumang elective na posisyon sa pinakahuling halalan bago ang kanilang appointment.

Ang pagtatalaga ng mga komisyoner ay maaari lamang gawin ng pangulo, na may pagsang-ayon mula sa bicameral Commission on Appointments.

Noong Agosto 23, dalawa na lang ang komisyoner ng COA, kasunod ng pagreretiro ni commissioner Jose Fabia noong 2020 matapos makumpleto ang natitirang anim na taon ng termino ni dating commissioner Rowena Guanzon. Ang natitirang mga komisyoner ay sina Michael Aguinaldo, na itinalaga bilang chairperson noong Marso 2015 at magtatapos sa kanyang termino sa Marso 2022, at Roland Pondoc, na hinirang ni Duterte noong 2018.

3. Ano ang layunin ng annual audit report ng COA?

Ang consolidated annual audit report (CAAR) ng COA ay ipinag-uutos sa ilalim ng 1987 Constitution. Ayon sa komisyon, ang ulat ay naglalaman ng mga obserbasyon at natuklasan ng mga auditor nito sa paggamit ng budget ng mga ahensya ng gobyerno, pati na rin ang mga rekomendasyon upang malutas ang mga alalahanin. Ang mga ulat sa pag-audit ay inilalathala pagkatapos ng isang talakayan o “exit conference” sa mga natuklasan ng mga tagasuri ng COA kasama ang mga kawani ng pamamahala at mga opisyal ng isang pampublikong tanggapan.

Sinabi ni dating COA commissioner Heidi Mendoza na ang audit reports ay nakakatulong sa mga tanggapan ng gobyerno na mapabuti ang kanilang pamamahala sa mga transaksyon at programa. Idinagdag niya na ito ay nagsisilbing isang “batayan ng pagtitiwala” sa pagtukoy kung ang mga tanggapan ay magagawang tuparin ang kanilang mga mandato, ang kanilang pag-asa sa panloob na kontrol, paghahanap at paghuli ng “walang katuwiran” at/o maling paggamit ng mga pondo.

Ang mga tanggapan ng gobyerno na na-flag para sa mga kakulangan ay kinakailangang ipatupad ang mga rekomendasyon sa pag-audit ng COA sa loob ng 60 araw. Ang mga tanggapang ito ay inaatasan na abisuhan ang komisyon, ang House speaker, ang Senate president, ang mga chairmen ng Senate committee on finance, ang House committee on appropriations, gayundin ang kalihim ng Department of Budget and Management tungkol sa mga aksyong ginawa.

Bukod sa pinagsama-samang taunang ulat ng pag-audit, ang komisyon ay gumagawa ng iba pang mga uri ng mga ulat tungkol sa fraud audit, information audit system, special audit at citizen participatory audit.

4. Napaaga ba ang annual audit report ng DOH para sa 2020?

Kinuwestiyon ni Duterte at ng iba pang opisyal ng gobyerno, kabilang sina Palace Spokesperson Harry Roque at Duque, ang motibo ng COA sa paglalathala ng mga ulat nito na umano’y naglalaman ng mga paunang natuklasan na nagbibigay sa mga pampublikong tanggapan ng masamang reputasyon.

Isinantabi ang mga pahayag na ang DOH ay hindi nabigyan ng due process at ang ulat ay “premature,” sinabi ni Aguinaldo sa House Committee on Public Accounts sa isang pagdinig noong Agosto 17 na mayroong “regular na pagpupulong” sa pamunuan ng DOH.

“Bago ang audit report ay ilabas, maraming due process na talagang sinusunod. May mga regular na pagpupulong kasama ang namamahala. Meron pa ‘yang exit conference. Kaya’t hindi tama na sabihing walang due process,” sinabi niya sa halong Ingles at Filipino.

5. Maari bang ihinto ng pangulo ang paglalathala ng mga audit report?

Ayon kay Aguinaldo, ang komisyon ay inatasan ng batas, o ng General Appropriations Act (GAA), na ilathala ang taunang audit reports sa website nito. Aniya, karaniwang lumalabas ang mga ulat pagsapit ng Hunyo 30 bawat taon.

Si Duterte mismo ang pumirma sa Republic Act 11465 (GAA of 2020) na nag-aatas sa COA na isumite ang mga ulat nito, sa loob ng 120 araw pagkatapos ng katapusan (Setyembre 30) ng fiscal year, sa Kongreso at sa pangulo at ilathala ang mga kopya sa website nito (coa. gov.ph).

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacanang, Talk to the People, Aug. 16, 2021 (transcript)

Commission on Audit, COA clarification on audit findings of DOH COVID-19 funds, Aug. 16, 2021

Commission on Audit, Department of Health, Accessed Aug. 23, 2021

RTVMalacanang, Talk to the People, Aug. 20, 2021 (transcript)

Rappler.com, Duterte jokes: Let’s kidnap, torture COA personnel, Jan. 8, 2019

Inquirer.net, Duterte: Let’s just kidnap and torture COA execs, Jan. 8, 2019

Al Jazeera, Philippines: Duterte wants state auditors ‘kidnapped, tortured’ | Rodrigo Duterte News, Jan. 8, 2019

Rappler.com, Duterte jokes: Push COA auditor in Ilocos Norte down the stairs, Sept. 16, 2018

ABS-CBN News, ‘Ihulog sa hagdanan’? Palace defends Duterte rant vs COA, Sept. 17, 2018

Philstar.com, WATCH: Duterte ‘jokes’ about pushing COA auditor down stairs, Sept. 17, 2018

Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines, Accessed Aug. 23, 2021

Commission on Appointments, Confirmed appointments from July 2013 to August, 2014, 2014

Commission on Audit, Constitutional Provisions, Accessed Aug. 23, 2021

Commission on Audit, History, Accessed Aug. 23, 2021

Commission on Audit, Commissioner Jose A. Fabia ends COA term, Feb. 7, 2020

Commission on Audit, Chairperson Michael Aguinaldo, Accessed Aug. 23, 2021

Commission on Audit, Commissioner Roland C. Pondoc, Accessed Aug. 23, 2021

ANC, Ex-Audit Commissioner: Annual audit report underwent due process, not premature | ANC, Aug. 18, 2021

People’s Television, WATCH: Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque | August 17, 2021, aug. 17, 2021 (transcript)

ANC, ‘You ruined us’: PH Health Chief Duque laments COA report on DOH funds in House hearing | ANC, Aug. 18, 2021

Inquirer.net, COA commits to continue audit duties despite complaints from Duque, Duterte, Aug. 17, 2021

Manila Bulletin, COA to Duterte: ‘We have a constitutional mandate to follow’, Aug. 17, 2021

Interaksyon, ‘#ProtectCOA’ trends as audit chief vows to do job despite criticisms, Aug. 18, 2021

Department of Budget and Management, Republic Act 11465 (GAA of 2020)

Bureau of Internal Revenue, January – Bureau of Internal Revenue, January 2021

ABS-CBN News, House lawmakers look into COA report on DOH’s spending of COVID-19 funds, Aug. 17, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.