Noong Hunyo 8, pinuna ng maraming netizens, kasama si Pinoy Ako Blog author Jover Laurio, ang tila salungat na mga pahayag ni San Juan City Mayor Francisco Zamora, na kamakailan ay tinukoy ang kanyang asawa bilang isang “stage 3 breast cancer patient” matapos na sabihing “cancer-free” ito pitong buwan na ang nakaraan.
Walang “cancer free,” ayon sa isang oncologist.
Bandang 8 p.m. noong Hunyo 7, naglabas ng pahayag si Zamora sa social media na humihingi ng tawad sa mga residente ng Baguio City dahil sa paglabag sa mga quarantine protocol at pag lampas sa isang police checkpoint dalawang araw ang nakaraan. Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag:
“My wife is a stage 3 breast cancer patient and is still undergoing treatment. Her doctor advised her to take a very needed rest[,] which[,] combined with her medical treatment protocols[,] would help her achieve full recovery.
(Ang asawa ko ay isang stage 3 breast cancer patient at sumasailalim pa sa pagpapagamot. Pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpahinga [,] na kung saan [,] kasama ang kanyang mga medical treatment protocol[,] ay makakatulong sa kanyang buong paggaling.)”
Pinagmulan: Francisco Zamora official Twitter account, Statement of San Juan City Mayor Francis Zamora in response to the statement of Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Hunyo 7, 2020
Makalipas ang ilang oras, si Laurio, kasama ng iba pang mga netizen, ay nag-tweet ng isang kopya ng pahayag, at isang screenshot ng isang post noong Nobyembre 2019 ni Zamora sa Facebook, kung saan inihayag niya na ang mga resulta ng PET CT scan ng asawa ng asawa na nagpapakita na siya ay “cancer free” pagkatapos “sumasailalim sa siyam na buwan na paggamot.”
Sinabi ni Laurio, na may hindi bababa sa 48,200 followers sa Twitter, sa kanyang caption: “Dear Mayor Zamora, ipinagdarasal ko ang sakit ng iyong asawa. Sana maging cancer free na siya sa lalong madaling panahon.”
Habang binanggit ng ilang netizens, kasama na si Laurio, sa reply section na ang kanser, bilang isang sakit, ay maaaring umulit, inakusahan ng iba si Zamora ng pagsisinungaling at paggamit sa kondisyon ng kanyang asawa upang “makakuha ng simpatiya.”
Sinabi ng oncologist na si Necy Juat, isang miyembro ng Philippine Society of Medical Oncology, sa VERA Files sa isang online na panayam na walang “‘cancer-free’.”
Ang isang pasyente ay sinasabing “in remission” kapag ang lahat ng mga laboratory at diagnostic test ay nagpapakita na “malinaw na walang anumang tanda ng kanser,” sabi ni Juat.
Mayroong dalawang uri ng remission: partial, kapag ang mga palatandaan at sintomas ng kanser ay nabawasan; at complete, kapag ang lahat ng mga palatandaan ng kanser ay nawala, ayon sa United States National Cancer Institute (NCI).
Kung ang isang pasyente ay nasa complete remission sa loob ng hindi bababa sa limang taon, maaaring sabihin ng ilang mga doktor na siya ay “gumaling” na, sabi ng U.S. NCI. Ngunit kahit na ganoon, ang ilang mga kanser ay maaaring “manatili sa katawan sa loob ng maraming taon pagkatapos ng paggamot [at] mayroong posibilidad na ang kanser ay bumalik.”
Sinabi ni Juat na ang isang pasyente na tinawag na “cancer-free” — sa ganoong kaso, maaari siyang tawaging “cancer survivor” – ay maaari pa ring ma-diagnose, o magkaroon ng stage 3 cancer “kahit na pagkatapos ng ilang taon [mula] sa huling paggamot.”
“Dapat tandaan na ang cancer cells ay kinokontrol lamang ngunit hindi ganap na natatanggal. Minsan ang cancer sa maagang stage ay maaaring magpatuloy ang maging terminal stage,” dagdag niya.
