Sa kasagsagan ng usap-usapang magbabago na naman ang mamumuno sa Senado, may Facebook netizens na nagsasabing si Loren Legarda na ang bagong Senate President at unang babaeng mamumuno ng Senado. Hindi ito totoo.
Ang Facebook post ni political analyst Malou Tiquia noong Feb. 4 ay may may screenshot ng Senate plenary session (noong araw na pansamantalang umupo si Legarda sa pwesto ng Senate President bilang tagapamuno ng session) at may caption na:
“The first female Senate President. History was made today.”
(Ang unang babaeng Pangulo ng Senado. Makasaysayan ang araw ngayon.)
Pinalitan na ni Tiquia ang caption bilang:
“As of 1730H: The first female Senate President. History was made today.
As of 2038H: History fell by the wayside of a comedic skit!
This is a developing story.”
(5:30 PM: Ang unang babaeng Pangulo ng Senado. Makasaysayan ang araw ngayon.
8:38 PM: Hindi natapos ang kasaysayan. Nakakatawang palabas!
Patuloy na balita ito.)
Kalaunan noong araw ding iyon, hindi bababa sa tatlo pang Facebook netizen ang nagpakalat ng video naman ng Senate session kung saan tinatawag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri si Legarda bilang “madam president”. Ang pagkakaintindi ng tatlong post ay patunay itong pinalitan na ni Legarda si Tito Sotto bilang Senate President.
Tatlong iba pang Facebook post ang may parehong pagkakaintindi. Ang isa ay binabati si Legarda, habang ang iba naman ay namamaalam kay Sotto.
Hindi ito totoo. Si Sotto pa rin ang Senate President. Nilinaw ni Legarda na pinamunuuan niya lang ang senate session bilang presiding officer. Ito ay pagtapos ng lagpas isang oras na break, kaya lalong namuo ang usap-usapang papalitan ng Senado ang kanilang pangulo.

Sa ambush interview, sinabi ni Sotto na napigilan ng Senate Majority ang pagtatangkang palitan siya bilang Senate President.
Noong Feb. 4 ay may balita na nagsasabing hinahanda si Legarda na palitan si Sotto. Sigurado na raw ang boto ng 13 senador para palitan ni Legarda si Sotto. Isa pang balita ang nagsabing hindi bababa sa 17 senador ang inaasahang susuporta kay Legarda bilang bagong Senate President.
Noong Feb. 3 isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na may mga nag-alok kay Legarda na maging Senate President. Pero nabigo sila, at ngayo’y sinasabi nilang si Legarda pa mismo ang nagprisintang tumulong magkalap ng suporta.
Kinumpirma ni Sotto na inalok ng Senate Minority si Legarda na maging Senate President pero tinanggihan niya ito.
Hindi naging unang babaeng Senate President si Legarda noong Feb. 4, pero sinabi ni Sotto na plano na gawing Senate President si Legarda bago matapos ang kasalukuyang kongreso sa June 30, 2028.
Ang maling pagkakaintindi ay kumalat pagtapos paulit-ulit tawagin ni Zubiri si Legarda bilang “madam president”, na lalong nagpalakas sa usap-usapang magpapalit na naman ng Senate President dahil sa imbestigasyon ng Senado sa malawakang korapsyon sa flood control, kung saan tatlong minority senator ang pinakakasuhan dahil sa pandarambong at iba pang kirmen.
Ang post ni Tiquia na binago niya kalaunan ay may lagpas 26,000 reactions, 2,800 comments at 1,100 shares. Habang ang mga video naman ay ini-upload nina Alona Sekiguchi (ginawa noong Dec. 17, 2014), Ser Romnick (July 29, 2011) at Lisa Bugash (April 16, 2019) ay may pinagsamang lagpas 118,000 views, 4,700 reactions, 400 comments at 200 shares.
