Nagmungkahi ng “genderless” approach sa isyu ng karahasan sa pamilya si Senator-elect Raffy Tulfo, pangatlo sa pangkalahatan sa senatorial race noong Mayo 9.
“[H]alimbawa, si mister ay nanakit, meron siyang mga katapat na parusa sa Violence Against Women and Children. Eh pano naman kung si mister ang sinaktan? Wala tayong violence against men,” sinabi ni Tulfo sa isang panayam sa GMA News’ Unang Balita noong May 12.
“Kaya gagawin kong walang kasarian ang karahasan sa pamilya,” dagdag niya sa Ingles.
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng panukalang ito? Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman:
1. Maaari bang ‘genderless’ ang domestic violence?
“Ang domestic violence at anumang anyo ng karahasan na nakabatay sa kasarian ay hindi maaaring genderless,” sabi ni Nathalie Africa-Verceles, associate professor at direktor ng University of the Philippines (UP) Center for Women’s and Gender Studies.
“Hindi parallel ‘yung phenomenon ng domestic violence against men sa domestic violence against women,” sabi niya, “dahil sa patriarchy,” ang sistema kung saan namamayani ang kalalakihan at nasa ilalim ang kababaihan.
Ang gender-based violence o GBV ay anumang mapaminsalang gawa na “nakadirekta sa isang indibidwal batay sa kanilang kasarian,” na maaaring sekswal, pisikal, mental, at economic harm na ginawa sa harap ng publiko o pribadong espasyo, ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR).
Sa 1993 UN Declaration on the Elimination of Violence Against Women (VAW), kinilala ng UN General Assembly na ang gender-based violence laban sa kababaihan ay “isang manipestasyon sa kasaysayan ng hindi pantay na relasyon sa kapangyarihan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan.”
Kasama sa VAW ang mga pisikal, sekswal, at sikolohikal na anyo ng karahasan gaya ng:
- karahasan sa intimate partner (pambubugbog, sikolohikal na pang-aabuso, panggagahasa sa asawa, femicide);
- sekswal na karahasan at panliligalig (panggagahasa, sapilitang sekswal na gawain, unwanted sexual advances, sekswal na pang-aabuso sa bata, sapilitang kasal, panliligalig sa lansangan, stalking, cyber-harassment);
- human trafficking (pang-aalipin, sexual exploitation);
- female genital mutilation; at
- pag-aasawa kahit bata pa.
Sa bansa, ang isa sa mga pinakalaganap na anyo ng VAW ay kinabibilangan ng mga ginawa ng isang intimate partner: asawa, dating asawa, live-in partner, boyfriend o girlfriend, o fiancé, kung kanino ang babae ay nagkaroon ng sekswal o dating pakikipagrelasyon, ayon sa Philippine Commission on Women (PCW).
Kaya naman, inaprubahan ng Kongreso noong 2004 ang Republic Act (RA) 9262 o ang Violence Against Women and Children Act, na nagpaparusa sa isang taong napatunayang nag-abuso o nakagawa ng marahas na gawain laban sa babae na asawa, dating asawa, kung saan ang indibidwal ay may o nagkaroon ng sekswal o dating relasyon, o kung kanino ang isa ay may anak.
“Ang batayan para sa batas na ito na nagpoprotekta sa mga kababaihan at kanilang mga anak ay ang konteksto na karamihan sa mga naiulat na kaso ay nauugnay sa karahasan sa intimate partner at kadalasan, ang mga biktima ay mga babae,” sabi ng PCW sa isang email sa VERA Files Fact Check.
Sa isang desisyon noong 2013, pinagtibay ng Korte Suprema na ang RA 9262 ay “hindi lumalabag sa garantiya ng pantay na proteksyon ng mga batas.” Sinabi ng mataas na hukuman:
“Societal norms and traditions dictate people to think men are the leaders, pursuers, providers, and take on dominant roles in society while women are nurturers, men’s companions and supporters, and take on subordinate roles in society. This perception leads to men gaining more power over women. With power comes the need to control to retain that power. And VAW is a form of men’s expression of controlling women to retain power.”
(Ang mga pamantayan at tradisyon ng lipunan ay nagdidikta sa mga tao na isipin na ang mga lalaki ay ang mga pinuno, mga naghahabol, mga tagapagkaloob, at nagsasagawa ng mga nangingibabaw na tungkulin sa lipunan habang ang mga babae ay mga tagapag-alaga, mga kasama at tagasuporta ng mga lalaki, at nagsasagawa ng mga subordinate na tungkulin sa lipunan. Ang pananaw na ito ay humahantong sa pagkakaroon ng higit na kapangyarihan ng mga lalaki sa mga kababaihan. Kasama ng kapangyarihan ang pangangailangang kontrolin upang mapanatili ang kapangyarihang iyon. At ang VAW ay isang anyo ng pagpapahayag ng kalalakihan ng pagkontrol sa kababaihan para mapanatili ang kapangyarihan.)