Paglabag sa mga protocol ng Baguio City
Dumating si Zamora sa Kennon Road quarantine checkpoint noong hapon ng Hunyo 5 “sakay ng isang convoy ng [anim na] mga sasakyan, na may kasamang mga unipormadong tauhan sa loob,” ayon sa pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Nang ang grupo ay pinatigil para sa pag-iinspeksyon, ang driver ng unang sasakyan — isang kotse ng pulisya – ay “naghinayhinay lang ng kaunti” at ipinaalam sa opisyal na checkpoint na siya ay bahagi ng isang convoy, “pagkatapos ay agad na umalis kasama ang grupo ng mayo ( Zamora),” sabi ng pahayag.
Iniulat ng mga tauhan ng checkpoint ang insidente sa mga opisyal ng pulisya ng Baguio, na sumunod sa convoy ni Zamora sa Baguio Country Club at “magalang na nagsabi sa [Zamora at kumpanya] na sumailalim sa triage examination,” sinabi ng pahayag.
Sinabi ni Magalong na si Zamora ay “nagpahayag ng matinding pagsisisi,” na siya ay “natutulog sa kanyang kotse” nang ang kanyang police escort ay “hindi nag-isip at nagpasya na huwag pansinin ang matagal nang standard border protection measure.”
Ang insidente ay umani ng mga pagpuna mula sa mga residente ng Baguio at nag umpisa pa ng isang petisyon online na nanawagan sa konseho ng lungsod ng Baguio na ideklara si Zamora bilang persona non grata. Mahigit sa 15,700 katao ang pumirma sa petisyon noong Hunyo 12.
Ang limang mga opisyal ng pulis na nag-escort kay Zamora ay tinanggal sa kanilang mga puwesto at naghihintay ng imbestigasyon. Sinabi ni National Capital Region police director Maj. Gen. Debold Sinas, na mismong nahaharap sa kaso ng umano’y paglabag sa mga quarantine protocol, na “hindi niya kukunsintihin ang anumang pagkakasala ng mga pulis sa pagpapatupad ng community quarantine protocols.”
Ang Baguio City ay hinahangaan bilang isang modelo para sa mga lokal na yunit ng gobyerno sa pagsisikap nitong labanan ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Naitala ng Pilipinas ang 24,175 na kumpirmadong mga kaso ng COVID-19 na may 1,036 namatay at 5,165 na naka-recover noong Hunyo 11, 2020.
Mga Pinagmulan
Francisco Zamora official Facebook account, Statement of San Juan City Mayor Francis Zamora in response to the statement of Baguio City Mayor Benjamin Magalong, June 7, 2020
Pinoy Ako Blog official Twitter account, “Dear Mayor Zamora…,” June 8, 2020
Francisco Zamora official Facebook account, “After 9 months of undergoing treatment and medical procedures…,” Nov. 6, 2019
Online interview, Necy Juat, June 8, 2020
United States National Cancer Institute, Understanding Cancer Prognosis, Last reviewed: June 17, 2019
Benjamin Magalong official Facebook page, Public statement, June 7, 2020
Change.org, Declare Mayor Francis Zamora Persona Non Grata
Inquirer.net, Police officers in Zamora’s convoy to Baguio City relieved from posts — Sinas, June 8, 2020
GMA News Online, 5 San Juan cops relieved from posts for ‘disregarding’ Baguio health protocols, June 8, 2020
Rappler, NCRPO sacks San Juan cops who escorted Mayor Zamora to Baguio, June 8, 2020
CNN Philippines, Criminal charges to be filed vs. NCRPO chief Sinas, other police officials over birthday feast – Palace, May 14, 2020
Inquirer.net, BREAKING: Sinas, other police officials in mañanita to face criminal case – Palace, May 14, 2020
Rappler, PNP files criminal, admin raps vs Sinas, 18 cops over birthday party, May 15, 2020
Department of Interior and Local Government, Baguio shares COVID-19 best practice on contact tracing to other LGUs, May 6, 2020
Baguio City PIO official Facebook page, CAR, Baguio City praised for COVID-19 actions, Feb. 23, 2020
Department of Health, COVID-19 BULLETIN #89, June 11, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)