Pinagmulan: E-Library ng Korte Suprema, G.R. No. 179267, Hunyo 25, 2013
2. Ilan ang nag-uulat ng karahasan sa tahanan sa Pilipinas?
Ang datos na nakuha ng VERA Files Fact Check mula sa Philippine National Police Crime Information Reporting and Analysis System (PNP CIRAS) noong Mayo 24 ay nagpapakita na higit sa 8,900 kababaihan ang dumanas noong 2021 ng isang uri ng karahasan sa tahanan, gaya ng tinukoy ng RA 9262.
Sa kabilang banda, 21 insidente lamang ng karahasan na ginawa laban sa mga male victim-survivor sa pamamagitan ng mga kamag-anak o intimate partner ang naitala ng PNP, noong Mayo 20, sa parehong taon.
Sinabi ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) na ang “kaunting bilang” ng mga ulat ng karahasan laban sa mga lalaki kumpara sa mga kababaihan ay maaaring maiugnay sa “hindi pag-uulat ng mga insidente ng mga umano’y lalaking biktima dahil sa mga isyu sa pagkalalaki at takot sa pagsisiwalat.”
“Ang mga lalaki ay may posibilidad na mag-alala na hindi sila paniniwalaan o na sila ay itinuturing na hindi tunay na lalaki kung mag-uulat sila ng pang-aabuso,” sabi ni Police Brig. Gen. Edgar Cacayan, hepe ng PNP WCPC.
Pinangangasiwaan ng PNP WCPC ang mga kaso ng karahasan na nakabatay sa kasarian, karahasan laban sa kababaihan at mga bata – kabilang ang domestic violence – trafficking in persons, children in conflict with the law, at mga batang nasa panganib. Ang lahat ng iba pang mga kaso ay “inaasikaso ng general investigation unit ng PNP.”
Sinabi ni Police Col. Joy Tomboc, pinuno ng Anti-Violence Against Women and Children Division ng PNP WCPC, na ang kasalukuyang datos ay hindi nagsasaad ng pagkakakilanlan ng kasarian ng mga biktima-nakaligtas at nagkasala, ngunit may ilang ulat na kinasasangkutan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
3. Bakit ito mahalaga?
Bagama’t walang partikular na batas na nagpaparusa sa karahasan laban sa mga lalaki, ipinaliwanag ni Cacayan na ang isang lalaki na inaabuso ng isang babae ay maaaring magsampa ng reklamo o kaso sa general investigation office ng PNP sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC), “depende sa mga nagawa.”
Gayunpaman, ang saklaw ng RPC ay pisikal na pang-aabuso lamang, ayon kay Tomboc.
Ipinunto ng PCW na ang mga lalaki ay maaaring “dumulog sa ibang mga batas,” tulad ng Anti-Rape Law (RA 8353), Anti-Sexual Harassment Act (RA 7877), Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 (RA 9208), o ang Safe Spaces Act (RA 11313) na “naaangkop sa parehong lalaki at babae.”
Kinikilala ng WCPC na ang mga lalaki ay maaaring maging biktima ng mga mapang-abusong relasyon, ngunit inamin nito na ang stereotype ng pagkalalaki ay “mahirap labanan.”
Para kay Africa-Verceles, na ang pananaliksik ay nakatuon sa gender and development, isang “masusing pagsusuri” at higit pang datos ang kailangan upang maunawaan ang phenomenon ng karahasan laban sa mga lalaki bago magawa ang anumang rekomendasyon o rebisyon sa mga umiiral na batas.
“Dahil ibang-iba siya, ibang-iba rin dapat ang policy intervention diyan,” sinabi niya.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
United Nations High Commissioner for Refugees, Gender-based Violence
United Nations Office of the High Commissioner for Human Rights, Declaration on the Elimination of Violence against Women
United Nations, International Day for the Elimination of Violence against Women
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 9262
Philippine Commission on Women, Violence Against Women
Supreme Court E-Library, G.R. No. 179267, June 25, 2013
Philippine Commission on Women, Personal communication (email), May 16, 2022
Philippine National Police Women and Children Protection Center (email), May 20, 2022
Dr. Nathalie Africa-Verceles, Personal communication (call), May 20, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)